Pakikibaka ng mamamayan, mula Europa hanggang Asya


Saan mang panig ng mundo, may mga nakikibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya. Sa ika-4 na asembliya ng International League of People’s Struggles sa Maynila, nagtipun-tipon ang mga mamamayan para ibahagi sa isa’t isa ang sitwasyong nagtutulak ng pag-aalsa sa kanilang mga bansa.

Wim de Ceukelaire ng Belgium at Mamdou Habashi ng Egypt (Ilang-Ilang Quijano)

Saan mang panig ng mundo, may mga nakikibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya. Sa ika-4 na asembliya ng International League of People’s Struggles (ILPS) sa Maynila, nagtipun-tipon ang mga mamamayan para ibahagi sa isa’t isa ang sitwasyong nagtutulak ng pag-aalsa sa kanilang mga bansa, at ang pinakapositibong mga karanasan ng pakikibaka.

Sa workshop ng ILPS na pinamagatang Forge unity and solidarity of peoples struggling for national and social liberation against imperialism and all reaction” at ginanap noong Hulyo 8, ikinuwento ng mga lider ng kilusang masa at progresibong intelektuwal ang mga pakikibakang hindi o pahapyaw lamang na naipapakita ng global na midya.

Sa Egypt, ‘nag-uumpisa pa lang’ ang laban

Hindi lamang korupsiyon at represyon, kundi ang neo-liberal na mga polisiyang pang-ekonomiya ang nag-anak sa pag-aalsa sa Egypt laban sa rehimeng Hosni Mubarak.  Ayon kay Mamdou Habashi ng Arab and African Research Center, resulta ang pag-aalsa ng deka-dekadang protesta. Simula nang ipatupad ni Mubarak, tinataguriang ‘papet’ ng gobyernong US, ang mga patakarang neo-liberal noong 1974, nagdulot na ito ng ibayong pahirap sa mga manggagawa. Ang mga welga ng mga manggagawa ang nagsilbing mitsa sa popular na pag-aalsa nitong Enero.

Ngunit ayon kay Habashi, “This is just the beginning of a very long revolutionary process.” Malayo pa umano ang Egypt sa tunay na kalayaan dahil may mga puwersang nagtutulak ng kaisipang “business as usual,” o pagpapatuloy ng dating kalakarang neo-liberal. Sa kabilang banda, itinutulak ng mga mamamayan ang mga repormang sosyo-ekonomiko gaya ng pagtaas ng minimum na sahod, pagbalik sa estado ng mga asset na isinapribado, at bagong sistema ng pagbubuwis.

Itinutulak din nila ang bagong konstitusyon, malayang eleksiyon, pagtatayo ng indipendiyentong mga organisasyon gaya ng unyon, gayundin ang hustisya para sa lahat ng mga biktima ng rehimeng U.S.-Mubarak.

Ayon kay Habashi, noong araw din na iyon (Hulyo 8), may isang milyong Ehipto ang lumabas sa mga kalsada ng Cairo para igiit ang mga panawagang ito.

Protesta sa neo-liberalismo sa Europa

Samantala, inihayag ni Wim de Ceukelaire ng Intal Belgium na maraming estado sa Europa ang kumokopya sa mga neo-liberal na polisiya ng U.S., gaya ng pagbubuwis na pumapabor sa malalaking kompanya, pagsasapribado ng mga batayang serbisyo, deregulasyon ng merkado, pagbabawas sa benepisyo ng mga manggagawa, at iba pa. The formerly public services are becoming new fields of profit for private capital,” aniya.

Nagresulta ito ng tanggalan at mas masahol na mga kondisyon sa paggawa, pagbaba ng suweldo ng mga kawani ng gobyerno at kalidad ng serbisyong publiko.

Ngunit ito rin ang nagtutulak ng mga pag-aalsa sa Europa, ayon kay de Ceukelaire. Pinakamalakas at organisado ang mga pag-aalsa sa Portugal at Greece. Pinakaapektado ng krisis ang mga bansang ito; bukod sa pagkakaroon ng malakas na kilusang paggawa. Sa Portugal, nakapako ang suweldo ng mga kawani ng gobyerno hanggang 2012, at ibinaba ang minimum na sahod ng mga manggagawa. Itinaas din ang Value-Added Tax sa mga batayang produkto; habang ibinaba ang buwis ng malalaking bangko.

Ayon kay de Ceukelaire, nangunguna ang Portugese Communist Party sa mga protesta. Umabot ng tatlong milyong katao, o 75 porsiyento ng mga manggagawa, ang dumalo sa isang kilos-protesta noong nakaraang taon.

Samantalang sa Greece, matindi rin ang mga protesta laban sa austerity measures (o pagtapyas ng badyet para sa pampublikong serbisyo), kawalang trabaho (42 porsiyento ng kabataan ang unemployed), at pagtaas ng presyo ng batayang mga bilihin.

Bilang tugon, sunud-sunod ang mga welga at protesta ng mga mamamayang Griyego, sa pangunguna ng militanteng kilusang paggawa (All Workers Militant Front). Gayundin, nagtatayo people’s committees sa iba’t ibang bayan na binubuo ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, at iba pa.

(Sundan sa sunod na pahina)