Ika-14 na anibersaryo ng Ampatuan massacre, ginunita


“Hindi tayo mapapagod na manawagan sa mga kinauukulan na lalo pang pangalagaan at itanghal ang kapakanan at mga karapatan nating mga alagad ng komunikasyon at midya para sa walang maliw na pakikipaglaban at pagtaguyod sa kapakanan ng sambayanan,” ayon sa pahayag ng UP College of Mass Communication.

Ginunita ng mga mamamahayag pangkampus at mga miyembro ng midya ang ika-14 na anibersaryo ng Ampatuan massacre nitong Nob. 23, sa University of the Philippines College of Mass Communication (UP CMC) sa Quezon City.

Noong Nob. 23, 2009, papunta sana ang 58 na biktima para saksihan ang pag-file ng certificate of candidacy ni noo’y Buluan Mayor Esmael “Toto” Mangudadatu matapos sila ay tambangan, kidnapin at kalauna’y patayin.

Inilibing ang mga bangakay sa isang burol sa bayan ng Ampatuan sa Maguindanao (ngayo’y bahagi ng Maguindanao del Sur). Kabilang sa mga naging biktima ang asawa at kapatid ng kandidatong si Mangudadatu.

Tinawag naman ang masaker ng Committee to Protect Journalists (CPJ) bilang “deadliest” na pangyayari para sa mga mamamahayag sa buong kasaysayan, kung saan 34 sa bikima ay mamamahayag.

Nasa 200 na sangkot sa pagpaslang ang hinatulan noong Dis. 19, 2019 ng habambuhay na pagkakabilanggo nang walang parol, Tinagurian ang paglilitis bilang “trial of the decade.”

Hinatulan ang magkapatid na sina Datu Andal Ampatuan Jr. at Zaldy Ampatuan ng 57 counts ng murder at sinentensiyahan ng 40 na taong pagkakakulong at karagdagang 15 na taon dahil sa pagiging accessories sa krimen. Nasa 83 naman sa mga hinatulang guilty ang nananatiling malaya.

Samantala, ang 55 na iba pa, kabilang sina Datu Sajid Islam Ampatuan, kapatid nina Andal Jr. at Zaldy, ay napawalang-sala.

Sa isang hiwalay na pahayag, muling nanawagan ang UP CMC na bigyang proteksiyon ang mga mamamahayag na humaharap sa iba’t ibang atake at harassment.

“Sa panahon man ng kapayapaan o digmaan, dito man sa atin o ibang bayan, patuloy ang pagsisikap at pakikibaka ng ating mga kasamahan upang ilahad ang mga pangyayaring kailangan nating malaman. Tinutupad nila ang kanilang mahalagang gampanin para sa ating kasarinlan at kalayaan,” ayon sa pahayag ng kolehiyo.

“Kaya naman hindi tayo mapapagod na manawagan sa mga kinauukulan na lalo pang pangalagaan at itanghal ang kapakanan at mga karapatan nating mga alagad ng komunikasyon at midya para sa walang maliw na pakikipaglaban at pagtaguyod sa kapakanan ng sambayanan,” dagdag nito.

Noong Mayo, tumaas nang bahagya ang ranggo ng Pilipinas sa global rankings base sa mga kaligtasan ng mamamahayag sa bansa mula 147 noong nakaraang taon, kasalukuyan na tayong nasa ika-132 na puwesto.

Ayon sa datos ng National Union of Journalists of the Philippines, nasa 200 mamamahayag ang pinaslang mula 1987. Pinakabagong biktima ng pamamaslang sa mga mamamahayag si Juan Jumalon o DJ Johnny Walker na binaril sa loob ng radio booth sa bayan ng Calamba sa Misamis Occidental noong Nob. 5.