Istorya ng Linggo

Overpricing sa presyo ng langis


Walang tiyak na pormula sa presyuhan ng langis; pabagu-bago ito batay sa gusto ng dambuhalang mga kompanya. Ang malinaw lang, lugi rito ang masang Pilipino.

George San Mateo ng Pagkakaisa ng mga Tsuper at Operators Nationwide o Piston, at Arnold Padilla ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan, sa isang porum hinggil sa pagtaas ng presyo ng langis. Iginigiit ng militanteng mga grupo na umaabot sa P9 ang overpricing ng mga kompanya ng langis. (Macky Macaspac)
George San Mateo ng Pagkakaisa ng mga Tsuper at Operators Nationwide o Piston, at Arnold Padilla ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan, sa isang porum hinggil sa pagtaas ng presyo ng langis. Iginigiit ng militanteng mga grupo na umaabot sa P9 ang overpricing ng mga kompanya ng langis. (Macky Macaspac)

Ibinaba kamakailan ng dambuhalang mga kompanya ng langis ang pump price ng mga produktong petrolyo. May dapat bang ikatuwa ang madla rito?

Kung pagbabatayan ang pag-aaral ng Ibon Foundation, isang independyenteng institusyon sa pananaliksik, ang sagot ay hindi. Naglabas ng pag-aaral kamakailan ang grupo na nagsasabing tila ipinalalabas lamang ng dambuhalang mga kompanya ng langis na nagrorolbak sila.

Kamakaila’y P1 ang ibinaba sa presyo ng gasolina, 50 sentimos sa diesel at 75 sentimos naman sa kerosene. Ipinatupad ang rolbak bunsod ng bumababang presyo ng produktong langis sa pandaigdigang merkado at sa lumalakas na palitan ng piso sa dolyar.

Pero sa praymer ng Ibon na pinamagatang “Kwento at Kwenta sa Pagtaas ng Presyo ng Produktong Petrolyo,” ipinaliwanag nito na labis na maliit ang inirorolbak ng dambuhalang mga kompanya ng langis. Sa kanilang pagmomonitor, napag-alamang labis ang itinataas sa presyo ng langis, at hindi sapat ang mga rolbak para ibalik sa dating presyo nito. Ang resulta, pataas lamang nang pataas ang presyo ng langis, tumaas man o bumaba ang presyo sa pandaigdigang merkado.

Ang halimbawa ng Ibon sa penomenong ito: Noong Enero tumaas ng P11.75 ang gasolina ngunit nagrolbak ito ng P5.60. Tumaas naman ang diesel ng P11.50 at P4.90 ang inirolbak. Sa parehong buwan din tumaas ang LPG ng P6.10 at nagkaroon ng P4.90. Ayon sa Ibon, ginagamit lang na palusot ang pandaigdigang presyo upang  dito ibatay ang umano’y paghahangad ng mga kompanya ng langis na makakuha pa ng mas malaking tubo.

Napansin na ng ilang mga mambabatas ang penomenong ito. Sa budget hearing ng Department of Energy (DOE), ginisa ni Bayan Muna Rep. Teddy Casino si Sek. Rene Almendras ng Department of Energy hinggil sa kakulangan ng rolbak ng mga kompanya. Bilang tugon, nangako si Almendras na itutulak niya ang karagdagang P2 rolbak sa Agosto 15.

Ipinunto naman ni Sen. Ralph Recto na P5 dapat ang rolbak. “For me, that’s the immediate benefit of the US credit downgrade,”  pahayag ni Recto sa midya.  “At least P5 rollback in oil price should be immediately done by oil firms.

Samantala, matagal nang sinasabi ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at iba pang militanteng mga grupo na umaabot sa P9 ang overpricing sa langis ang tatlong dambuhalang kompanya ng langis o ang Big 3 (Shell, Petron at Chevron).

Kahit ang yumaong si kalihim ng DOE na si Angelo Reyes,ayon sa KMU, may sinasabing “rule of thumb” sa presyo ng langis: Kapag bumababa sa US$3 bawat bariles ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, dapat itong magresulta sa P1 rolbak kada litro ng produkto ng langis.

Overpricing na itinatago sa kakarampot na rolbak

Sa monitoring ng Ibon, lumalabas na sa loob lamang ng limang buwan nitong 2011, umaabot na sa 13% ang itinaas ng presyo ng gasolina at 15% ang sa diesel.

Noong Enero ang presyo ng gasolina ay pumapalo lamang sa P48.50 kada litro na ngayon ay pumalo na sa P56.30 hanggang sa P57.  Ang diesel noong Enero na P38.50 lamang ay nasa P45.10 na. Hindi pa rito inawas ang pinakahuling rolbak noong Agosto 9.  Naglalaro naman sa P788 ang Liquefied Petroleum Gas (LPG) na kadalasang ginagamit sa mga bahay na dating P707 lamang noong Enero.

Duda ang Ibon sa napakabagal na pagbaba ng presyo ng langis sa lokal na pamilihan, samantalang napakabilis naman kung magtataas ng presyo ang mga kompanya ng langis. Kahit ikatwiran ng mga kompanya na nakabatay ang presyuhan ng langis sa pandaigdigang merkado at iba pang mga salik tulad ng palitan ng piso sa dolyar, overpriced pa rin ang mga produktong ito.

Nakakaduda umano kung ibinabatay nga ang presyo sa pandaigdigang merkado dahil iba-iba ang presyo lalo na ang mga nagbebenta ng tingi (retailers). Iba rin ang bentahan ng independent players, na kadalasang mas mura kaysa sa mga dambuhalang kompanya na mas may kakayanan sanang magbaba ng presyo. Ganundin, iba rin ang presyo pagdating sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Ibinigay na halimbawa ng grupo na noong Abril 2011, ang karaniwang presyo ng diesel sa Metro Manila ay P48.35, ngunit pagdating sa  Bohol ito ay P53.00. Sa  Bacolod, P52.60 ito. Sa Davao, P49.05 ito, samantalang at P51.50 ito sa Cotabato City. Mas mataas pa nga raw sa iba pang sentrong siyudad ng bansa.

Lumalabas na hindi supply and demand sa pandaigdigang merkado ang sanhi ng pabagu-bagong galaw ng presyo ng mga produktong langis. Ito’y iskema o istratehiya ng mga kompanya ng langis upang kumita.

Monopolyo at ispekulasyon sa langis

Lahat ng indikasyon ay nagsasabing itinatakda lamang ng dambuhalang mga korporasyon ng langis ang presyo ng langis. Pangunahin dito ang Shell, Chevron, Exxon Mobil, Total at British Petroleum. Kontrolado nila ang industriya ng langis mula sa produksiyon hanggang sa distribusyon sa mga gasolinahan.

Dumadaan sa dalawang yugto ang produksiyon ng langis. Una, nariyan ang upstream operation, na proseso ng pagmimina ng langis sa kalupaan (onshore exploration) at sa katubigan (offshore exploration) at pagdadala sa refinery. Pangalawa, ang downstream operation, na pagkarga, pagbiyahe, pagproseso, pagrepina, pag-imbak, distribusyon, importasyon, eksportasyon at  pagbebenta ng fuel oil, gasolina, LPG at iba pang produktong petrolyo.

Kahit 85% sa kabuuang reserbang langis ang pag-aari ng national oil companies (kinabibilangan ng OPEC at mga bansang nasa kanlurang Asya), hindi nila kayang iproseso ang mga ito. Kaya ang mga limang pangunahing TNC  na nabanggit ang nagdodomina pa rin sa pangalawang yugto. Dito sila, ayon sa Ibon, nagkakamal ng limpak-limpak na tubo.

Ayon pa sa Ibon, sa bawat yugto ng pagproproseso ng langis humahamig na ang TNCs ng tubo, kahit hindi pa ito pumupunta sa pandaigdigang merkado.