Istorya ng Linggo

Reproductive Health Bill: Ang magkakaiba at magkakatugmang pananaw

Inihanay ng Pinoy Weekly ang pangunahing mga konsepto sa debate sa Reproductive Health Bill, at ang pananaw hinggil dito ng apat na puwersang nangunguna sa debate. Mahalagang maarmasan ang mga mambabasa ng kaalaman hinggil sa pundamental na mga usapin gaya ng kalusugan ng bayan, karapatan ng kababaihan, at kahirapan.

Mga puwersa sa debate sa RH: Gobyernong Aquino, progresibong kababaihan, Simbahang Katoliko, at social democrats

Ilang buwan nang sentro ng kontrobersiyal na talakayan ang Reproductive Health (RH) Bill. Ngayong nakasalang na sa plenaryo ng Kamara ang panukalang batas, lalong umiigiting ang palitan ng mga pahayag ng mga pabor at kontra rito.

Ngunit ano nga ba ang mga pananaw na nasa likod ng mga pahayag ng iba’t ibang pulitiko, grupo, at personalidad? Sa kanilang pagsulong o pagpigil sa RH Bill, sino nga ba ang tunay na nagsisikap na makamit ng mga mamamayan ang tunay na reproductive health?

Inihanay ng Pinoy Weekly ang pangunahing mga konsepto sa debate sa RH Bill, at ang pananaw hinggil dito ng apat na puwersang nangunguna sa debate. Mahalagang maarmasan ang mga mambabasa ng kaalaman tungkol sa RH Bill, at sa pundamental na mga usaping tinatalakay dito gaya ng kalusugan ng bayan, karapatan ng kababaihan, at higit sa lahat, kahirapan–ang numero unong sakit panlipunan.

Reproductive Health

Gobyernong Aquino Simbahang Katoliko at mga grupong pro-life Progresibong kilusan ng kababaihan Social democrats at iba pang grupong peminis
~Isinesentro ang usapin ng RH sa “Responsible Parenthood,” o responsibilidad ng mga magulang sa pagpaplano ng kanilang pamilya. Sa pagkakataong walang akses sa karampatang impormasyon at serbisyo ang mga magulang, may responsibilidad ang estado na ibigay ito. Sa 5-puntong tindig ni Pangulong Aquino hinggil sa Responsible Parenthood, nililimita niya ang kanyang tindig sa RH sa usapin ng family planning. ~Isinesentro ang usapin ng RH sa paggamit ng artipisyal na mga kontraseptibo bilang anti-life (These artificial means are fatal to human life, either preventing it from fruition or actually destroying it,” ayon sa Catholic Bishops Conference of the Philippines) at labag sa doktrina ng Simbahang Katoliko. Pabor lamang sa natural na mga pamamaraan ng family planning.

~Magdudulot ng imoralidad ang akses sa mga kontraseptibo at pagbibigay ng sex education sa kabataan.

~Hindi kinikilala ang karapatan ng kababaihan na magpasya hinggil sa sarili niyang katawan, dahil ang Diyos ang may-ari nito. This (RH Bill) is in line with the post-modern spirit declaring that women have power over their own bodies without the dictation of any religion,” ayon sa CBCP.

~Tinitingnan ang RH bilang kumpletong pisikal, mental at panlipunang kagalingan na may kinalaman sa reproductive system. Ang pangangalaga sa RH ay “responsibilidad ng gobyerno” at “karapatan ng kababaihan;” integral ito sa pangkabuuang pangangalaga ng kalusugan at partikular na tumutugon sa pangangailangan ng kababaihan.

~Maraming probisyon sa kasalukuyang bersiyon ng RH Bill sa Kongreso (House Bill 4244) ang hinalaw sa mga panukala ng Gabriela para sa komprehensibong pangangalaga sa RH. Isinusulong ang RH Bill, ngunit tinutunggali ang mga probsiyon nito hinggil sa pagkontrol sa populasyon bilang sagot sa kahirapan.

~Hindi nililimita sa RH Bill ang pagsusulong sa RH, na pinaniniwalaang nasa “organisado, kolektibo, at determinadong aksiyon ng kababaihan, na kayang i-presyur ang anumang sangay ng gobyerno na umaksiyon sa karapatan ng kababaihan, kabilang ang RH.”

~Tinitingnan din ang RH bilang kumpletong pisikal, mental at panlipunang kagalingan. Ngunit gaya ng gobyerno, nagbibigay din ng kaukulang pansin sa family planning at paggamit ng mga kontraseptibo.

Populasyon

Gobyernong Aquino Simbahang Katoliko at mga grupong pro-life Progresibong kilusan ng kababaihan Social democrats at iba pang grupong peminista
~Nasa balangkas ng pagsusulong ng RH Bill para sa pagkontrol ng populasyon o “population management” bilang sagot sa kahirapan.

~Para makipagkompromiso sa Simbahang Katoliko, tinanggal na sa RH Bill ang probisyon na nagtatakda ng population target o target na populasyon. Gayunman, pinanatili sa RH Bill ang mga elemento ng pagkontrol ng populasyon, gaya ng:

a) Guiding Principles- Bagaman nakasaad na incidental lamang ang pagpigil sa paglobo ng populasyon sa pagtataguyod ng RH, nakasaad din dito na “The limited resources of the country cannot be suffered to be spread so thinly to service a burgeoning multitude making allocations grossly inadequate and effectively meaningless.” Ibig sabihin, tinitingnan na nagkukulang ang mga rekurso ng bansa dahil sa lumolobong populasyon.

b) Sek. 12- Naglalayong ipaloob ang responsible parenthood at family planning sa lahat ng programang kontra-kahirapan (anti-poverty programs) ng gobyerno.

c) Sek. 25- Ipapatupad ang RH Bill sa pangunahin ng Population Commission, isang sangay ng Department of Health (DoH) na nakasentro sa population management.

~Hindi naniniwalang sagot sa kahirapan ang pagkontrol sa populasyon. Ang pagtutulak ng administrasyong Aquino sa RH Bill ay pagtatakip umano sa kabiguan nitong magpatupad ng mga repormang sosyo-ekonomiko.

~Ayon sa CBCP, dapat unahin ng estado ang paglalaan ng rekurso para makamit ng mahihirap ang mga batayang pangangailangan gaya ng pagkain, disenteng sahod, pabahay, at edukasyon. Dapat din umanong unahin ang pagsugpo ng korupsiyon sa gobyerno.

~Naniniwala na ang pagkontrol sa populasyon ay paraan ng gobyerno upang iwasan ang pananagutan sa tumitinding kahirapan at ibaling ang sisi sa “overpopulation.” Inuugat ang kahirapan sa sistemang panlipunan na mala-kolonyal at mala-pyudal, at ipinapanukala ang mga solusyon gaya ng pambansang industriyalisasyon at tunay na repormang agraryo.

~Kinikilala ang yamang tao bilang pinakamahalagang  likas na yaman ng bansa, at isinama ito sa Guiding Principles ng RH Bill: “Since human resource is among the principal assets of the country, maternal health, safe delivery of healthy children and their full human development and responsible parenthood must be ensured through effective reproductive health care.”

~Itinatangging pabor sa pagkontrol sa populasyon, ngunit kinikilalang sagot sa kahirapan ang population development (halos kapareha ng terminong population management ng gobyerno), o ang tumulong na “bigyan ng kakayahan ang pamahalaan na maabot ang isang balanseng distribusyon ng populasyon,” ayon nga sa Philippine Legislators’ Committee on Population and Development (PLCPD).

~May pinapaborang laki ng pamilya o ideal family size, gaya ng nakasaad sa Sek. 20 ng RH Bill na dalawang anak sa bawat pamilya (bagaman pinaaatras ni Rep. Edcel Lagman ang probisyong ito para makaiwas sa karagdagang kontrobersiya). Sa online petition para sa RH Bill, binabanggit ang mga pag-aaral na nagsasabing mas laganap ang kahirapan sa malalaking pamilya kaysa maliliit. Gayundin, sa Ten Reasons to Pass the RH Bill Now, kinikilala ng Reproductive Health Advocacy Network (RHAN) ang panukalang batas bilang pagtugon sa umano’y kagustuhan ng mayorya ng kababaihang Pilipino na magkaroon lamang ng dalawang anak.