Matrikula, samu’t saring bayarin at pagpapabaya ng gobyerno sa edukasyon


Kakaharapin ng mga mag-aaral ng 282 paaralan sa pagpasok ng isa na namang taon ang pagtaas ng singil sa matrikula, pati na ang paparami pang bayaring kaakibat ng kanilang inilalakong edukasyon. Ito ang pasanin na bubunuin ng mga magulang at mag-aaral – o kung magpapatutuloy pa ba silang magpatuloy sa pag-aaral.

Kabataan Rep. Raymond Palatino. (Darius Galang)
Kabataan Rep. Raymond Palatino. (Darius Galang)

Mahihirapang makapasok sa 282 pribadong kolehiyo at unibersidad ang dumaraming nagtapos sa hayskul sa taong ito.

Ayon ito sa Commission on Higher Education (CHEd). Lumalabas na dahil ito sa pagtaas ng matrikula ng 282 paaralang pangkolehiyo ngayong taon. Pinakamababa ang 4% na pagtaas tulad sa Unibersidad ng Santo Tomas at University of the East–Manila. Sinabi ng National Union of Students of the Philippines (NUSP) na naglalaro sa pagitan ng 10-15 porsiyento ang aasahang paglobo ng babayarang matrikula ng mga estudyante at ng mga magulang nila bilang kapalit ng pag-aaral nila.

“Para sa mga kapos na kapos, maaaring magkaroon ng problema sa pasukan kasi baka hindi nila matustusan ang kanilang pag-aaral,” ani Julito Vitriolo, executive director ng CHEd. Sa datos mismo ng naturang kagawaran, dalawa sa limang nagtapos ng hayskul, o halos 40 porsiyento, ay hindi tumutuloy sa kolehiyo.

Nakasaad sa batas?

Kinakailangan ang matrikula sa pagpapatakbo ng isang paaralan. Ayon sa isang memorandum ng CHEd, mahahati ang matrikula sa 70, 20 at 10 porsiyento. 70 porsiyento ang madalas na nakalaan para sa suweldo ng guro at kawani, samantalang 20 porsiyento naman ang para sa operasyon, pagmamantina at pagpapaunlad ng pasilidad ng paaralan. Ang natitirang 10 porsiyento ay para sa direktang kita o return of investment ng paaralan. May nakatakdang limit ang pagtaas ng matrikula, ayon sa isa pang memorandum ng CHEd.

Nakasaad sa Seksiyon 46 ng Batas Pambansa Blg. 232, o ang Education Act of 1982, na may kalayaan ang pribadong mga learning institution na tukuyin kung magkano ang isisingil nilang matrikula at miscellaneous fees. Subalit nakasaad din na dapat ikonsulta sa mga magulang, estudyante at kawani ng paaralan, nagtuturo man o hindi, ang pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin.

Ngunit may lumalabas na dalawang problema sa batas na ito. Una, sa kadalasa’y pawang pormalidad lamang ang ganitong mga konsultasyon. Ayon sa NUSP, ihahapag lamang ang plano (at sa huli ay ang agarang pagpapatupad) ng pagtaas ng matrikula. Wala umanong consensus o kung hindi ma’y masusing pag-uusap hinggil sa pangangailangan ng pagtaas. Mahalaga umano ito dahil pabigat na nga nang pabigat ang pasaning gastos ng mga magulang, bunsod ng sunud-sunod na pagtaas ng mga bilihin. Hindi na dapat ito madagdagan pa ng dagdag-bayarin sa matrikula.

Ikalawa, sinabi ng NUSP na mapatupad man ang dayalogo sa pagtaas ng matrikula, hindi kasali sa mapag-uusapan ang miscellaneous fees at iba pang bayarin. At nakita sa haba ng panahon ang patuloy na pagtaas, pati na ang pagdami, ng mga bayaring ito.

Kung sakaling mapigilan man ang pagtaas ng matrikula sa dayalogo, hindi mapipigilan ang eskuwelahang maningil ng kung anu-anong miscellaneous fees. Suma total, kahit hindi pormal na itinaas ang matrikula, mas mahal pa rin ang magiging bayarin ng mga estudyante at mga magulang nila.

‘Walang pagtaas ng matrikula’: Gimik lamang?

Naunang sinabi ng CHEd na hindi nila papayagan ang pagtaas ng singil sa matrikula para sa darating na pang-akademikong taon. Para sa NUSP, “publicity gimmick” lamang ito upang pahupain ang galit na ipinamalas ng mga mag-aaral mula sa state colleges and universities (SUC) sa pagbabawas ng administrasyong Aquino sa badyet ng mga SUC.

Dahil mismong ang kagawaran na rin ang naglabas ng nauna nang mga datos, hindi maitatanggi ng CHEd na hinayaan ng ahensiyang ito ang pagtaas ng mga paaralan ng matrikula. Lalung lalo pa ng mga paaralang binibigyan ng subsidiyo ng pamahalaan.

“Kahit nagsabi ang CHEd na walang tuition and other school fee increases para sa SUCs sa taon na ito, nakatanggap ang NUSP ng mga ulat sa mga pagtaas ng matrikula at mga proposed na bayarin,” ani Einstein Recedes, tagapangulo ng NUSP.

Ibinigay na halimbawa ni Recedes ang P15 na “sports activity fee” na kakaharapin ng mga mag-aaral ng Polytechnic University of the Philippines (PUP), at ang pending na proposal na P2,000 assessment fee sa PUP-San Pedro. Magtataas rin ang Eulogio Amang Rodriguez Institute for Science and Technology (Earist) ng kanilang miscellaneous fee nang hanggang P2,500. Proposal rin sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) ang mga bagong bayarin, tulad ng physical education fee, na maglalaro mula P150 hanggang P350.

Patung-patong, paulit-ulit na miscellaneous fees

“Yung mga fee na direktang may ugnay sa instruction at saka yung mga kapakanan ng mga bata ay kailangang kailangan ng mga paaralan para makapag-operate nang episyente,” saad ni Vitriolo, ukol sa miscellaneous fees na ipinapataw ng mga paaralan.

Ngunit lumalabas na dulo pa lamang ito ng kalingkingan, kumbaga, sa usapin ng paniningil ng mga paaralan. Sa isang media forum na ginanap kamakailan sa College of Mass Communication sa UP-Diliman, ihinapag ng Kabataan Party-list at NUSP ang kasalukuyang kalagayan ng mga pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin at mga epekto nito sa mga mag-aaral.