Konteksto

Kalat-kalat na pagmumuni-muni tungkol sa buhay-buhay


Abril 24. Pasko ng pagkabuhay. Ang kinikilalang diyos ng mga Kristiyano’y ipinakita ang kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ng literal na pagbangon mula sa pinagkalibingan. Maraming naniniwala sa himala bagama’t mayroon ding nag-iisip na ito’y simpleng salamangka. Kung sabagay, maraming pagdududa kung may mga indibidwal sa paligid nating hindi nagsasabi ng totoo.

Abril 24. Pasko ng pagkabuhay. Ang kinikilalang diyos ng mga Kristiyano’y ipinakita ang kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ng literal na pagbangon mula sa pinagkalibingan. Maraming naniniwala sa himala bagama’t mayroon ding nag-iisip na ito’y simpleng salamangka. Kung sabagay, maraming pagdududa kung may mga indibidwal sa paligid nating hindi nagsasabi ng totoo. Halimbawa, ang serbisyo publiko ng gobyerno ay nagiging perwisyo publiko sa aktuwal. Kaya nga kahit ang pananalig sa kinikilalang diyos, hindi maiwasang madamay sa kolektibong pagdududa. Pero dahil na rin sa sanlaksang ritwal na may kinalaman sa Katolikong pamumuhay, may partisipasyon pa ring nakukuha mula sa maraming nagdududang mamamayan. Sa konteksto ng araw na ito, ginaganap ang tradisyunal na “salubong” tuwing madaling araw. Pero saglit lang: Madaling araw din ang biyahe ko papuntang Jakarta!

Sa loob ng bahay sa Marikina – Maagang gumising pero nagmamadali. Nagmamadali pero nagmumuni-muni. Alas-kuwatro ng madaling araw ang nakatakdang pag-alis papunta sa paliparan. Ang biyahe nama’y hindi naman siguro aabutin ng siyam-siyam. Kahit may “salubong” na mangyayari, maaga pa naman. May pagmamadali, pero kaunti na lang ang kailangang asikasuhin. Noong isang araw pa kasi nakapag-impake, salamat sa aking mabusising asawa. Magandang maging handa para sa mga bagay na inaasahan at hindi inaasahan. May ganito rin kayang disposisyon ang mga nasa kapangyarihan?

Biyahe ng sasakyan mula Marikina hanggang paliparan sa Pasay – Buti na lang at may sumundo sa akin, kundi’y pahirapan ang pagkuha ng taksi. Hindi rin ako maglalakas-loob na gamitin ang sariling sasakyan o ang motorsiklo para bumiyaheng mag-isa nang madaling araw. Batay sa ilang taong pagmamaneho, alam kong maraming walang pakundangang nagkalat sa paligid, pati na sa mga lansangan. Dahil alam kong limitado ang aking kakayahan sa pakikipagsabayan sa mga “propesyunal” na drayber ng dyip, bus, taksi, delivery truck at iba pa, mainam nang sa iba ko na ipaubaya ang pagmamaneho. At sa isang banda, hindi na rin namang praktikal na gumamit ng sariling sasakyan lalo na’t halos linggo-linggo’y tumataas ang presyo ng mga produktong petrolyo. Biro ko nga sa aking asawa, baka ang anumang kitain ko mula sa pagbiyahe’y maubos lang sa pagpapakarga ng gasolina!

NAIA (Centennial Terminal) – Masarap bumiyahe lalo na’t libre. Nakakapunta ka na sa malayonglugar, kumikita ka pa (kahit kaunti). Mahirap palampasin ang mga oportunidad na ganito para sa katulad kong patuloy na nakakakuha ng suweldong hindi sapat para makabuhay ng pamilya. Pamilyar naman itong istorya, hindi ba? Milyun-milyong Pilipino ang napipilitang mangibang-bayan nang pagkatagal-tagal sa ngalan ng dolyar. Bahala na kung ano’ng mangyayari sa kanila. Bahala na kung may babalikan pa.

Sa loob ng eroplanong bumibiyaheng Manila-Singapore-Jakarta (“36,000 feet above sea level,” ayon sa piloto) – Masuwerte pa rin ako dahil hindi ako kabilang sa milyun-milyong kawawang kababayan. Hindi matagalan ang aking paminsan-minsang pag-alis at sigurado ang aking seguridad sa mga pinupuntahang bansa. at dahil pansamantala lang ang pagkawalay, alam kong maayos ang babalikang pamilya. Mainam na umidlip muna. Kung puwede lang sanang mabura ng paghimbing ang lahat ng pag-aalala!

Changi Airport sa Singapore para sa stopover – Isang backpack lang ang dala ko tuwing bumibiyahe pero napakabigat pa rin ng aking bagahe. Pagtuntong pa lang sa paliparan, naiisip ko ang asawang iiwang pansamantala. At pagtuntong sa isa sa pinakamagandang paliparan sa buong mundo, may panghihinayang dahil hindi kami magkasamang nagkukuwentuhan. Hindi man ako nanliliit bilang Filipino, hindi ko pa ring maiwasang mainggit sa iniunlad ng lugar na ito. Hindi man ako sang-ayon sa argumento ng dating lider ng Singapore na hindi puwedeng magsama at kaunlaran at demokrasya, hindi ko pa rin maubos-maisip kung ano ang mangyayari kung ang Pilipinas ay napailalim sa isang “mabuting diktadura.” Magiging katulad kaya ang Pilipinas sa Singapore? Pero pansamantala lang ang ganitong pagninilay-nilay dahil alam nating lahat na ibang klaseng kaunlaran ang dapat itaguyod sa konteksto ng kinasasadlakan ng mayorya ng naghihirap na magsasaka’t manggagawa sa Pilipinas.

Sa loob ng eroplanong papuntang Jakarta – Ngayon pa lang, kailangan ko nang ayusin ang aking relo para ibalik nang isang oras. Oo, abante nang isang oras ang Pilipinas kumpara sa Indonesia pero napag-iiwanan tayo sa iba pa, lalo na sa larangan ng ekonomiya. Sa ikawalo kong beses na pagpunta sa bansang ito, kapansin-pansin ang maraming pagkakahalintulad ng Jakarta sa Maynila. Kalat-kalat na rin lang ang aking pagmumuni-muni, lubusin na nating kalat-kalat din ang obserbasyon sa mga lansangan ng Jakarta na nagpapaalala sa imahe ng Maynila – may trapik, may mga namamalimos, may sanlaksang motorsiklo, may polusyon, mainit ang panahon. Pero kung may pagkakapareho, mayroon din namang pagkakaiba.

Soekarno-Hatta International Airport ng Indonesia – Sinalubong ako, kasama ang isang peryodista ng nangungunang broadcast network na si Amy, ng kawani ng hotel na nagpakilalang si Ferdi. Magalang siya’t palangiti. Halatang hirap sa pagsasalita sa wikang Ingles, pero sige lang, panay ang kuwento para maging komportable kami. Malakas ang kanyang tawa nang sinabi kong tumutugma ang pangalan naming tatlo – Ferdi, Danny at Amy. Pasensiya na sa aking pagdududa, pero trabaho lang ba ang ipinapakita niyang kabaitan o likas sa kanya ito? Sana nama’y hindi lang pakitang-tao ang kanyang magandang gawi. Pero sa ilang beses kong pagpunta sa Jakarta, alam kong tulad ng mga manggagawa sa Maynila, sila rin ay pinagsasamantalahan ng mga kapitalista. Sa likod ng kanilang malinis na uniporme ay ang konteksto ng kanilang magandang disposisyon. Dahil sa pangkalahatan ay walang seguridad sa trabaho, ang kahit katiting na reklamo ng panauhing dapat pagsilbihan ay maaaring magresulta sa kanilang pagkatanggal sa trabaho. Huwag kang mag-alala, Ferdi. Wala akong reklamo sa paggampan mo ng trabaho.

Sadyang mainam na magmuni-muni sa buhay-buhay sa okasyon ng pasko ng pagkabuhay. Sa konteksto ng pagbiyahe, maraming kung anu-anong pumapasok sa isip at hindi maiiwasang iugnay ang personal sa pulitikal, ang subhetibong pamantayan sa obhetibong batayan. Kalat-kalat sa una, pero tinatahi ng iisang tema: Kailangang matukoy ang klase ng pakikibakang dapat isulong, para maisaisip ang mga dapat ibagsak at itaguyod.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.