Paris Principles: Proteksiyon o dagdag pambibiktima sa mga batang Pilipino na nasa sitwasyon ng armadong tunggalian
Noong Pebrero 2007, itinaguyod ng United Nations (UN) ang isang gabay na programa at mga prinsipyo na naglalayong mabigyang proteksiyon ang mga bata sa mga bansang may armadong tunggalian. Ito ang Paris Principles. Direktang sinusubaybayan ng opisina ng Secretary General ng UN ang pagpapatupad dito, sa pamamagitan ng United Nation Special Representative to the Secretary General on the Working Group on Children and Armed Conflict, sa katauhan ng abogadong si Radhika Coomaraswamy.
Nakabatay umano ang Paris Principles sa mga Pandaigdigang Batas at Pamantayan (intenational laws and standards) tulad ng UN Convention on the Rights of the Child at sa Optional Protocol on the Involvement of Children in Armed Conflict. Halaw ito sa orihinal na Cape Town Principles na ipinatupad sa Africa upang protektahan ang mga tinatawag na “child soldiers” o batang mandirigma. Mula sa mga karanasan sa implementasyon ng Cape Town Priniciples, isinama rin umano sa Paris Principles ang mga nahalaw na aral kung paano impormal na naiuugnay ang mga bata sa aramdong mga grupo at kung paano sila umaalis sa mga ito.
Ginagamit umano ang child rights-based approach sa gabay na programang ito para sa mga batang naiuugnay sa armadong mga grupo at pangunahing diin nito na mapalaya ang mga bata mula sa kanilang partisipasyon sa giyera sa anumang panahon, sa gitna man ng giyera at sa buong panahon ng giyera.
Kinikilala din ng naturang dokumento ang Estado bilang pangunahing “actors” at ang armadong puwersa nito bilang pangunahing responsable sa proteksiyon ng mga sibilyan sa lugar na kanilang kontrolado.
Pagkakabuo ng Paris Principle
Bago pa mabuo ang dokumentong Paris Principles, mayroon nang nabuong dokumento hinggil sa mga batang nasasangkot sa digmaan, maliban sa Geneva Convention at Protocol War I & 2. Noong 1997, sa isang talakayan ng UN Children’s Fund (Unicef) at ng NGO Working Group on the Convention on the Rights of the Child binuo ang tinagurian nilang Cape Town Principles. Inilunsad ang talakayang ito sa Cape Town, South Africa.
Layunin ng Cape Town Principle na makabuo ng mga stratehiya o pamamaraan upang mapigilan umano ang pagrekluta ng mga bata, mademobilisa ang mga batang mandirigma at matulungan silang makabalik at mamuhay ng normal sa kanilang pamayanan o komunidad. Ngunit ang pinagbatayan ng dokumento ay mula sa personal na karanasan ni Graca Machel, asawa ni Nelson Mandela, na mayroong research paper hinggil sa mga batang mandirigma na puwersahang ginamit ng mga armadong grupo sa mga bansa sa South Africa.
Magmula noong 1997, may mga talakayang pinagdaan ang mga prinsipyong nakalahad sa Cape Town Principle. Makailang ulit itong nirebyu at noong 2005 hanggang 2006 sinimulan ang masinsinang pagrepaso ng Cape Town Principles. Nagkaroon ng pitong rehiyunal na pulong na dumulo sa rekomendasyong maglabas ng mga dokumento: isang mas maigsing kasunduan at isang mahabang gabay.
Noong 2007, idinaos ang Paris Conference at ipinagtibay ang dalawang dokumento. Una, ang “The Paris Commitments to Protect Children Unlawfully Recruited or Used by Armed Forces or Armed Groups” (“The Paris Commitments”) at ang “The Principles and Guidelines on Children Associated with Armed Forces or Armed Groups” o Paris Principles, nilagdaan ito sa isang ministerial meeting sa Paris noong Pebrero ng taong ding iyon.
Mula sa dating depinisyon ng Cape Town Principles, pinalawak ng Paris Principles ang depinsiyon ng batang mandirigma (child soldier). Kung dati, ito ay “recruited and use” o kaya ay conscripted,” ginawa itong “children associated with armed groups.”
Batay sa Paris Principle, ang sinumang estado o gobyernong napatunayang gumagamit ng mga batang mandirigma, at mga ‘non-state actors’ ay inilalagay sa isang listahan. Mayroong dalawang listahan para dito, ang Annex 1 kung saan nakalista dito ang mga bansang mayroong batang mandirigma, tulad ng mga bansang Afghanistan, Ivory Coast, Uganda, Sierra Leone at ibang bansang may direktang presensiya ang UN peacekeeping force. Samantalang ang Pilipinas ay nasa Annex 2, mga bansang diumano ay mayroong mga batang mandirigma, ngunit walang presensiya ang UN peacekeeping force.
Pinupuna ng child rights advocates tulad ng Salinlahi at Children’s Rehabilitation Center (CRC) ang pagpapalawak ng depinisyon ng “child soldier.” Inilalagay diumano ng bagong depinisyon sa peligro ang lahat ng batang nasa mga komunidad na nakikilusan o mayroong nagaganap na armadong paglaban, tulad sa Mindanao ng grupong Moro Islamic Liberation Front at ang New People’s Army sa buong bansa. Ito anila ay sa dahil ginagawang sangkalan ng Armed Forces of the Philippines ang dahilang “child soldiers” upang bigyang katuwiran ang kanilang paglabag sa karapatan ng mga bata sa mga komunidad at takasan ang kanilang pananagutan sa mga ito.
Tanging non-state actors lamang ang mayroong sanction sa ilalim ng Paris Principle, kahit ang mga ito ay hindi pumirma sa kasunduang ito. Maaring kasuhan ang mga non-state actor sa international criminal court, i-freeze ang assets ng mga ito at iba pang sanction. Samantala, ang mga armadong puwersa ng anumang bansa o estado ay walang sanction, inilalagay lamang sila sa tinagurian nilang “shame list.”
Bilang pagsusog sa Paris Principles, inilabas ng UN Security Council ang Resolution 1612 upang itakda ang tinatawag na six grave child rights violations (GCRV) sa panahon ng armadong tunggalian. Ang mga paglabag na ito ang sinusubaybayan ng UNSRSG sa mga bansang diumano’y may mga paglabag sa karapatan ng mga bata.
1. Pagpatay o pagbaldado (maiming) sa mga bata
2. Pagrekrut o paggamit sa bata bilang mandirigma
3. Panggagahasa o iba pang tipo ng karahasang seksuwal sa mga bata
4. Pagdukot sa mga bata
5. Pag-atake sa eskuwelahan at/o ospital
6. Pagkait ng tulong humanitaryan sa mga bata
Sa ilalim ng UN SC Resolution 1612, ang armadong mga puwersa o armadong grupo na mamonitor na tuluy-tuloy na lumalabag sa “pagpatay at pagbaldado” at sa “Pagrekrut o paggamit sa bata bilang mandirigma” ay sapat na upang mailista ang bansa sa Annex 2. Noong 2009, inilabas ang UN SC Resolution 1820 kung saan idinagdag ang paglabag sa “Panggagahasa o iba pang tipo ng karahasang seksuwal sa mga bata” bilang dahilan sa pagkakalista sa Annex 2.
Ayon pa sa UNSC Resolution 1612, lilikha ng Country Task Force on Monitoring and Reporting on the Grave Child Rights Violations (CTFMR) ang mga bansang nakalista sa Annex 1 at 2 upang subaybayan at iulat ang mga paglabag dito. Ang CTFMR ay binubuo ng mga ahensiya ng UN sa pangunguna ng UNICEF, pangdaigdigang NGOs at pambansang NGOs na tumututok sa dokumentasyon sa mga paglabag ng karapatan ng mga bata.
Sa Pilipinas, ang CRC ay isa sa mga miyembro ng CTFMR. Mula noong 2007, kinakalap nito ang mga paglabag sa 6 GCRV ng Armed Forces of the Philippines, bilang armadong puwersa ng Estado na may pananagutang protektahan ang karapatan ng mga mamamayan sa ilalim ng mga pandaigdigang kasunduan. Taun-taon ay hindi nawawalan ng matinding paglabag ang AFP sa 6 GCRV. Naitala ng CRC ang mga paglabag na ito mula sa nakaraang administrasyong Arroyo hanggang sa kasalukuyang administrasyong Aquino. (Basahin ang kaugnay na artikulo)
Puna ng child rights advocates sa Paris Principle
Ayon sa Salinlahi at CRC, maganda umano ang paimbabaw na layunin ng Paris Principles na pangalagaan ang karapatan ng lahat ng bata sa gitna ng armadong tunggalian. Pero ibinatay ito pangunahin umano sa karanasan ng Africa kung saan matindi ang recruitment ng mga batang mandirigma sa militar ng estado at mga kalabang grupo sa puntong may mga batang kinikidnap pa diumano upang maging sundalo. Iba anila ang katangian ng giyera sa Africa na kadalasan umano ay, anihilatibo at kinatatangian ng ubusan ng lahi at/o agawan ng teritoryo.
Kaiba umano ito sa kasalukuyang konteksto ng Pilipinas, dahil umiiral umano ang paglaban ng mamamayan para sa pambansang pagpapalaya (national liberation) laban sa pang-aapi at pagsasamantala ng estado.
Partikular na pinuna ng child rights advocates ang pagpapalawak sa depinisyon ng child soldier. Anila, ang pagpapalawak ng depinisyon ng child soldier sa children associated with armed forces or armed groups ay lalong maglalagay sa panganib sa mga batang nasa komunidad sa isang estadong may armadong puwersang mabangis at walang pakundangan ang paglabag sa karapatan ng mga mamamayan, tulad ng sa Pilipinas. Diumano, lumilikha ang depinisyon ng dahilan para gawin na ring target ng marahas na estado ang mga bata sa kanilang pag-atake sa karapatang pantao.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=12756














[...] ng United Nation Special Representative to the Secretary [...] Related posts: Bata … Read Full Story Source: Pinoy Weekly Date Published: 4th April 11 Share and [...]
[...] “Hindi lamang sila ilegal na inaresto, ikinulong at tinortyur. Malala pa nito, binabansagan silang mga miyembro ng NPA sa kanilang murang edad,” ani Ruiz. Sinabi pa ni Ruiz na nagpapatuloy ang pagbabansag sa mga bata at menor-de-edad bilang “batang mandirigma” sa malabong konteksto ng Paris Principles ng United Nations. [...]