Magkakasunod na harassment sa kababaihan, naiulat 


Kinondena ng Gabriela at iba pang grupo ang mga magkakasunod na insidente ng pampolitikang panliligalig sa kanilang mga lider-kababaihan at miyembro sa Cebu at Caloocan City.

Kinondena ng Gabriela at Gabriela Women’s Party ang pagsasampa ng kasong paglabag umano sa Batas Pambansa 880 (BP 880) o Public Assembly Act laban kay Gabriela Women’s Party deputy secretary general for Visayas Belinda Allere

Sa natanggap na resolusyon mula sa Cebu City Office of the Prosecutor noong Peb. 14, kinasuhan si Allere kasama sina Jaime Paglinawan ng Bagong Alyansang Makabayan-Central Visayas, John Ruiz ng Bayan Muna, Howell Villacrucis ng Alyansa sa mga Mamumuo sa Sugbo-KMU, at iba pang kalahok sa protesta kontra-korupsiyon sa tapat ng Cebu City District Engineering Office ng Department of Public Works and Highways noong Set. 5, 2025. 

Ang Cebu ang isa sa mga probinsiyang nakaranas ng malalang pinsala ng hagupit ng bagyo sa nakaraang mga taon.

Ani Gabriela secretary general Clarice Palce, kaysa imbestigahan ang pandarambong sa kaban ng bayan, inuuna ng gobyernong ito ang pag-iimbestiga at pagkakaso sa mga mahihirap at naglalantad ng katiwalian.

Dagdag ni Palce, sinadya ng rehimen ang pagkakaso sa harap ng nalalapit na komemorasyon ng EDSA People Power upang maghasik ng takot sa mga kababaihang sasama sa nagpapatuloy na laban sa korupsiyon.

“Ang BP 880 ay isang instrumento ng diktadura. Ginamit ito ng diktador na si Marcos Sr. para pigilan ang paglaban ng mamamayan, at ginagamit na naman ito ng kanyang korap na anak para takutin ang mga nagpoprotesta laban sa katiwalian ng kanyang rehimen,” ani Palce.

Hindi ito ang unang beses ng harassment laban kay Allere. Noong Set. 14, 2025, naiulat din ang pagpunta ng dalawang lalaking nagpakilalang mga elemento ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa bahay ng kapatid ni Allere. Kinasangkapan ng AFP ang pamilya ni Allere para pilitin itong sumuko at makipagtulungan sa mga puwersa ng estado. 

Iniulat naman ng Gabriela Caloocan ang ilegal na pagpasok at paghahalughog sa kanilang opisina noong Peb. 17 ng mga hindi pa nakikilalang indibidwal.

Sa ulat ng Karapatan NCR at Defend Camanava, dinatnan nilang nakakalat sa sahig ang mga gamit sa opisina at may naiulat ding mga nawawalang gamit. 

Iniugnay ng Karapatan NCR ang panghihimasok sa naiulat na kaso ng paniniktik sa opisina simula pa Oktubre ng nakaraang taon kung saan makailang ulit umanong sinubukang makapasok ng pulisya sa gusali ng opisina. 

Ayon sa Karapatan NCR, ang isinagawang reyd, paniniktik at nagpapatuloy na red-tagging sa mga aktibista at pangmasang organisasyon ay bahagi ng sistematikong paniniil sa mga komunidad. 

Dagdag ng Defend Camanava, sa bisa ng Executive Order 70 ng dating pangulong Rodrigo Duterte, itinuring ang Camanava bilang isang “hotbed” ng komunismo sa rehiyon.

Mula 2019, nagbase na ang 11th Civil-Military Operations (CMO) Battalion sa mga barangay sa magkakanugnog sa siyudad sa tabing ng mga proyekto sa ilalim ng community support programs. Sa kasalukuyan, simula 2023, nakapakat na ang 11th at 12th CMO Battalion sa buong Metro Manila.

Nanindigan ang Karapatan NCR, Defend Camanava at Gabriela Caloocan sa kanilang panawagang buwagin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict. Hindi sila titigil sa paglalantad sa lahat ng atake sa mamamayan at hindi mananahimik sa harap ng lantarang represyon sabi ng Karapatan NCR.