Istorya ng Linggo

Natatanging Progresibo ng 2010


Tulad noong nakaraang taon, nagbuo ang istap ng Pinoy Weekly ng lista ng mga personahe, grupo at kaganapan na lumikha ng malaking ingay at impluwensiya para sa progresibong pagbabago noong taong 2010.

Progresibong pagkilos, noong anibersaryo ng Batas Militar, Setyembre 21, 2010. (KR Guda)
Progresibong pagkilos, noong anibersaryo ng Batas Militar, Setyembre 21, 2010. (KR Guda)

Bagong rehimen, bagong mga hamon. Nitong nakaraang taon, 2010, nasaksihan natin ang katapusan ng kinamumuhiang paghahari ng nakaraang administrasyon. Mayo 2010, mabilis na nahirang na presidente si Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III, tanging lalaking anak nina Corazon at Benigno Jr. na dalawang itinuturing na bayani ng bansa.  May pampulitikang pedigree si Pangulong Aquino, na isinakay ang kampanya sa ngalan ng mga magulang at nagdala ng plataporma ng “pagbabago.” Sa hanay ng mulat na publiko, tila sukatan ito ng pagiging progresibo: Naniniwala ka bang magdadala ng makabuluhang pagbabago sa lipunang Pilipino si Aquino? Nang masimulan ang panunungkulan ni Aquino, madaling nailantad na tunay na progresibong pagsusuri iyong kritikal na tindig kay Aquino ng mga organisasyong masa. Nailinaw rito kung ano talaga ang dapat na pakahulugan ng pagiging progresibo: Iyong pagtaguyod at paglaban para sa malawakan, makabuluhan at sistematikong pagbabago sa lipunan, mula sa kalagayan ng pinakamaraming bilang ng mga mamamayan na magsasaka’t manggagawa, hanggang sa iba pang inaaping sektor. Batay sa pagpapakahulugang ito, muling maglalabas ang Pinoy Weekly ng mga parangal sa mga Natatanging Progresibo sa nakaraang taong 2010. Tulad noong nakaraang taon, ang istap (mga manunulat, editor, litratista) ng Pinoy Weekly ang tumayong screening committee ng parangal na ito. Ibig sabihin, pagtingin ito ng istap at hindi ng anumang iba pang organisasyon o sektor. Kung ikukumpara sa mga pinarangalan noong nakaraang taon, walang fixed o pirmidong mga kategorya ang mga gagawarang tao, organisasyon, at pangyayari. Pinili ng istap ng Pinoy Weekly ang mga gagawaran batay sa itinuring naming progresibong debelopment ng taon.

Progresibong kilos-protesta

<i>Student strikes</i> sa UP Diliman noong Nobyembre 2010. (Jeffrey Ocampo / PW File Photo)
Student strikes sa UP Diliman noong Nobyembre 2010. (Jeffrey Ocampo / PW File Photo)

Gumuhit, hindi lamang sa publiko at masmidya, kundi pati sa kasaysayan ng kilusang estudyante, ang tinaguriang student strikes ng mga organisasyon ng kabataan at estudyante noong huling bahagi ng Nobyembre 2010. Pagkilos laban sa pagkaltas ng gobyernong Aquino sa badyet ng state colleges and universities, makasaysayan ang mga aksiyong pinamunuan ng Kilos Na Laban sa Budget Cut dahil sa lawak na inabot nito para mapakilos ang mga estudyante para sa kanilang demokratikong karapatan at interes. Maituturing marahil na pinakamalaking demonstrasyon ng kabataang estudyante ang naturang student strikes sa loob ng napakatagal na panahon (maaaring hanggang noong dekada ’80). Ayon kay Kabataan Rep. Raymond Palatino, mas malalaki ang pagkilos ng mga estudyante mula sa UP noong panahon ng Edsa Dos (2001), pero hindi pa rin maikukumpara ito sa student strikes. Bukod sa tagal ng strikes (umabot ng mahigit dalawang linggo) at dami ng SUCs sa Kamaynilaan na lumahok, pati SUCs sa iba’t ibang probinsiya ay nagdeklara ng welga, ayon kay Palatino. Tunay na makasaysayan ito.

Tangkang demolisyon sa North Triangle, Quezon City. (Macky Macaspac / PW File Photo)
Tangkang demolisyon sa North Triangle, Quezon City. (Macky Macaspac / PW File Photo)

Samantala, kailangang parangalan din ang militante (at makasaysayan ding) pagkilos ng mga mamamayan ng North Triangle sa Quezon City noong Setyembre 23, 2010 laban sa demolisyon ng kanilang mga tahanan. Gumuhit din sa masmidya ang kanilang pagbabarikada sa hilagang bahagi ng Edsa para harangin ang demolisyon. Pero higit pa rito, nabigyang pansin ng publiko ang panggigipit at pagpapahirap sa mga maralitang naghahangad lamang ng tahanan at kabuhayan. Nilahukan ng iba’t ibang grupo ng mga maralita sa North Triangle ang barikada, kabilang na ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay at Anakpawis Party-list. Tutol ang mga residente ng North Triangle sa “proyektong pangkaunlaran” sa kanilang lugar na magpapalayas sa kanila. Tinaguriang “Quezon City Central Business District” (QCCBD) na pagtatayuan ng mga mall, business centers, parks at iba pa, ang ipapalit sa kanilang mga tahanan. Ginawad ng lokal na gobyerno ng Quezon City sa Ayala Land ang pagpapatayo ng QCCBD. Ngunit batay ito sa planong inirerekomenda ng World Bank para sa lugar, at sinang-ayunan ng administrasyong Arroyo at Aquino.

Natatanging progresibong organisasyong masa

Sa pader ng Central Azucarera de Tarlac sa Hacienda Luisita, Tarlac. (Macky Macaspac / PW File Photo)
Sa pader ng Central Azucarera de Tarlac sa Hacienda Luisita, Tarlac. (Macky Macaspac / PW File Photo)

Noong idispers ng mga pulis sa Mendiola ang mga magsasakang nagnanais lamang makipagdiyalogo kay Aquino noong linggo ng inagurasyon ng bagong pangulo, napaalala sa publiko ang uring pinagmulan ng bagong pangulo. Malaking panginoong maylupa ang mga Aquino-Cojuangco. At sa bakod mismo ng pamilyang ito, matindi ang pagsasamantala at panunupil sa mga magsasaka. Hindi nasindak sa popularidad ni Aquino ang mga organisasyon ng mga magsasaka sa loob ng Hacienda Luisita. Noong Hunyo, nailantad ang mga tangkang palagdain ang mga mamamayan ng Luisita sa isang compromise agreement, na nagpapayag umano sa mga Cojuangco-Aquino na manatili sa kanila ang Luisita. Pinangunahan ng United Luisita Workers’ Union (ULWU) at Alyansa ng mga Manggagawang Bukid ng Asyenda Luisita (Ambala) ang paglalantad sa mga maniobrang ito ng mga Cojuangco-Aquino. Samantala, pinangunahan ng dalawang organisasyong masang ito ang pagbubungkal sa lupain ng Luisita para pagtamnan at pakinabangan nilang mga magsasaka.

Natatanging progresibong lider-masa

Si Liza Maza, sa isa sa <i>campaign sorties</i> noong panahon ng kampanya. (AK Guray / PW File Photo)
Si Liza Maza, sa isa sa campaign sorties noong panahon ng kampanya. (AK Guray / PW File Photo)

Matagal na silang kilala bilang pinuno ng kilusang masa at mga progresibong partido na lumalahok sa eleksiyong party-list. Ngunit sa pagkakataong ito, nahikayat sina Satur Ocampo at Liza Largoza-Maza na muling magpakilala sa publiko bilang indibidwal na tumatakbo sa pagkasenador sa halalan. Ito ang unang eleksiyon magmula 1987 (taong nagpatakbo ang Partido ng Bayan ng mga kandidato sa pagkasenador) na lumahok ang tinaguriang Kaliwa sa eleksiyon sa pagkasenador.  Bilang third-termer na mga kinatawan sa Kamara, higit kaninuman na nasa posisyon sina Ocampo at Maza na maging senador. Dala sana nila ang makabayang mga paninindigan na pansin nating kulang sa mayorya ng mga senador ngayon.

Si Satur Ocampo sa kampanya. (AK Guray / PW File Photo)
Si Satur Ocampo sa kampanya. (AK Guray / PW File Photo)

Hindi nagwagi sina Ocampo at Maza. Gayunman, pinasimulan nila ang paglahok ng tinaguriang progresibong kilusan sa pambansang halalan sa pagkasenador. Naging tagumpay ang nabuong mga alyansa, at ang paglawak ng kasapian ng progresibong mga party-list dahil sa pambansang kampanyang isinagawa ng dalawang matatayog na kinatawan ng kilusang ito.

Natatanging progresibong institusyon

Kampanya kontra <i>electoral fraud</i> noong panahon ng halalan. (KR Guda / PW File Photo)
Kampanya kontra electoral fraud noong panahon ng halalan. (KR Guda / PW File Photo)

Gabi ng Mayo 10, 2010, mabilis na inilabas ang partial na resulta ng pambansang halalan.Sa resultang ito, nakita ang malayong lamang ni Benigno Aquino III sa pangalawa at pangatlong kandidato sa pagkapangulo. Nagulat at natuwa ang publiko na nasanay na sa makupad na pagbibilang ng Commission on Elections (Comelec). Ilang linggo pa bago nailantad ang seryosong mga problema ng sistema ng kompanyang Smartmatic para sa unang automated elections ng bansa. Huli na para makuwestiyon ang resulta ng halalan. Gayunman, kung nakinig sana ang Comelec sa mga institusyong tulad ng Center for People Empowerment in Governance (Cenpeg), maiiwasan o maiibsan sana ang mga problema. Bago pa man ang halalan, ipinakita na ng Cenpeg ang mga aspekto ng sistema ng Smartmatic na bulnerable sa mga kamalian at pandaraya. Matapos ang halalan, at nang malantad ang mga problema sa sistema, naimbitahan ang Cenpeg na magsalita sa mga imbestigasyon ng Senado at Kamara. May mga rekomendasyon ito sa susunod na mga halalan na marapat na pakinggan naman ngayon ng Comelec at gobyernong Aquino.

Natatanging progresibong panukalang batas

Itinutulak ng Gabriela ang akses ng maralitang kababaihan sa komprehensibong programa sa pangangalaga sa kalusugan. (Macky Macaspac / PW File Photo)
Itinutulak ng Gabriela ang akses ng maralitang kababaihan sa komprehensibong programa sa pangangalaga sa kalusugan. (Macky Macaspac / PW File Photo)

Isa sa pinakamasipag mag-akda ng mga panukalang batas sa Kamara ang progresibong mga kinatawan ng Bayan Muna, Gabriela, Anakpawis, at Kabataan. Pero sa taong ito, nabigyan-pansin ng publiko at midya ang isa sa maraming panukalang batas nila: ang kontrobersiyal na Comprehensive Reproductive Health Bill (HB  3387) at Divorce Bill (HB 1799) na akda nina Reps. Luzviminda Ilagan at Emmi de Jesus ng Gabriela Women’s Party. Isa lamang ang HB 3387 sa anim na panukalang batas na naglalayong tugunan ang reproduktibong kalusugan ng kababaihan. Gayunman, natatangi ang HB 3387 sa pagbigay-diin hindi lamang sa pagbigay-akses sa kababaihan sa mga kontraseptibo at birth control. Binibigyang-diin ng naturang panukala ang pagtugon sa komprehensibong kalusugan ng maralitang kababaihan. Samantala, nakabangga man ang Simbahang Katoliko ng naturang mga kinatawan, patuloy nilang itinulak ang HB 1799 na magbibigay kapangyarihan sa kababaihan na putulin ang relasyong mapang-abuso.

Natatanging progresibong ehekutibo ng gobyerno

DOJ Sec. Leila de Lima at Marie Hilao-Enriquez, tagapangulo ng Karapatan. (Macky Macaspac / PW File Photo)
DOJ Sec. Leila de Lima at Marie Hilao-Enriquez, tagapangulo ng Karapatan. (Macky Macaspac / PW File Photo)

Ipinagpatuloy ng dating tagapangulo ng Commission on Human Rights (CHR) na si (at ngayo’y kalihim ng Hustisya) Leila de Lima ang progresibong tindig para sa karapantang pantao. Nitong Pebrero 2010, pinangunahan ni De Lima ang pag-iimbestiga sa ilegal umanong pag-aresto sa 43 manggagawang pangkalusugan. Sa pamumuno niya, nakahanap ang mga grupong pangkarapatang pantao ng katuwang sa pagsasapubliko ng mga kaso ng pang-aabuso ng mga armadong ahente ng estado sa mga mamamayan. Bilang kinatawan ng Department of Justice, inasahan ng marami na mas magiging “maingat” at konserbatibo na si De Lima sa mga isyung kinasasangkutan ng mga katunggali ng gobyerno. Pero ipinakita niyang progresibo pa rin ang tindig niya, halimbawa, sa Manila hostage crisis, gayundin sa Morong 43, at iba pang kaso. Nang di-sundin ni Aquino ang rekomendasyon niya bilang pinuno ng mga imbestigador sa hostage crisis, di nangiming sinabi ni De Lima sa publiko na sumagi sa isip niyang magbitiw na lamang. Ipinakita niyang hindi siya mangungunyapit sa puwesto katupad ng marami sa gobyerno at gabinete.

Natatanging progresibong mambabatas

Nagsalita si Sen. Alan Peter Cayetano sa protesta ng kabataan sa harap ng Senado noong Disyembre 1, 2010. (KR Guda)
Nagsalita si Sen. Alan Peter Cayetano sa protesta ng kabataan sa harap ng Senado noong Disyembre 1, 2010. (KR Guda)

Taun-taong natatangi ang progresibong mga mambabatas ng Bayan Muna, Gabriela, Anakpawis, ACT Teachers at Kabataan. Gayunman, may ilang tampok na mga mambabatas sa Kamara at Senado na sumuporta sa ilang progresibong panukalang batas, aksiyon o kampanya. Isa na rito si Sen. Alan Peter Cayetano, na sumuporta sa maraming progresibong tindig, pangunahin na rito ang suporta sa pagharang sa budget cut sa edukasyon. Nagsalita si Cayetano sa makasaysayang malaking kilos-protesta ng kabataang estudyante sa harap ng Senado noong Disyembre 1.

Pagtagpo nina Saranggani Rep. Manny Pacquiao at ang dalawang progresibong kandidatong sina Reps. Liza Maza at Satur Ocampo. Nasa kanan ni Pacquiao si Sen. Manny Villar. (Raymund Villanueva)
Pagtagpo nina Saranggani Rep. Manny Pacquiao at ang dalawang progresibong kandidatong sina Reps. Liza Maza at Satur Ocampo. Nasa kanan ni Pacquiao si Sen. Manny Villar. (Raymund Villanueva)

Sa kabila ng kanyang karera sa boksing at iba pang pinagkakaabalahan, mainam na kilalanin din ang suporta ni Saranggani Rep. Manny Pacquiao sa iba’t ibang progresibong panukala sa Kamara. Kabilang dito ang suporta (kahit sa pagpayag ng paggamit lamang ng pangalan niya) sa House Bill No. 2142 o “The Public School Teachers’ Salary Upgrading Act” na panukala ng ACT Teachers. Idineklara rin ni Pacquiao ang suporta niya sa kampanya kontra sa human trafficking, kung kaya pinapurihan siya ng Migrante International, sa bisperas ng laban ng kongresistang boksingero sa Mexikanong si Antonio Margarito. Sumuporta rin si Pacquiao sa kandidatura nina Satur Ocampo at Liza Maza.

Natatanging progresibong alyansa

Napuwersa si Pangulong Aquino na makinig sa malawakang alyansang naghahangad ng pagpapalaya sa Morong 43. (Macky Macaspac / PW File Photo)
Napuwersa si Pangulong Aquino na makinig sa malawakang alyansang naghahangad ng pagpapalaya sa Morong 43. (Macky Macaspac / PW File Photo)

Isa sa pinakamalawak na alyansang nabuo para sa isang isyu ang Free the 43 Health Workers Alliance. Ito ang alyansa para makalikom ng suporta para sa pagpapalaya sa 43 manggagawang pangkalusugan na ilegal umanong ikinulong ng militar at pulis noong Pebrero 2010 sa Morong, Rizal. Nakalikom ito ng suporta sa hanay ng mga kapwa manggagawang pangkalusugan (hanggang sa dating mga kinatawan ng Department of Health), personalidad, mambabatas, hanggang sa mga organisasyon sa ibang bansa. Kinalampag ng alyansa ang tanggapan ng Department of Justice, ang mga kampo ng pulis at militar, at mga hearing sa Court of Appeals at Morong, Rizal RTC. Testamento ng tagumpay ng alyansa ang desisyon ni Pang. Benigno Aquino III na iatras ang kaso laban sa Morong 43, batay sa rekomendasyon ni DOJ Sec. Leila de Lima, noong Disyembre 10. Napalaya na ang 35. Pero walo pa sa 43 ang nakapiit (5 ang nasa kustodiya ng militar, 3 ang iniipit dahil sa mga “gawa-gawang kaso”), kaya patuloy pa ang trabaho ng alyansang ito.

Unang pagkilos ng KPMM noong Nobyembre 30. (Darius Galang / PW File Photo)
Unang pagkilos ng KPMM noong Nobyembre 30. (Darius Galang / PW File Photo)

Samantala, bagamat sa dulo pa lamang ng taon inilunsad at nakapagpakilos ang Koalisyon ng Progresibong Manggagawa at Mamamayan (KPMM) para sa makabuluhang dagdag-sahod ng mga manggagawa at kawani sa gobyerno, mainam na kilalanin pa rin ang makasaysayang alyansang magtitipon sa iba’t ibang sektor ng lipunan para sa interes ng mga manggagawa.

Natatanging progresibong midya

Programang "Sali Na, Bayan!" ng Kodao sa estasyon ng radyong DZUP (1602 KHz). (Mula sa FB page ng Kodao Productions)
Programang “Sali Na, Bayan!” ng Kodao sa estasyon ng radyong DZUP (1602 KHz). (Mula sa FB page ng Kodao Productions)

Natatangi ang ambag ng Kodao Productions sa pagsisiwalat ng mga mahahalagang kaganapan sa pamamagitan ng paglalabas ng mga video documentary noong nakaraang taon. Kabilang dito ang tuluy-tuloy na pagsubaybay mula sa ilegal na pagkakaaresto at pagkakakulong hanggang sa paglaya ng tinaguriang Morong 43. Naging maagap rin ang Kodao sa live webcast ng mga tumampok na usapin noong 2010 kabilang na ang nakaraang eleksiyon, Hacienda Luisita compromise deal, ang pagkakapaslang sa botanist na si Leonard Co, ang protesta ng mga drayber ng kuliglig, ang ika-42 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas at marami pang iba. Noong huling araw ng Agosto, sinimulan ng Kodao ang pag-ere ng programang Sali na, Bayan sa DZUP na maririnig mula Lunes hanggang Biyernes sa ganap na alas-dos hanggang alas-tres ng hapon. Tinatalakay sa programa ang maiinit na isyu at nagpapatugtog ng mga progresibong musika. Bukod dito, nagbibigay rin ang Kodao ng mga pagsasanay sa paggawa ng video documentary. Maliban sa Kodao, dapat ding banggitin ang ambag ng Mayday Productions sa paglabas ng mga makabuluhang video documentary hinggil sa Hacienda Luisita at sa tangkang demolisyon sa North Triangle, Quezon City. Kailangang kilalanin din ang pag-uulat ng alternatibong newsmagazine sa wikang Ingles na Bulatlat, na gumagamit ng iba’t ibang porma tulad ng larawan, podcasts, bidyo, live webcast at mga artikulo hinggil sa mahahalagang isyu ng mga mamamayan.

Natatanging progresibong pelikula

Ang artistang si Dawn Zulueta, sa isang eksena sa pelikulang "Sigwa."
Ang artistang si Dawn Zulueta, sa isang eksena sa pelikulang “Sigwa.”

Binuhay ng pelikulang Sigwa ang mga kaganapan ng Sigwa ng Unang Kuwarto ng 1970 kaya naging kakaiba ito sa karaniwang pelikula. Dinirehe ng batikang direktor na si Joel Lamangan at sinulat ni Bonifacio Ilagan, inilahad ng pelikula ang buhay ng mga kabataang aktibista noong dekada ’70. Nagsimula ang  pelikula sa pagbalik ng Filipino-American na si Dolly (Dawn Zulueta) mula sa US matapos ang ilang dekada para hanapin ang kanyang anak. Naging aktibista si Dolly nang mapunta siya sa Pilipinas bilang batang-batang photojournalist. Dito niya nakita ang kalagayan ng bansa sa ilalim ng diktadurang Marcos. Dito rin niya nakilala ang mga aktibistang sina Cita, Rading, Oliver at Azon. Ipinakita ng pelikula ang buhay ng mga aktibista sa pagrarali, pakikipamuhay sa masa at pakikiisa sa piket ng mga mangaggawa. Ipinakita rin ng pelikula ang pagbabago sa mga pangunahing tauhan nang sila’y tumanda na. tulad na lamang nina Cita (Zsa Zsa Padilla) na naging kasapi ng New People’s Army at Oliver (Tirso Cruz III) na naging tauhan ng Pangulo ng Pilipinas. Mapangahas ang pelikula sa pagtalakay nito sa aktibismo sa mainstream lalo na’t lumabas ito sa panahon ni Gloria Arroyo na kinatampukan ng mga pagpaslang, pagdukot at pagbilanggo sa mga aktibista.

Natatanging progresibong libro

Dalawang libro hinggil kay, at panulat ni, Crispin Beltran.
Dalawang libro hinggil kay, at panulat ni, Crispin Beltran.

Dalawang libro tungkol sa buhay ni Crispin Beltran o mas kilala bilang Ka Bel ang lumabas noong nakaraang taon. Una’y ang Ka Bel: The Life and Struggle of Crispin Beltran na sinulat ni Ina Alleco Silverio at ang ikalawa ay ang Ka Bel, Mga Liham na pinamatnugutan naman ni Kenneth Roland A. Guda. Sa unang libro ay tungkol sa buhay na buung-buong inalay sa pagsisilbi sa uring manggagawa. Inilarawan si Ka Bel bilang isang mabuting tao na laging handing tumulong sa ibang tao. Naroon ang kanyang pagtugon sa hamon ng kanyang panahon, mula noong siya’y bata pa at nabuhay sa panahon ng pananakop ng mga Hapones, nang siya’y maging aktibista at lider-manggagawa sa panahon ni dating pangulong Marcos, nang humawak siya ng armas sa kanayunan hanggang magsilbi siya bilang kinatawan ng Bayan Muna at Anakpawis. Sa ikalawang libro, mababasa naman sa anyo ng mga liham at ilang pahayag ang buhay at pakikibaka ni Ka Bel. Sa kanyang sariling panulat mismo, mababanaag ang kanyang pagkatao, ang kanyang personal at buhay pamilya, ang kanyang mga pananaw bilang obrero, makabayan at rebolusyonaryo. Sa pagbasa ay may pagkakataong makilala ng mambabasa kung paano siya magpalaki ng anak at kung paanong makitungo sa mg kaibigan at mga kasama. Higit sa lahat, narito rin ang kanyang matatag na prinsipyo at paniniwala sa pakikibaka para sa kanyang mga kauri. (Sundan sa sunod na pahina)

Natatanging progresibong pagtatanghal

Project RunAway ng Gabriela (KR Guda / PW File Photo)
Project RunAway ng Gabriela (KR Guda / PW File Photo)

Sa pamamagitan ng pananamit, ipinakita sa Project RunAway ng Gabriela ang mga isyung kinaharap ng bansa sa panahon ng panunungkulan ni Gloria Macapagal Arroyo. Nag-imbita ang Gabriela ng ang ilan sa pinaka-mahuhusay na fashion designers at visual artists sa bansa para magdisenyo ng mga damit na inirampa sa Project RunAway: The Election Season Collection, noong Abril sa Mowelfund, at noong Hunyo sa Amoranto Stadium, kapwa sa Quezon City. Layunin ng naturang fashion show na hikayatin ang mga kanditato sa pagkapangulo na harapin ang mga isyu ng bayan at itaas ang kanilang antas ng pangangampanya. Kabilang sa mga napalahok ng Gabriela sa fashion show ang fashion designers tulad nina Gerry Katigbak, Dennis Cabalinan, Joelle Francisco, Rei Rana, at visual artists tulad nina Boy Dominguez, Adi Baen Santos, Egai Fernandez, Lia Torralba, Mona dela Cruz-Gaston at ang UgatLahi Artists Collective. Kabilang naman sa mga nagmodelo sina Angel Aquino, Keanna Reeves, Rochelle Barrameda, Bibeth Orteza, Malu de Guzman, Shamaine Buencamino, at mga lider ng mga organisasyong masa kabilang sina Satur Ocampo at Liza Maza. Nagmodelo rin ng mga damit si Rodolfo “Jun” Lozada, at online editor ng Pinoy Weekly na si Ilang-Ilang Quijano.

Natatanging progresibong eksibit ng sining biswal

A(r)mado: Isa sa mga eksibit sa Artista ng Bayan
A(r)mado: Isa sa mga eksibit sa Artista ng Bayan

Itinanghal noong Oktubre hanggang Oktubre, layunin ng Artista ng Bayan na pinangunahan ng Concerned Artists of the Philippines na sukatin ang halaga ng isang artista batay sa ambag ang kanyang likhang-sining sa pagsulong ng lipunan. Dahil sa kontrobersiya sa pagpili sa Pambansang Alagad ng Sining noong nakaraang taon, napagpasyahan ng CAP na maghanay ng mga artista na nararapat na parangalan, batay sa kanilang mga ambag sa pagpapalaya ng bayan. Kabilang dito sina Amado V. Hernandez, Carlos Bulosan, Leo Rimando, Ishamel Bernal, Monico Atienza, Emmanuel Lacaba, Lorena Barros, Danilo “Papo” de Asis, Romulo Sandoval, Alex Remollino, at Raquel Aumentado. Kasama rin sa listahan sina Jose Rizal, Andres Bonifacio, at Juan Luna na ang panulat at mga dibuho ay nakatulong upang pag-alabin ang damdamin ng mamamayan laban sa kolonyalismong Espanyol. Labindalawang artista ang nag-ambag ng kanilang likhang sining kabilang sina Mark Justiniani, Don Salubayba, Renan Ortiz, Beth Parocha-Doctolero, Brenda Fajardo. Itinaghal naman sa Kapital: Tribute to Labor, ang hinaing ng mga manggagawa at ang mukha ng kanilang paglaban. Itinanghal ito sa Vargas Museum ng Unibersidad ng Pilipinas, Diliman mula Agosto hanggang Setyembre. Layunin ng pagtatanghal na parangalan ang paggawa at ang mga manggagawa. Kabilang sa mga nag-ambag ng kanilang sining sina Renato Habulan, Antipas Delotavo, Neil Doloricon, Pablo Baen Santos at mga kasapi ng Neo Angono at Ugat Lahi Artist Collective. Makikita sa mga likhang sining ang kalagayan ng mga manggagawang patuloy na naghihirap sa kabila ng nalilikha nilang yaman sa pagbabanat ng buto. Makikita rin sa mga obra ang dignidad na nawawaglit sa mga manggagawa sa patuloy na pagsagad sa kanilang talino’t lakas ng mga kapitalista.

Natatanging progresibong agaw-eksena

Si Ces Santos, tagapangulo ng konseho ng mag-aaral sa UP Manila. (Mula sa kanyang FB account)
Si Ces Santos, tagapangulo ng konseho ng mag-aaral sa UP Manila. (Mula sa kanyang FB account)

Gitna ng diyalogo noon kay Pangulong Aquino na ginanap sa La Consolacion College para sa unang isangdaang araw ng Pangulo noong Oktubre. Habang nagtatanong ang isang sundalo kay Aquino, biglang tumayo ang isang malit na grupo ng mga estudyante. Bitbit ang mga plakard, ipinanawagan nila ang kanilang pagtutuol sa nakaambang budget cut sa state colleges and universities (SUCs) at sa iba pang mga isyu na nakapalibot rito. Pinangunahan ito ni Ces Santos, tagapangulo ng University Student Council ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) Manila, at iba pang lider-estudyante sa naturang eskuwelahan. Dismayado ang mga mag-aaral sa hindi pagtalakay ng presidente sa isyu ng pagkaltas sa badyet para sa SUCs. Bagkus, ibinandera ang pagsama ng sektor ng edukasyon sa programang public-private partnerships ng kanyang administrasyon. Kasama pa na binanggit ni Aquino ang paglaki ng badyet para sa iba pang kagawaran ng edukasyon tulad ng CHED at Tesda, ngunit sa huling tasa’y panlilinlang ang naturang mga numero. Gulantang ang mismong presidential advisers sa ginawang eksena nina Santos. Ngunit hindi sila nagulantang sa mismong isyung bitbit di lamang ng tagapangulo ng Student Council ng UP Manila, kundi ng lahat ng mga mag-aaral ng SUCs. Bastos man itong nakita ng mga taga-Palasyo, maging ng ilang dumalo sa La Consolacion at nakapanood nito sa telebisyon, malinaw namang may punto ang mga kabataang estudyante: May pananagutan ang bagong pangulo sa edukasyon na tila gusto niyang talikuran.

Natatanging progresibong gumagamit ng online social networking sites

Vencer Crisostomo ng Kabataan Party-list
Vencer Crisostomo ng Kabataan Party-list

Kung sharing ng mga mensahe ang halaga ng Twitter, nagamit naman ito nang mahusay sa kampanya ng mga estudyante sa kanilang laban ukol sa edukasyon at sa pagbawas ng pambansang badyet para sa edukasyon. At para kay Vencer Crisostomo, ang bawat twit ay bahagi ng pagpapalaganap ng Kabataan sa kanilang makabayang mensahe sa makabagong midyum na ito. Malalaking serye ng kilos-protesta ang naisagawa ng mga kabataan nitong 2010. Nasa harapan si Vencer sa mga ito. At ang huli niyang mensahe sa Twitter para sa 2010? “Haffy new yeah! Hanep ang 2010. Maghanda ka na 2011, amin ka!” Samantala, ipinakita naman ng progresibong propesor sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Quezon City kung papaano namamaksimisa ang social networking sites tulad ng Facebook. Sa kabila ng kanyang gawain bilang faculty regent sa UP, matalas na nakakapaglabas si Prop. Judy Taguiwalo sa Facebook ng kanyang progresibong mga paninindigan, pagtingin at mga larawang nagpapakita ng mga pagkilos at pagtitipon ng mga progresibo. “Parang ginawa ang Facebook para sa mga tulad ni ma’am Judy,” ika nga ng isang kapwa propesor, na tumatangkilik sa mga ipinapalaganap ni Taguiwalo sa kanyang Facebook account.