Kalidad ng edukasyon sa SHS, alanganin sa panukala ng CHED


Nangangamba ang ilang grupo sa posibleng paglugmok ng kalidad ng edukasyon dahil sa pagpapatigil ng senior high school sa state universities and colleges at local universities and colleges.

Nangangamba ang ilang grupo sa posibleng paglugmok ng kalidad ng edukasyon dahil sa pagpapatigil ng Commission of Higher Education (CHED) ng senior high school (SHS) sa state universities and colleges (SUCs) at local universities and colleges (LUCs).

“Malaki ang magiging epekto sa mga Pilipino ng implementasyon sa patakarang ito at lalo pang pabubulukin ang sistema ng edukasyon sa ating bansa,” ayon sa League of Filipino Students.

Sa datos ng Department of Education (DepEd), nasa 17,700 ang Grade 11 students na maaaring mapilitang lumipat ng paaralan upang ipagpatuloy ang Grade 12 sa susunod na taong panuruan.

Sa panukala din ng CHED, hindi na rin ipagkakaloob ang financial assistance at vouchers sa mga mag-aaral. Pero hahayaan ang mga kasalukuyang Grade 12 na tapusin ang taon upang makumpleto ang basic education.

“Mapipilitan ang mga estudyante na pumasok sa mga pribadong paaralan na mas mahal ang matrikula o kaya naman ay tumigil sa pag-aaral kung kulang na kulang pa rin ang pasilidad sa public schools,” sabi ni Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas.

Dagdag ni Brosas, tutol na ang mga magulang sa SHS mula pa noong unang ipinatipad ang K-12 dahil sa dagdag gastos.

Ayon kay DepEd Undersecretary Michael Poa, maaari namang gamitin ang voucher program kung mag-enroll ang mga mag-aaral sa mga pribadong paaralan. Ngunit hindi pa rin nito mapupunuan ang kabuuang matrikula.

Duda ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) kung kakayanin ng mga pasilidad sa mga pampublikong paraalan ang paglipat ng nasa 17,700 na mag-aaral sa susunond na pasukan. Sa kasalukuyan, siksikan pa rin daw ang mga silid-aralan. 

Sinabi din ni Brosas na sa kabila ng 159,000 backlogs sa pagtatayo ng mga silid-aralan, nasa 2,000 lamang ang natapos nitong 2023, patunay na mas pabor sa mga pribadong paaralan ang pagtanggap ng mga mag-aaral sa SHS.

“Tingin ko darating tayo sa punto na magkakaroon ng tinatawag na Saturday classes or third shift at ang pinakamiserable ay magkakaroon ng doble o siksikan na mga estudyante sa loob ng classroom at iyan ang pangamba namin na lalong mag-deteriotate ang kalidad ng edukasyon,” ani ACT national chairperson Vladimer Quetua.

Hinimok din ng ACT ang gobyernong tuparin ang responsibilidad sa pagbibigay ng sapat na suporta, pagtaas ng budget sa edukasyon, at solusyunan ang mga isyung kinakaharap ng mga guro at mag-aaral.