Pamamaril ng militar sa 7-anyos na bata sa Compostela Valley pinaiimbestigahan

Humiling ng independiyenteng imbestigasyon ang mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao sa Pantukan, Compostela Valley matapos isang pitong-taong-gulang na bata ang napaslang sa pamamaril ng isang sundalo mula sa 71st Infantry Battalion ng Philippine Army.

Pagkamatay ng pitong-taong-gulang na si Sunshine Jabinez sa Pantukan, Compostela Valley: Dulot umano ng malawakang militarisasyon sa naturang probinsiya. (Kontribusyon)

Sinabi ng Karapatan sa Southern Mindanao Region na naisadokumento nila ang pamamaril ng isang Pfc Baltazar Ramos sa mga sibilyan sa Biasong, Pantukan kamakailan na ikinamatay ng batang si Sunshine Jabinez.

Bahagi umano si Ramos ng Peace and Development Outreach Program ng 10th Infantry Division ng Army.

“Isang miyembro ng 71st IB ng Army na nakilalang si Ramos ang walang pakundangang namaril ng kanyang armalayt matapos masangkot sa away sa isang kapwa sundalo,” salaysay ng Karapatan-SMR sa naganap sa Pantukan, batay sa kanilang dokumentasyon.

Lasing diiumano si Ramos nang yayain ng isang Valdez at isang Sgt. Dalipong na mag-videoke. Sa naturang videoke house, nanghamon ng mga sibilyan si Ramos.

Kinondena ng mga grupong pangkarapatang pantao tulad ng Karapatan-SMR at Save Pantukan Alliance ang mapanganib umanong presensiya ng militar sa kanilang lugar. (Kontribusyon)
Kinondena ng mga grupong pangkarapatang pantao tulad ng Karapatan-SMR at Save Pantukan Alliance ang mapanganib umanong presensiya ng militar sa kanilang lugar. (Kontribusyon)

“Pumasok si Ramos sa kusina (ng videoke house) at tinanong ang isang sibilyan ng ‘Ikaw, astig ka?’ at saka pumulot ng bote at ipinukol sa naturang sibilyan,” sabi ng Karapatan.

Namulot din umano ng bote ang naturang sibilyan para ipukol kay Ramos, ngunit nakaalis si Ramos. Umalis ang mga sibilyan sa lugar, sa takot diumanong kumuha ng baril si Ramos at bumalik mula sa detatsment ng militar.

Nakita ng mga saksi si Ramos na bumalik, may dalang baril. Pinagsarhan diumano siya ng mga sibilyan sa lugar. Pinagbabaril ni Ramos ang kabahayan ng pamilyang Jabinez, kung saan matatagpuan si Sunshine.

Hiniling ng grupo na agarang imbestigahan ang mga kumander ng militar, kabilang sina Lt. Col. Camilo Legayo ng 71st IBPA at Maj. Gen. Jorge Segovia ng 10th IDPA na siyang responsible umano sa malawakang pagdeploy sa mga lugar ng mga sibilyan.

Hiniling din ng Karapatan-SMR na magsagawa ng imbestigasyon ang Commission on Human Rights o CHR.

“Pinatitigas ang mapag-abusong aktitude ni Ramos ng kultura ng impunity na nagaganap sa militarisadong kanayunan,” sabi pa ng grupo.

Sinabi pa ng Karapatan-SMR sa administrasyong Aquino na tupdin ang mga batas at probisyon sa mga kasunduang nangangalaga ng karapatang pantao, tulad ng Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (Carhrihl), United Nations Convention on the Rights of the Child (UNCRC) at Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.