Korte Suprema, hinikayat na pumanig sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita


Dinagsa ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita ang Korte Suprema para hikayatin ang huli na maglabas na ng desisyon pabor sa mga kanila, sa lupain sa asyendang pag-aari ng kaanak ng kasalukuyang pangulo.

Nagmartsa ang aabot sa 500 tagasuporta at mga magsasaka ng Hacienda Luisita sa Korte Suprema upang muling kalampagin ang mga mahistrado na ilabas na ang kanilang desisyon sa pamamahagi sa mga manggagawang bukid ng lupain ng asyenda.

Sa martsa-rali na isinagawa ng mga magsasaka, nagpanawagan ang Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL) na ipamahagi sa kagyat na panahon ang lupa sa Hacienda Luisita sa Tarlac na pag-aari ng pamilyang Cojuangco-Aquino.

Sinabi pa ng grupo na ang kaso umano ng Luisita ay magsisilbing modelo sa maraming  kasong agraryo hindi lamang sa rehiyon ng Gitnang Luzon kundi sa buong kapuluan.

Tunay na reporma sa lupa ang ipinaglalaban nila. (Macky Macaspac)
Tunay na reporma sa lupa ang ipinaglalaban nila. (Macky Macaspac)

“Ang mga manggagawang bukid ang dapat na mamayani sa isyung ito, dahil magiging sandata ito ng mga malalaking panginoong maylupa kung sakaling pumabor ang Korte Suprema sa pamilyang Cojuangco-Aquino,” ani Jospeh Canlas, tagapangulo ng AMGL.

Sa panayam naman ng Pinoy Weekly kay Rodel Mesa, pangkalahatang kalihim ng Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura (UMA) at manggagawang bukid sa Luisita, sinabi niyang halos hindi na umano sila umaasahang papabor ang Korte Suprema sa kanila lalo na ngayong pangulo si Benigno “Noynoy” Aquino III.

“Alam naman natin na pangulo si Noynoy Aquino ngayon. Ibig sabihin, bantulot ang Korte Suprema na magdesisyon. Hindi namin inaasahan na magdesiyon ang korte pabor sa amin,” aniya.

Sinabi pa ni Mesa na diumano’y patuloy ang pagmamaniobra ng mga Cojuangco na maibalik ang pagtatanim ng tubo sa loob ng asyenda.

Patuloy din umano ang pagdeploy ng mga militar sa loob ng asyenda na nakakadagdag sa pangamba nila dahil sa nalalapit na pagdaos ng Balikatan Exercises.

“Maraming mga militar ang pakalat-kalat sa loob ng asyenda, karamihan nga sa kanila wala nameplate kaya hirap silang kilalanin. Ang Camp Servillano ay saklaw ng Hacienda Luisita, kaya posibleng maglunsad sila ng balikatan sa loob ng asyenda,” ani Mesa.

Ayon naman kay Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), dapat umanong pangunahan ni Chief Justice Renato Corona ang pagtanggal sa temporary restraining order (TRO) na isinampa ng mga Cojuangco-Aquino laban sa desisyon ng Presidential Agrarian Reform Council (PARC) noong 2005 na nagbibigay daan sa kagyat na pamamahagi ng libre sa 6,435 ektaryang lupa, na walang kondisyon, sa 10,000  manggagawang bukid sa Luisita.

“Dapat lubusang pumanig ang mga mahitrado ng Korte Suprema sa mga magsasaka, at pumabor sa kanilang petisyon upang maisulong ang pag-unlad ng mga maliliit na mga mamamayan sa kanayunan,” giit ni Ramos.

Kahit hindi napakinggan ng Korte Suprema ang protesta ng mga magsasaka, napakinggan at nagbigay suporta naman ang mga estudyante ng College of Saint Benilde-De LaSalle University.

Ayon sa mga estudyante, nauunawaan nila ang kalagayan ng mga magsasaka ng asyenda Luisita. “Kung anumang desisyon ang hinihintay nila, dapat in favor sa mga magsasaka,” ani Harold Iradiel, nasa unang taon sa kolehiyo sa St. Benilde.

They deserve to own the land,” sabi naman ni Nikita Lim. Nakita umano niya ang totoong hirap na kalagayan ng mga taga- Luisita nang bumisita sila at nakipamuhay ng dalawang araw.