Malawakang pagmimina, pinapatigil kay P-Noy sa gitna ng kalamidad


Dapat nang pag-isipan ni Pangulong Noynoy Aquino ang kanyang posisyon sa malawakang pagmimina sa bansa ayon kay Gabriela Women’s Party Representative Luz Ilagan habang ipinapanawagan ang pagbasura sa Mining Act of 1995. Matatandaang tinutulan ni P-Noy ang pagpapatigil sa operasyon ng malawakang pagmimina. Ayon kay Ilagan, nagiging bulnerable ang bansa sa landslide, polusyon, at hagupit […]

Dapat nang pag-isipan ni Pangulong Noynoy Aquino ang kanyang posisyon sa malawakang pagmimina sa bansa ayon kay Gabriela Women’s Party Representative Luz Ilagan habang ipinapanawagan ang pagbasura sa Mining Act of 1995. Matatandaang tinutulan ni P-Noy ang pagpapatigil sa operasyon ng malawakang pagmimina.

Ayon kay Ilagan, nagiging bulnerable ang bansa sa landslide, polusyon, at hagupit ng natural na kalamidad dahil sa pagmimina.  Aniya pa, dapat magising na ang pangulo sa harap ng mga natural na kalamidad.

Binigyang-diin ng kongresista na nagbunsod ang Mining Act of 1995 sa pandarambong ng mga dayuhang multinasyunal sa kalikasan ng bansa. Kahit labag sa konstitusyon, ani Ilagan, pinapayagan ng gobyerno ang mga multinasyunal na korporasyon sa pagmimina ng 100% na pag-aari sa mga lupain kung saan may operasyon ang mga ito.

Sinabi pa ni Ilagan na hindi naman talaga kumikita ang gobyerno sa operasyon ng malawakang pagmimina. Sa kabila, aniya, na tumaas ang kita sa eksport mula sa pagmimina na umabot ng US$2.7B, papatak lamang ng 1% nito o US27.9 M ang kita ng gobyerno rito mula sa mga mining fee at royalty. Iniulat ng Mines and Geosciences Bureau noong Hulyo 2010 na may 28 metallic mines ang may operasyon sa bansa at nagbigay ang gobyerno ng 676 permit na sumasaklaw sa 1,042,531 ektarya ng lupain.

Ayon pa kay Ilagan dapat na magkaroon ng moratorium sa malawakang pagmimina ng mga dayuhang multinasyunal hangga’t hindi pa naipapasa ang isang progresibo, makabansa at siyentipikong batas sa pagmimina. Si Ilagan ay isa rin sa mga awtor ng HB 4315 o ang People’s Mining Bill.