Makasaysayang lupa sa Pangasinan, kinakamkam ng mga Cojuangco?


Inaangkin umano ng Central Azucarera de Tarlac Realty Corporation (CAT), kompanyang kontrolado ng mga Cojuangco ang 386.8-ektaryang lupang agrikultural at residensiyal sa Bayambang, Pangasinan, na siyang kinalalagyan din ng 289-ektaryang Camp Gregg Military Reservation, ayon sa Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson (AMGL). Naghahanda naman ang AMGL na mangampanya sa napipintong pangangamkam ng mga […]

Mapa ng Bayambang, Pangasinan.

Inaangkin umano ng Central Azucarera de Tarlac Realty Corporation (CAT), kompanyang kontrolado ng mga Cojuangco ang 386.8-ektaryang lupang agrikultural at residensiyal sa Bayambang, Pangasinan, na siyang kinalalagyan din ng 289-ektaryang Camp Gregg Military Reservation, ayon sa Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson (AMGL).

Naghahanda naman ang AMGL na mangampanya sa napipintong pangangamkam ng mga Cojuangco na umano’y magdudulot ng malawakang dislokasyon sa mga magsasaka at residente at kumbersiyon ng gamit sa lupa.

“Umaabot na ngayon sa Pangasinan ang pagkaganid ng mga Cojuangco-Aquino. Inaangkin nila ngayon ang lupaing binubungkal ng mga magsasaka mula pa noong panahon ng Kastila. Nakabatay ang kanilang pangangamkam sa utang ng isang Isabelo Hilario, isang kontraktor ng tubo na hindi nakatupad ng kanyang pangakong produkto sa CAT. Binayaran umano ng Hilariong ito ang CAT sa pamamagitan ng mga lupain sa Bayambang. Iniisip ng mga Cojuangco na ganoon katanga ang mga magsasaka,” ayon kay Joseph Canlas, tagapangulo ng AMGL.

Ang Camp Gregg Military Reservation ay idineklara ng kolonyal na gobyernong US noong Oktobre 13, 1903 at ibinalik sa gobyerno ng Pilipinas noong Marso 27, 1949, partikular sa Bureau of Lands noong Setyembre 29, 1949.  Kabilang dito ang mga barangay ng Cadre Site, Sancagulis, Bical Sur, Bical Norte, Magsaysay, Del Pilar, Buayaen, Dusoc, Telbang, Zone 7 at Poblacion Sur.  Tinatayang 20,000 magsasaka at residente ang maaapektuhan sa naturang mga lugar.

Sinasabi umano ng matatandang magsasaka na nakatira sa erya na ang mga ninuno nila ang nagbungkal sa lupa na dating kagubatan. Nagpatuloy umano sila sa pagbubungkal noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano at Hapon. Sinabi rin nila na hindi pag-aari ni Hilario ang naturang mga lupain, na umano’y ibinayad nito sa mga Cojuangco noong Abril 30, 1947.

Nag-aplay ng kumbersiyon ang mga Cojuangco noong panahon ni dating pangulong Marcos at naaprubahan pero hindi nila ito dinibelop. May hawak namang Certificate of Land Transfer (CLT) at Emancipation Patents (EPs) ang mga magsasaka sa Bayambang sa ilalim ng Presidential Decree 27 (PD 27) ni Marcos.

“Makikita natin na nakinabang sa diktaduryang Marcos ang mga Cojuangco. Hindi katanggap-tanggap na ang legal na batayan nila ay nakabatay sa diktadurya o maaaring nakipagsabwatan talaga sila kay Marcos. Tinututulan na ng mga magsasaka ang pangangamkam ng mga Cojuangco simula pa noong 1950s dahil imposibleng maari nila ang lupaing binungkal ng mga magsasaka sa mahabang panahon,” giit ni Canlas.

Idinagdag ni Canlas na sinisikil na ng mga Cojuangco ang mga magsasaka sa Bayambang simula pa noong 1960s. Gumagamit umano ang mga ito ng goons at pinupuwersang umalis na sila. Sa kasalukuyan, nagsasagawa na ng pagsasarbey ang CAT Realty Corp. na tinututulan naman ng mga magsasaka.

“Iniisip ng mga Cojuangco-Aquino na madali nilang mapapaalis ang mga magsasaka para bigyang-dan ang kanilang kasakiman. Nagkakamali sila, tulad ng pagkakamali nila sa Hacienda Luisita. Hindi magtatagal at sasabog din ang galit ng mga magsasaka at residente,” sabi pa ni Canlas.

Nanawagan naman ang AMGL sa lokal na pamahalaan ng Bayambang at sa tanggapan ni Pangasinan Third District Rep. Rachel “Baby” Arenas para dinggin ang panawagan ng mga magsasaka na kilalanin ang kanilang karapatan sa lupa at protektahan sila sa pangangamkam ng mga Cojuangco.