Gabriela HK, nagdiwang ng ika-16 na anibersaryo
Nagdiwang ng ika-16 na taon ang Gabriela Hong Kong bitbit ang panawagan laban sa mga isyung kinahaharap ng kababaihan sa loob at labas ng Pilipinas kabilang ang kahirapan, karahasan, korupsiyon at impunidad.
Nagtipon-tipon ang mga migranteng Pinoy sa Chater Road sa Hong Kong upang ipagdiwang ang ika-16 na anibersaryo ng Gabriela Hong Kong nitong Nob. 23.
Itinaon ang pagtitipon sa International Day to Eliminate Violence Against Women at nagsilbing plataporma hindi lang ng pagdiriwang kundi ng paglalahad ng mga isyung matagal nang kinakaharap ng mga kababaihang Pilipino kabilang ang kahirapan, karahasan, korupsiyon at impunidad.
Tinatayang 300 katao ang lumahok sa programa na sinamahan ng mga kultural na pagtatanghal at community services.
Sa talumpati ni Edwina Antonio, direktor ng Bethune House Women Refuge, inihayag niya ang tunay na kalagayan ng buhay ng 390,000 domestic workers sa Hong Kong kung saan 98% sa kanila’y mga kababaihan.
Binatikos niya ang lumalalang korupsiyon sa bansa na aniya’y nagpapalala sa kahirapan at nagtataboy mismo sa mga Pilipino sa ibayong-dagat.
Sa temang “Strengthening Women’s Voices Against Poverty, Corruption, and Impunity,” iginiit ng grupo ang panawagan para sa mas makataong pamamahala at tunay na proteksiyon para sa kababaihang manggagawa.
Maliban sa mga pagdiriwang, pinangunahan din nila ang Operasyon Migrante Sagip Kababayan (OMSK), isang door-to-door donation drive para sa mga nasalanta ng sunod-sunod bagyo sa Pilipinas.
Ipinanawagan din nila ang pagpapatuloy ng kolektibong laban para sa makatarungang lipunan at pagpapanagot sa lahat ng kurakot.
Naglunsad din sila sa protesta nitong Nob. 30 bilang pakikiisa sa mga protesta sa Pilipinas at pagpapatuloy ng kampanya laban sa korupsiyon.