Sunog, ‘pinakamabilis na paraan ng demolisyon’


Panununog ng komunidad, alternatibo ng gobyerno sa demolisyong di maitulak-tulak? Ito ang hinala ng ilang nasunugang maralita na pinapalayas para sa proyektong Quezon City Central Business District.

Nakapanik na sa ikalawang palapag at naghahanda nang matulog si Virginita Erlano nang sabihin ng kanyang asawa na “parang mainit sa baba.” Bandang alas-diyes ng gabi noon ng Pebrero 7, at nagsisimula nang kumalat ang sunog sa isang maralitang komunidad sa Brgy. Central, Diliman, Quezon City.

“Nagtakbuhan kami, walang tsinelas,” ani Virginita, na nakasandal sa bakod ng opisina ng National Power Corporation sa tapat ng nasunog nilang mga kabahayan sa BIR Road. “Heto lang ang naisalba namin.” Ikinumpas niya ang kamay at itinuturo ang ilang mga supot ng damit na nakapatong sa tabla ng kahoy na tutulugan ng kanyang pamilya, kabilang ang 2-taong gulang na apo.

Nasunog na komunidad ng 4,000 pamilya sa Brgy. Central, Diliman, QC (Ilang-Ilang Quijano)

1986 pa siya unang nanirahan sa noo’y Philippine Botanical Gardens. Doon na niya ipinanganak ang kanyang panganay at dalawa pang sumunod na anak. Bagaman tinataguriang “iskuwater” o walang sariling lupa ng gobyerno, marangal ang hanapbuhay ni Virginita na isang clerk sa National Bureau of Investigation sa Maynila.

Ngayon, may seryosong banta sa kabuhayan niya at ng 4,000 pang pamilyang naninirahan sa lugar. Wala silang katiyakan na makakabalik pa para muling itirik ang natupok na mga kabahayan, dahil tila ginamit na ng National Housing Authority (NHA) ang pagkakataon para mapaalis sila at ilipat sa malalayong relokasyon .

Saklaw ang Brgy. Central ng itatayong Quezon City Central Business District (QC-CBD), isang komersiyal at pinansiyal na distritong na nais itulad sa Makati City. Dito, walang lugar ang mga maralitang lungsod.

Kuwento ni Gerald Atayde, residente sa katabing Brgy. Bagong Pag-Asa, sa sobrang lakas ng sunog ay inakala niyang ang komunidad nila—na saklaw din ng QC-CBD—ang natutupok. Hindi siya magtataka kung ganoon, dahil ilang beses na rin silang nasunugan. Hinala nila’y hindi ito aksidente kundi sinadya, gaya ng nangyari sa Brgy. Central. “’Yang pagsunog ang pinakamabilis na paraan ng demolisyon,” aniya.

Sa Brgy. Bagong Pag-Asa o North Triangle naganap ang marahas na demolisyong humantong sa batuhan at habulan sa pagitan ng mga residente at demolition teams sa kahabaan ng EDSA noong Setyembre 23, 2010.

Hinala ni Atayde, tagapagsalita rin ng Anakpawis-North Triangle, balak ng gobyerno na simulan na lamang sa Botanical Gardens ang QC-CBD, sa gitna ng malawakan pa ring oposisyon sa proyekto sa Brgy. Bagong Pag-Asa kung saan may iba’t ibang samahang handang dumepensa sa mga kabahayan.

Samantala, tila nagkakatotoo ang matagal nang pinangangambahan ng mga residenteng nasunugan. “Ang sabi kapag owner daw, papa-interview daw kami (ng NHA) tapos ire-relocate…Hindi na kami pinapapasok sa loob,” sabi ni Irene Larce. Pansamantala, ililipat sila sa QC Memorial Center. Sa kalaunan, sa Southville Resettlement Project sa Rodriguez, Rizal, ayon na rin mismo sa notice na ipinaskil ng NHA, at sa pahayag ni Alkalde Herbert Bautista.

Pila para sa rasyon ng pagkain at kumot (Ilang-Ilang Quijano)

Sang-ayon ito sa taning na nauna nang itinakda ng NHA para sa demolisyon. “Itong erya na ito, hanggang City Hall, gagawin daw nila ngayong Marso, pinapatapos lang sa amin ‘yung pasukan,” ayon pa Irene.

Kaya hindi niya maiwasang isipin na sinadya ang sunog. Ang kumakalat na balita sa komunidad, sanhi raw ng sunog ang paghugot ng hose mula sa tangke ng LPG at sadyang pagpapasindi sa tumagas na gas ng nag-aaway na mag-asawa. Hindi ito makumpirma ng awtoridad, gayunpama’y walang dudang misteryoso ang mga sirkunstansya. Hindi malayo ang pagkakaiba sa natagpuang pusa na amoy-gasolina malapit sa nasunog na mga kabahayan sa Brgy. Bagong Pag-Asa noong nakaraang taon.

Nagpasya kapwa ang pamilya ni Virginita at Irene na sa BIR Road na lamang muna manunuluyan. Sa takot ito na mabarikadahan na ang lugar at tuluyang silang mapalayas, nang walang bitbit kundi ang kakaunting naisalbang kagamitan, at pangamba sa walang-tiyak na kinabukasan.

“Ang sabi ng iba, ‘huwag kayong papayag.’ Kaya dito na muna kami,” sabi ni Virginita, sabay inutusan ang kanyang anak na pumila at kunin ang rasyon ng kumot na kanilang tanging panangga sa lamig noong gabing iyon sa ilalim ng sunog na kalangitan.