Matinding init, balakid sa edukasyon
Sa sarbey ng Alliance of Concerned Teachers-National Capital Region Union, nasa 87% ng mga guro ang naniniwala na naaapektuhan ang abilidad ng mga bata na makapagpokus sa talakayan dahil sa tindi ng init.
Bagaman kailangan, hindi maisantabi ang balakid na dulot ng matinding init ng El Niño sa pamumuhay ng mga Pilipino. Tagaktak na pawis ang kapalit kahit humakbang lang nang dahan-dahan. Sa buong araw na pagtitiis, masarap nga namang umuwi at magpahinga sa ginhawang dala ng ating mga tahanan.
Ngunit paano kung ‘di komportable at sagabal na ang maalinsangang panahon sa mga guro at mag-aaral sa mga silid-aralang itinuturing na nilang pangalawang tahanan?
Idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang simula ng El Niño o tagtuyot noong Marso 2023 at tatagal hanggang sa susunod na buwan.
Ayon kay Ana Liza Solis ng Climatology and Agrometeorology Division ng Pagasa, maituturing nila na ngayong taon ang may pinakamainit ang heat index sa kasaysayan ng bansa. Umabot ito sa nakaaalarmang init na 42 hanggang 43 degrees Celsius na siyang nadama sa pitong lugar sa bansa noong Abril 4.
Damang-dama ang ganitong init sa mga pampublikong paaralan sa National Capital Region (NCR). Pinatunayan ito ng datos mula sa sarbey ng Alliance of Concerned Teachers-NCR Union (ACT-NCR) sa epekto ng matinding init sa mga estudyante at guro na isinagawa mula Marso 6-10.
Paypay o talakay
Ayon sa resulta ng sarbey, 77% ng mga guro ang nagsabing hindi nila matiis ang init samantalang 22.8% lang ang nakakaramdam ng katamtamang init.
Ang matinding init, perhuwisyo ang dulot maging sa kalusugan ng mga guro at mag-aaral sapagkat makikita rin sa datos na marami ang nakararanas ng pagkahilo sa kani-kanilang sild-aralan. Nasa 87% naman ng mga mag-aaral ang nagkakaroon ng alerhiya at hika, habang 27% ng mga guro ang naaltapresyon.
“Hindi na natin gustong maulit ang kalagayan noong nakaraang taon na marami ang itinakbo sa school clinics dahil nagdugo ang ilong o nawalan ng malay,” sabi ni ACT-NCR president Ruby Bernardo.
Upang maiwasan ang mga sakit na dulot ng init, kaliwa’t kanan ang kanselasyon ng face-to-face classes sa iba’t ibang lungsod at paaralan nitong nakaraang linggo. Sa panayam ni Department of Education (DepEd) spokesperson Assistant Secretary Francis Bringas sa DZXL News noong Mar. 14, kaniyang ipinaalala ang DepEd Order 37, Series of 2022 na nagbibigay kalayaan sa bawat paaralan na magsuspinde ng klase tuwing may kalamidad o masama ang panahon.
LOOK: The ACT NCR Union has officially received the results of our conducted survey in the National Capital Region…
Posted by ACT NCR Union on Monday, March 11, 2024
Bukod pa rito, nagbaba ng memorandum ang Division of City Schools ng Maynila para sa pagpapatupad ng half-day face-to-face classes sa lahat ng pampublikong paaralan noong Abril 9. Ipapatupad ito mula Abril 11 hanggang Mayo 28 kung saan magkaklase lamang ang mga mag-aaral mula 6 a.m hanggang tanghali.
Nakasaad sa memorandum na magsasalitan ang mga estudyante sa pagitan ng pagkakalse ng synchronous at asynchronous upang iprayoridad ang kalusugan ng mga mag-aaral ngayong tag-init. Gayunpaman, pisikal pa ring papasok ang mga guro sa mga eskuwelahan upang magturo at magtapos ng kanilang mga gawain.
Sa kabilang banda, napagtanto rin ng ACT-NCR ang kakulangan sa mga bentilador sa mga silid-aralan sa rehiyon. Ayon sa resulta ng sarbey, 46% lang ng mga silid-aralan ang mayroong isa hanggang dalawang bentilador na hindi sapat upang magkaroon ng mainam na sirkulasyon ng hangin para sa mga estudyante at guro.
Dagdag pa rito, 87% ng mga guro ang naniniwala na naaapektuhan ang abilidad ng mga bata na makapagpokus sa talakayan dahil sa tindi ng init.
“Matagal nang napatunayan na naapektohan ng learning environment ang pagkatuto ng mga bata kaya pinipilit ng mga guro na maging conducive for learning ang kanilang classroom,” ani Shiela Fajardo, isang guro sa Daniel Fajardo Elementary School sa Las Piñas City tungkol sa kalagayan ng mga estudyante ngayong tag-init.
Dadag pa ni Fajardo na hindi maasahan ang pokus ng mga mag-aaral gawa ng panahon. Kaysa maging masigla sila sa pakikipagtalakayan, mas napagtutuunan pa ng ng pansin ang nararamdaman na init dahil sa kahirapang kumilos habang nagkaklase.
Panawagan ng mga guro
Ang suhestiyon ng ACT-NCR, pansamantalang makapagsuot maging ang mga mag-aaral ng komportableng damit, na agad pinahintulutan ng DepEd, at mabigyang supply ng inuming tubig ang bawat silid-aralan.
Panawagan din ng ACT-NCR sa gobyernong mabigyan ang sektor ng edukasyon ng mas mataas na pondo na ilalaan upang magtayo ng sapat na mga silid-aralan, kumuha ng mas maraming guro at tauhan ng suporta sa edukasyon, at bumuo kapaligirang akma at nakatutugon sa kasalukuyang krisis sa klima.
Samantala, ibinahagi rin ng grupo ang kanilang pagsuporta sa DepEd Order 3, Series of 2024 na nagnanais na unti-unting maibalik ang pasukan ng mga paaralan sa Hunyo matapos maapektuhan ng pandemya ang kalendaryo ng mga pampublikong paaralan noong 2020.
Pagkukusa ng NPTA
Sa layuning makatulong sa dinadaing na init sa mga paaralan, kusang-loob na nagbigay ang National Parents-Teachers Association (NPTA) ang mga karagdagang bentilador sa iba’t ibang eskuwelahan noong Abril 2.
Ayon kay NPTA executive vice president Lito Senieto, nagpaplano pa ng mga proyekto ang iba’t ibang opisyal ng PTA para sa mga karagdagang bentilador para sa ikabubuti ng mga mag-aaral at guro.
Sabi rin ni Senieto, mayroon ding mga magulang na nagkukusang magbigay upang matiyak ang kaginhawaan ng kanilang mga anak habang nasa kani-kanilang eskuwela. Ngunit hindi ito dapat maging tungkulin ng mga magulang dahil pagkukulang ito ng gobyerno sa pampublikong edukasyon.
Igiinit ni Fajardo na dapat hindi sa mga magulang nanggagaling ang mga kagamitan sa mga paaralan kagaya ng mga bentilador dahil hindi naman lahat ay may kakayahang magbigay.
Ang paghahanap umano ng mga posibleng magbigay ng donasyon ang kanyang suhestiyon sa kakulangan ng pondo at kagamitan sa mga pampublikong paaralan. Patuloy namang nananawagan ang ACT ng mas mataas na pondo para sa mga pampublikong paaralan.
Inaasahang tatagal ang El Niño hanggang Mayo ngayong taon. Indikasyong hindi pa matatapos ang paghihirap ng mga guro at mag-aaral sa init at tagaktak ng pawis na pilit nakikipagsabayan sa kani-kanilang talakayan.