Desisyon ng Korte Suprema sa kasong Cadapan-Empeno, magpapatibay sa kaso vs militar

Ipinakikita ng desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng kasong pagdukot kina Sherlyn Cadapan at Karen Empeno na malinaw na may kinalaman sa pagdukot sa kanila si retiradong Hen. Jovito Palparan, at iba pang opisyal ng militar.

Ilitaw sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan, giit ng mga nagproprotestang kapwa nila estudyante sa UP Diliman. (Macky Macaspac)
Ilitaw sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan, giit ng mga nagproprotestang kapwa nila estudyante sa UP Diliman. (Macky Macaspac)

Ipinakikita ng desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng kasong pagdukot kina Sherlyn Cadapan at Karen Empeno na malinaw na may kinalaman sa pagdukot sa kanila si retiradong Hen. Jovito Palparan, at iba pang opisyal ng militar.

Ito ang pahayag ng mga grupong pangkaparatang pantao matapos maglabas ng utos ang Kataas-taasang Hukuman na inuutusan ang Armed Forces of the Philippines na palayain sina Empeno at Cadapan, kasama ang magsasakang si Manuel Merino, sa lalong madaling panahon.

“Napapanahon ang desisyong ito dahil kasasampa lang namin ng kasong kriminal sa Department of Justice laban sa mga akusado,” sabi ni Ghay Portajada, pangkalahatang kalihim ng Desaparecidos, grupo ng mga kaanak ng mga sapilitang dinukot diumano ng militar.

Ayon sa National Union of People’s Lawyers (NUPL), ang pagpapanagot umano sa mga militar bilang mga akusado sa pagkawala ng mga biktima ay pagbibigay tiwala ng korte sa pinaparatang na arbitraryong detensiyon sa mga bikitma laban kay Palparan at iba pang akusado.

“Kaya  ang SC ay nagsumite na ng ‘probable cause’ laban sa mga akusado,” sabi ng abogadong si Ephraim Cortez, assistant secretary general for legal services ng NUPL.

Sinabi pa ni Cortez na ang malakas umano ang testimonya ng testigong si Raymond Manalo laban sa mga militar. “Sinabi ng Korte na ang testimonya ni Manalo ay tahasan, konsistent at kapani-paniwala bilang batayan ng kasong kriminal. Hindi rin ito nabubuwag ng kahit anong malisyosong paninira-puri,” aniya.

Palparan’s denial of any of the allegations should be treated as simple yet puerile defenses, not exemption from criminal charges. His arrest is imminent,” idinagdag pa ni Cortez.

Patuloy na itinatanggi ni Palparan na may kinalaman siya at ang yunit ng militar sa pagkawala nina Cadapan, Empeno at Merino. Sa pahayag niya sa midya, sinabi ni Palaparan hindi raw niya maipapatupad ang kautusan ng korte na ilitaw ang mga biktima, “I cannot really follow the order. I cannot release someone who is not in my possession, who is not in my custody,” pahayag ni Palparan sa midya.

Sinabi pa ni Palparan na pagkat retirado na siya, wala na siyang kontrol sa mga dati niyang tauhan sa militar, at hindi na rin siya maaaring makapagpalaya sa tatlo.

Sinabi rin ni Commodore Miguel Jose Rodriguez, tagapagsalita para sa AFP, na hindi nila maaaring palayain ang tatlo dahil “wala ito sa kanilang kustodiya.”

Halos limang taon matapos ang pagdukot kina Empeno at Cadapan, patuloy na hinahanap sila ng mga kaeskuwela sa UP. (Darius Galang)
Halos limang taon matapos ang pagdukot kina Empeno at Cadapan, patuloy na hinahanap sila ng mga kaeskuwela sa UP. (Darius Galang)

Samantala, binatikos ng mga guro at estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) ang mga pahayag ni Palparan. “Hindi puwede na sabihin niyang nakaretiro na siya, wala na siyang pananagutan doon sa naganap. Walang ibang puwedeng managot kung hindi siya lamang dahil siya ang nasa puwesto noon at gayundin si Gloria Macapagal-Arroyo,” ani Ramon Guillermo, pambansang tagapangulo ng All UP Academic Employees Union.

“Hindi siya absuwelto kahit retirado na siya,” reaksiyon naman ni Gem Garcia , tagapangulo ng University Student Council ng UP. Sinabi rin ni Garcia na tinukoy na umano sa writ of amparo na nasa kustodiya ng mga militar ang mga kapwa estudyante nila, at kinatigan ng korte.

GMA, et al, dapat ding managot

Sa kabila naman ng positibong pagkatig ng Korte Suprema sa writ of amparo, nadismaya ang mga militanteng grupo sa pag-absuwelto kay dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kaso ng tatlo.

Sabi ni Portajada, sa desisyong ito’y parang sinabi na rin Korte Suprema na hindi pambansang patakaran sa ilalim ng dating kontra-insurhensiyang programang Oplan Bantay Laya at mga pagdukot at paglabag sa karapatang pantao.

“Mabigat rin ang pananagutan nila (Arroyo), katulad rin ng pananagutan ng mga direktang lumahok sa pagdukot at pagkawala ng mga aktibista at simpleng mamamayang Pilipino,” ani Portajada.

Inalis ng CA sa listahan ng bilang akusado si Arroyo at pinagtibay naman ito ng Korte Suprema, “Preliminarily, the Court finds the appellate court’s dismissal of the petitions against then President Arroyo well-taken, owing to her immunity from suit at the time the habeas corpus and amparo petitions were filed, “ ayon sa desisyon.

Mga estudyante ng UP na naging volunteer sa isang grupo ng mga magsasaka sina Empeno at Cadapan, samantalang magsasaka sa Hagonoy, Bulacan si Merino. Hinihinalang dinukot sila ng mga militar noong Hunyo 2006, sa tahanan ni Merino sa Bulacan.

Kinatigan ng Korte Suprema ang naunang desisyon ng Court of Appeals (CA) noong Setyembre 17, 2008 na nag-aatas kay dating General Jovito Palparan,  Lt. Col. Rogelio Boac, Lt. Col. Felipe Anotado, Lt. Francis Mirabelle Samson, Arnel Enriquez at Donald Caigas,  na dating nakadestino sa  7th Infantry Division at 24th Infantry Battalion, na kagyat na palayain ang tatlong biktima.

Ang kautusan ng Court of Appeals at ng Korte Suprema ay nagmula sa isinampang writ of amparo ng mga pamilya ng mga biktima noong Oktubre 24,  2006, matapos ibasura ng CA ang naunang  isinampang writ of habeas corpus.