Lider-kababaihan sa Marikina, hinaras ng mga ahente ng gobyerno


Dalawang beses pinuntahan sa bahay at hinaras ng mga ahente ng estado ang isang lider-kababaihan sa Marikina City na si Tess de Jesus ngayong Agosto para piliting “sumuko” kapalit ng ayuda.

Kinondena ng Gabriela Women’s Party (GWP) ang pangha-harass ng Philippine National Police-National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO) kay Tess de Jesus, lider-kababaihan at dating tagapangulo ng GWP-Marikina nitong Ago. 15.

Pinuntahan ng tatlong lalaking nagpanggap na mga empleyado ng Department of Social Welfare and Development si de Jesus sa kanyang bahay sa Barangay Fortune, Marikina CIty. Pilit siyang “pinasusuko” at pinatitiwalag sa organisasyon kapalit ang pagtanggap ng ayuda.

Nauna nang dinalaw ng tatlong ahente ng estado at isang barangay tanod si de Jesus sa bahay niya noong Ago. 11 sa parehong layunin.

“Desperadong pagtatangka ito na busalan at hadlangan ang paglilingkod ng Gabriela [Women’s Party] sa mga kababaihan at mamamayan,” pahayag ng GWP Marikina.

Sa araw ng ikalawang pagdalaw kay de Jesus, agad siyang naghain ng pormal na reklamo sa barangay kasama ang mga dating mambabatas ng GWP na sina Arlene Brosas at Emmi de Jesus.

Nangyari ang insidente kasabay ng Asia Pacific Regional Conference on International Humanitarian Law sa Makati City na pinangunahan ng gobyerno ni Ferdinand Marcos Jr.

Ayon sa grupong Gabriela, isang kabalintunaan ang pangunguna ng Pilipinas sa komperensiya dahil sa panggigipit ng mga ahente ng estado sa lider-kababaihan sa Marikina City.

“Bahagi ito ng modus operandi ng estado laban sa mga sibilyan, basta-basta at mapanganib na inaakusahang kasapi ng armadong grupo [tulad ng] New People’s Army na malinaw na paglabag sa [international humanitarian law],” ani Gabriela deputy secretary general Cora Agovida sa wikang Ingles. 

Noong Ago. 18, nagsumite ng liham ang mga lider ng GWP-Marikina kay Marikina City Mayor Maan Teodoro para ipaabot ang insidente ng harassment kay de Jesus. 

“Wala dapat puwang ang pananakot sa mga lider-kababaihan sa syudad ng Marikina, labanan ang modus na fake surrenderees ng pamahalaan, at tanggalan ng badyet ang mga programang sumisikil sa karapatan at kalayaan ng kababaihan at mamamayan,” giit ng GWP-Marikina.