15 taon ng pagmimina, 15 taon ng sakuna


Para sa mga grupong makakalikasan, napatunayan ng 16 taon ng pagpapatupad ng Mining Act of 1995 na lalong ikinasira ng kalikasan, kultura at kabuhayan ang walang habas na pagpasok ng malalaking dayuhang kompanya ng mina. Panahon na, anila, para magpatupad ng isang maka-mamamayang batas sa pagmimina.

Magmimina ng Lafayette Corp. sa Rapu-rapu, Albay: Mapanirang malawakang pagmimina na pinapayagan at kinukunsinti ng Mining Act of 1995. (KR Guda / PW File Photo)
Magmimina ng Lafayette Corp. sa Rapu-rapu, Albay: Mapanirang malawakang pagmimina na pinapayagan at kinukunsinti ng Mining Act of 1995. (KR Guda / PW File Photo)

Sa 15 taong pag-iral ng Republic Act 7942 o Mining Act of 1995, sakuna, kahirapan at paglabag sa karapatang pantao ang idinulot nito, ayon sa mga grupong makakalikasan. Anila, panahon na upang ibasura ang mapaminsalang batas na ito at palitan ng bagong polisiya na makamamamayan, makakalikasan at panig sa pag-unlad.

Kaya naman natuwa ang mg grupong makakalikasan, katutubo at magsasaka, gayundin ang mga siyentista, taong simbahan, kabataan at iba pang organisasyon mula sa alyansang Defend Patrimony nang masaksihan nila ang pagsampa ng House Bill 4315, o ang People’s Mining Act of 2011 sa Kamara noong Marso 2, 2011.

Ang naturang panukala ay isinampa ng mga progresibong kinatawan sa Kamara na sina Bayan Muna Reps. Teodoro Casino at Neri Colmenares, Anakpawis Rep. Rafael V. Mariano, ACT Teachers Rep. Antonio L. Tinio, Kabataan Rep. Raymond Palatino, at Gabriela Reps. Luzviminda Ilagan at Emerenciana de  Jesus.

Layunin ng HB 4315 na ituon ang industriya ng pagmimina sa Pilipinas sa paglilingkod sa pangangailangang domestiko, pambansang industriyalisasyon at modernisasyon ng pagsasaka.

“Tama na ang 15 taon ng sakuna, kahirapan at mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng RA 7942. Napapanahon na para ibasura ito ng ating mga mambabatas at palitan ng isang polisiya na magbibigay-daan sa isang sustenable at siyentipikong pagmimina na magsisilbi sa pangangailangan ng mga Pilipino,” ayon kay Frances Quimpo, executive director ng Center for Environmental Concerns-Philippines (CEC).

Idinagdag ni Quimpo na ikinunsidera ng bagong panukala ang dating mga alternatibong mungkahi mula mga organisasyon kabilang ang People’s Mining Policy (PMP), isang progresibong batayang polisiya para sa industriya ng pagmimina na  ginawa ng Defend Patromony noong 2005. Layunin nito na magkaroon ng industriya ng pagmimina sa Pilipinas na nakabatay sa prinsipyo ng katarungang panlipunan, respeto sa karapatan at kagalingan ng mga mamamayan, konserbasyon ng kalikasan, pagtatanggol sa pambansang soberanya at patrimonya, pambansang industriyalisasyon at modernisasyon ng agrikultura.

Sa naturang panukala, mas konsultatibo ang sistema ng pagpaplano, pagpapatupad at pagbabantay sa mga proyekto ng pagmimina. Itinuturing nitong pundamental na bahahgi ang pagmimina sa pagkakaroon ng pambansang industriyalisasyon at sa pagsuporta sa pagsasaka at hindi lamang bilang rekurso na maaaring abusuhin ng mga dayuhang mamumuhunan kapalit ng pera.

“Gayundin, pinagsama ng panukalang ito ang mga masasaklap na aral sa mga karanasan sa liberalisasyon ng pagmimina, lalo na sa pagharap sa paglabag sa karapatang pantao at pagkasira ng kalikasan”, ani Quimpo.

"People's Mining Act" na ipinanukala sa Kamara ng progresibong mga party-list: Polisiya sa pagmimina na isinasaalang-alang ang interes ng malawak na bilang ng mga mamamayan. (Larawan mula sa KAMP)
"People's Mining Act" na ipinanukala sa Kamara ng progresibong mga party-list: Polisiya sa pagmimina na isinasaalang-alang ang interes ng malawak na bilang ng mga mamamayan. (Larawan mula sa KAMP)

Kabilang sa mga tampok na katangian ng batas ang mga sumusunod:

  • Sentralisado at estratehikong pagpaplano sa industriya ng pagmimina sa bansa sa pamamagitan ng paglikha at pagpapatupad ng National Industrialization Program at National Mining Plan.
  • Reoryentasyon ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) bilang siyentipikong institusyon sa pananaliksik na may karapatang magsagawa ng eksplorasyon at magtukoy ng estratehikong mga mineral na rekurso na kailangan sa ikauunlad ng bansa
  • Paglikha ng mga Multi-Sectoral Mineral Councils sa mga erya ng minahan na binubuo ng mga kinatawan mula sa gobyerno, mamumuhunan at apektadong komunidad na siyang mag-aapruba at magbabantay sa kondulkat ng gagawing pagmimina.
  • Pagtataguyod sa karapatan at kagalingan ng mga manggagawa sa minahan, katutubong mamamayan at lokal na komunidad.
  • Probisyon ng tamang suporta at proteksiyon sa mga korporasyon at propesyunal na manggagawa Pilipino sa larangan ng siyensiya at teknolohiya sa kanilang partisipasyon sa industriya.
  • Pagbabawal sa kontrobersiyal na Financial and Technical Assistance Agreements (FTAAs) na nakasaad sa RA 7942, na kinuwestiyon ang konstitusyonalidad sa Korte Suprema.
  • Pagbabawal sa pag-empleyo sa mga puwersang militar ng gobyerno para protektahan ang mga proyektong minahan.
  • Mas malakas at istriktong mga probisyon na magtitiyak sa sustenabilidad ng kalikasan, akses sa katarungan at proteksiyon sa karapatang pantao ng apektadong mga komunidad.

Hinahamon ng Defend Patrimony ang mga mababatas sa Kamara at Senado na ikonsidera at suportahan ang People’s Mining Bill.

Ang naturang panukala ay inilabas 15 taon matapos isabatas ang RA 7942, na siyang nagliberalisa sa dayuhang pag-aari at kontrol sa lahat ng aspeto ng domestikong pagmimina, kabilang ang eksplorasyon, pagsasagawa at yutilisasyon.

Gayunman, ang pinansiyang nakukuha mula sa liberalisasyon sa pagmimina ay nanantiling limitado at  kaduda-duda pa.

Ayon pa sa grupo ang pagbukas sa industriya ng pagmimina sa bansa sa mga dayuhang mamumuhunan ay nabunga rin ng mas maraming sakunang pangkalikasan, tulad na lamang ng pagtagas ng mina sa Rapu-Rapu, Albay na nagdulot ng pagkalason ng mga ilog noong 2005. Samantala, 27 aktibistang tutol sa pagmimina ang napatay mula 2001, ang simula ng pag-upo sa puwesto ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo, ayon sa Kalikasan People’s Network for the Environment.