Trahedya sa SEA Games: Katutubo, magbubukid pinalayas sa kanilang lupain
Mga Pilipino rin ang talo sa SEA Games: mga nadisloka dahil sa mga pagtatayo ng mga imprastraktura, at ‘inaswang’ na P17-B pondo.
Umalma ang mga magsasaka at katutubo sa Gitnang Luzon sa pagpapalayas sa kanila sa mga lupaing sakahan at katutubo nila dahil daw sa itinayong mga imprastraktura para sa Southeast Asian (SEA) Games.
Kinondena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Sandugo – Movement of Moro and Indigenous Peoples for Self- Determination ang anila’y paggamit ng administrasyong Duterte sa SEA Games para pabilisin ang puwersahang pagpapalayas sa mga magsasaka at katutubo sa kanilang mga lupain para magbigay daan sa itinatayong 9,450 ektaryang New Clark City (NCC) kung saan idadaos ang dalawa lang sa mga laro ng SEA Games.
Ayon kay Joseph Canlas, pangalawang tagapangulo ng KMP at lider-magsasaka sa Gitnang Luzon, tila inikutan umano ng Bases Conversion Development Authority (BCDA), na pinamumunuan ni Presidential Adviser for Flagship Projects Vivencio Dizon, at ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) ang legal na mga proseso sa pakikipagkasundo nito sa kompanyang Malaysian na MTD Capital Berhad para sa pagpapatayo ng athletics stadium, aquatic center, at athletes’ village na sasagasa sa lupang katutubo at agrikultural sa Capas, Tarlac.
Dahil sa kasunduang ito, kailangang bayaran ng Pilipinas ang MTD Capital Berhad ng P11.1 Bilyon o P2.2-B kada taon sa loob ng limang taon.
Nauna na ring kinuwestiyon ni Sen. Franklin Drilon sa pagdinig sa Senado ang pagpasok sa naturang kasunduan ng pautang para lamang sa dalawang laro gayong ngayon pa lamang umano ay may kakulangan nang P624-B sa pondo ng bansa.
Samantala, habang nagpahayag ng buong-buong suporta para sa mga atletang Pilipino, nagbanta naman ang progresibong mga organisasyon at unyon na babantayan at lalabanan ang pandarambong sa pondo ng bayan at iba pang maniobra ng administrasyong Duterte ng paggamit sa SEA Games para ilusot ang maanomalya at kontra-mamamayang mga kasunduan.
Kuwestiyonable
Matatandaang batikos ang inani ng administrasyong Duterte dahil sa katakut-takot na kapalpakan at alegasyon ng korupsiyon sa likod ng pangangasiwa nito sa nasabing patimpalak sa pangunguna ng Phisgoc, na pinamumunuan ni House Speaker Alan Peter Cayetano.
Tila ibang ginto umano kasi ang sinusungkit ng mga opisyal ng pamahalaan at mga pribadong korporasyon mula sa umaabot na P17-B pondo para sa SEA Games.
Isang araw bago ang pormal na pagbubukas ng SEA Games, naglunsad ng protesta ang iba’t ibang progresibong organisasyon sa Luneta Park para ipakita ang suporta sa mga atletang Pilipino at ang para kondenahin ang anila’y korupsiyon sa likod ng SEA Games.
Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), ang mga pangangasiwa ng administrasyong Duterte sa SEA Games ay naging “sanhi ng pambansang kahihiyan” para sa mga Pilipino dahil sa mga kapalpakan na maaring bunga umano ng korupsiyon.
Dapat busisiin
Nanawagan din ang Bayan ng special audit sa mga ginastos ng Phisgoc sa harap ng ng mga overpriced na hindi natapos na mga pasilidad at mga kuwestiyonableng kasunduan sa mga kontraktor lalo na sa P1.5-B kontratang hindi dumaan sa bidding.
Nauna nang binatikos ang Phisgoc dahil sa kapalpakan sa pagsalubong sa mga dayuhang atleta.
Kahit kasi may nakalaang P380 Milyon para sa accommodation, marami pa rin sa mga atleta ang pinatulog sa sahig ng mga hotel.
May P79-M espesyal na pondo para sa pagkaing halal, pero hinainan pa rin ang dayuhang mga atleta ng mga pagkaing bawal sa kanilang relihiyon.
Kahit ang mga atletang Pilipino, hindi rin umano nakaligtas sa mga aberya at anomalya. Sa kabila ng inilaang P6-B badyet para sa pagpapaunlad ng mga atleta, marami pa rin sa mga ito ang dumadaing ng kawalang suporta ng pamahalan.
Naging viral ang pahayag ng dating atleta at mamamahayag na si Gretchen Malalad na nagsabing dapat ginastos na lamang umano ang P50-M halaga ng SEA Games Cauldron sa badyet sa training at pagkain ng mga atletang Pilipino.
Matatandaang idinaing naman ng Philippine Volleyball Team na kikiam at itlog lang ang inihain sa kanilang almusal.
Sa loob din ng dalawang taon para maghanda, hanggang sa huli’y hindi pa rin natapos ang construction at renovation ng mga pasilidad na pagdarausan ng mga laro. Dahil dito, ginawang madalian ang konstruksiyon na nagresulta naman ng aksidenteng malubhang ikinasugat ng isang manggagawa sa Rizal Memorial Stadium.
Para sa pambansang sentrong unyon na Kilusang Mayo Uno (KMU), dapat din umanong direktang managot si Pangulong Duterte dahil hinayaan nitong mangasiwa sa SEA Games at humawak ng pondo ng bayan ang isang pribadong korporasyon gaya ng Phisgoc.
Dagdag pa ng KMU, ang mga atleta, volunteer at manggagawa para sa SEA Games ang nagdurusa dahil sa kapalpakan at korupsiyon ng mga alipores ni Duterte.
Kinuwestiyon din ng ilang kritiko ang Phisgoc bilang isang pribadong non-stock at non-profit na korporasyon na naatasang mangasiwa ng mga pulong para sa SEA Games.