Konteksto

Subsidyo bilang mapanlikhang panloloko


Kampi man ako sa mga kawawang tsuper, kontra ako sa subsidyong ibibigay sa kanila ng gobyerno. Pinirmahan ni Pangulong Noynoy Aquino noong Abril 1 ang Executive Order (EO) No. 32 na nagtatag sa Public Transport Assistance Program (PTAP) o mas kilala sa tawag na Pantawid Pasada. Malinaw naman sa Sec. 2 ang layunin ng programang ito: “The PTAP shall partially subsidize the average consumption of the identified public transport group.”

Kampi man ako sa mga kawawang tsuper, kontra ako sa subsidyong ibibigay sa kanila ng gobyerno.

Pinirmahan ni Pangulong Noynoy Aquino noong Abril 1 ang Executive Order (EO) No. 32 na nagtatag sa Public Transport Assistance Program (PTAP) o mas kilala sa tawag na Pantawid Pasada. Malinaw naman sa Sec. 2 ang layunin ng programang ito: “The PTAP shall partially subsidize the average consumption of the identified public transport group.”

Naglaan ng P450 milyon ang administrasyong Aquino para makatulong, kahit sa maliit na paraan, sa bumibigat nang kalbaryo ng mga tsuper. Nangangahulugan ito ng P1,050 para sa bawat tsuper, ayon sa grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON). Idiniin din ng PISTON na dahil sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis ngayong buwan ng Abril, malamang na mababale-wala rin ang ipapamigay na subsidyo sa pamamagitan ng 214,000 smart cards sa Mayo.

Dahil kampi ako sa mga kawawang tsuper, maiintindihan n’yo naman kung bakit ayaw ko silang tinatratong parang mangmang ng mga nasa kapangyarihan.

Sa unang tingin, may maitutulong naman ang subsidyo sa gitna ng tila walang-patid na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, lalo na ang diesel na ginagamit ng jeepney drivers. Anuman ang halaga ng subsidyo, makakagaan at makakagaan pa rin ito sa butas na bulsa at kumakalam na sikmura.

Pero tulad ng iba pang polisya’t programa ng pamahalaan, kailangan nating isakonteksto ang subsidyo sa kasalukuyang rehiman ng deregulasyon sa downstream oil industry. Malinaw na malinaw na ang “malayang” kompetisyong dapat na magpapababa sa presyo ng mga produktong petrolyo ay hindi nangyayari, may krisis man o wala sa North Africa at Middle East. Ang sinasabi ng pamahalaan at mga kompanya ng langis na wala nang pulitika sa pagtatakda ng presyo (depoliticized price setting) sa ilalim ng deregulasyon ay isang malaking kasinungalingan.

Para sa isang produktong palaging kailangan ng taumbayan, ang pulitikal na dimensiyon ng pagtatakda ng presyo ay hinding hindi maiiwasan. Ito ang dahilan kung bakit mismong si Pangulong Noynoy Aquino ay nagsabi noong bukas siya sa lingguhan sa halip na arawang pagtataas ng presyo ng langis. Marami ding sinasabing mapanlikhang paraan ang ilang opisyal ng gobyerno para mapagaan ang epekto ng tumataas na presyo ng mga produktong petrolyo.

At masasabing mapanlikha ang pamimigay ng 214,000 smart cards sa Mayo Uno, ang pandaigdigang araw ng paggawa. Siguro’y nagkataon lang na pinirmahan ang EO tungkol sa Pantawid Pasada noong unang araw ng Abril na kilala sa buong mundo bilang April Fool’s Day. Nagkataon man o hindi, may elemento ng panloloko sa pagbibigay ng subsidyo sa gitna ng rehimen ng deregulasyon.

Una, hindi nito natutugunan ng subsidyo ang ugat ng sunud-sunod na pagtaaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Kahit na sabihing hindi kontrolado ng administrasyong Aquino ang presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan, may magagawa naman ang mga nasa kapangyarihan para maprotektahan ang mamamayan. Dahil sa subsidyo, hindi inaamin ng pamahalaang may malaking kinalaman ang deregulasyon sa pagtataas ng presyo. Simple lang ang lohika nito: Dahil hindi kontrolado ng gobyerno, malaya ang mga kompanyang magtakda ng anumang presyong nais nila.

Ikalawa, ang P450 milyong ipamimigay bilang Pantawid Pasada ay barya lamang kumpara sa kinikita ng pamahalaan sa value-added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo. Ayon sa preliminary data ng Department of Finance, kumita ng P20.5 bilyon noong 2009 ang pamahalaan mula sa 12 porsiyentong VAT sa mga produktong petrolyo.

At dahil ang VAT ay isang klase ng buwis na ad valorem (o porsiyento ng halaga ng isang produkto ang sinisingil), nasa interes ng pamahalaang tumaas nang tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo. Nangangahulugan kasi ito ng mas mataas na koleksiyon mula sa VAT.

Kaya nga huwag ka nang magulat kung mula 2006 hanggang 2009, ang kinita ng gobyerno mula sa VAT sa mga produktong petrolyo ay P81 bilyon!

Sa konteksto ng mga nabanggit na numero, barya lang po ang subsidyo. At sa konteksto ring ito maiintindihan kung bakit ayaw ng pamahalaang tanggalin ang VAT mula sa mga produktong petrolyo. Malaki ang mawawala sa kinikita nito, lalo na sa sitwasyong hindi nito nakakayang makakolekta ng buwis mula sa maraming mayayamang negosyante’t pulitiko.

Sa ngayon, lumalabas na ang subsidyo ay P1.16 bawat litro ng diesel. Alam mo ba kung magkano ang kinikita ng pamahalaan mula sa VAT sa diesel? Kung susuriin ang Oil Price Monitor (Abril 5, 2011) ng Department of Energy, ang karaniwang presyo (common price) ng diesel ay P47.10 bawat litro. Ang 12 porsiyento po nito ay P5.65, at ito ang halagang kinokolekta ng pamahalaan sa bawat litro ng diesel.

Ayon sa PISTON, ang isang drayber ay karaniwang nagpapakarga ng 30 litro sa kanyang maghapong pagpasada ng jeepney. Nangangahulugan ito ng VAT na P169.56 sa 30 litrong pagbili ng diesel.

Kung ang kawawang drayber na ito ay magtatrabaho nang 26 na araw sa isang buwan (i.e., Linggo lang ang kanyang pahinga), ang makokolektang VAT ng pamahalaan dahil sa pagpapakarga niya ng diesel ay P4,408.56!

Malinaw sa mga numero ang pagsasamantalang ginagawa hindi lang ng mga kompanya ng langis kundi ng mismong pamahalaang dapat ay nagtataguyod sa interes ng mahihirap. Hindi maikakaila ang malaking pakinabang ng pamahalaan hindi lang sa pananatili ng deregulasyon sa downstream oil industry kundi sa pagkakaroon ng VAT sa mga produktong petrolyo.

Sa ganitong konteksto dapat tingnan ang subsidyo bilang mapanlikhang panloloko. Higit pa sa subsidyo ang kailangan para matugunan ang problema ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.