Tatlong Tula ni Alexander Remollino
Huwag sanang tulutan ng tadhana / na ako’y lisanin mo sa gitna ng digma. / Ikaw ay masong magagamit / sa pagpapanday ng isang bayan / kung saan walang taong parang asong nakagapos / habang hinihimod ang paa ng kung sino, / kung saan ang mga tao
Huwag sanang tulutan ng tadhana
na ako’y lisanin mo sa gitna ng digma.
Ikaw ay masong magagamit
sa pagpapanday ng isang bayan
kung saan walang taong parang asong nakagapos
habang hinihimod ang paa ng kung sino,
kung saan ang mga tao
ay mga mulawing lahat at di mga kawayan.
Ngunit kung wala kang iuukit sa papel
kundi isang pumpon ng mga pinabanguhang kahangalan,
mabuti pang ang mga kamay ko
ay magkadurug-durog sa riles,
dili kaya’y tamaan ng isang libong lintik
upang ikaw
ay di ko na mahawakan pa.
2004
SADYANG PABIGAT SA DIBDIB ANG AMING MGA TULA
Madalas kaming masabihang
ang aming mga tula
ay pagkabibigat sa dibdib.
Salamat naman kung gayon.
Talagang tumutula kami
para sa sangkatutak na nasanay nang
lunukin nang nakapiring
ang katotohanan.
Pilitin man naming tumula
tungkol sa bulaklak na sumara’t bumuka,
o tungkol sa mga bathala’t bathaluman
mula sa bansa ni Chiang Kai Shek
o mula sa Lupa ng Payapang Umaga,
hindi yata namin ito magagawa
nang hindi itinatanong sa mga sarili
kung hindi kaya kami’y mga bangkay na humihinga.
Ang katotohanan ngayon
ay ang naghaharing di-paggalang
sa karapatan ng taong
mamuhay bilang tao:
sabaw na santambak
ang nakalagay na langaw.
Kayraming lumulunok nito,
pagkat nakapiring
at di nakikita ang mga langaw.
Salamat kung ang aming mga tula
ay sanlibong Bundok Apo sa dibdib.
Talagang ang aming mga tula
ay patalim na pumapatid sa piring,
upang ang mga lumulunok sa ulol na katotohanan
ay isuka ito
at palitan ito ng katinuan.
Pebrero 2004
BAKA SAKALING TUBUAN NG KATINUAN
“The best roads and bridges were built during martial law. Pati mga pelikula no’n, ang gaganda.” — Ilocos Norte Rep. Imee Marcos, sa isang interbIyu ng I-Witness noong Setyembre 2002. Paulit-ulit niyang sinasabi ang katulad nito sa tuwing may pagkakataong nakikita.
At dapat pa palang ipagpasalamat ng bayan
ang pag-utang sa kanyang buhay
na ang kolateral ay kalsada’t mga tulay,
at ang paglalako sa kanya
ng mga “penekula” sa Manila Film Center
habang nakaposas ang mga Behn Cervantes
upang huwag maipinta sa pinilakang tabing
ang panggagahasa sa kanyang karapatan!
Kuryentihin sa utak
at baka sakaling tubuan ng katinuan
ang anak ng diktador na alaga
ni Tiyo Samuel –
diktador na bangkay na’y buhay pa!
Hindi isang bilyong kalsada’t mga tulay,
hindi ang pinakanakapapasong kaladyaan
sa sangmilyong “penekula”
sa sanlibong Manila Film Center
ang sasapat na pambayad
sa niluray na katawan at sinunog na lalamunan
ni Liliosa Hilao,
sa paghingang pinatid ni Puri Pedro;
sa dugong dumanak ng mga Eman Lacaba,
Lorena Barros, Edgar Jopson, Nilo Valerio,
Bobby de la Paz, Johnny Escandor:
silang mga nangarap ng makataong buhay
para sa lahat.
Si Alexander Martin Remollino ay isinilang noong Agosto 6,1977 sa Mandaluyong. Nag-aral ng Legal Management sa University of Santo Tomas. Ang kanyang mga tula ay lumabas na sa Arkibong Bayan, frictionmagazine.com, Emanilapoetry.com, Matanglawin.org, Poets Against the War, at sa mga chapbook ng KM64. Nagsulat din siya para sa online newsmagazine na Bulatlat.com. Naging bahagi din siya ng Bagong Alyansang Makabayan bilang public information staff at researcher. Pumanaw siya noong Setyembre 3, 2010.