Pagbibigay-pugay sa isang makabayang mamamahayag at manunulat


Ilan sa mga parangal para sa manunulat ng bayan na si Alexander Martin Remollino

Mga tula ni Alex Remollino na nakapaskil sa dingding ng simbahan ng UCCP sa Cubao, Quezon City noong burol ng kanyang labi, Setyembre 6, 2010. (Darius Galang)
Mga tula ni Alex Remollino na nakapaskil sa dingding ng simbahan ng UCCP sa Cubao, Quezon City noong burol ng kanyang labi, Setyembre 6, 2010. (Darius Galang)

Manunulat, makata at kaibigan ni Alex na si Gelacio Guillermo, isa sa maraming nagbigay-parangal kay Alex sa kanyang burol noong Setyembre 6, 2010. (Darius Galang)
Manunulat, makata at kaibigan ni Alex na si Gelacio Guillermo, isa sa maraming nagbigay-parangal kay Alex sa kanyang burol noong Setyembre 6, 2010. (Darius Galang)

Nitong nakaraang Biyernes, Setyembre 3, ginulat tayo ng balita ng biglaang pagpanaw ng ating kaibigan at kasamahan sa alternative media na si Alexander Martin “Alex” Remollino. Matagal na nakasama ng mga mamamahayag ng Pinoy Weekly Online si Alex: sa mga fact-finding mission, sa mga rali, porum, pagtitipon, at marami pang coverage ng mga isyu’t pagkilos ng mga mamamayan. Nasaksihan din namin siya sa mga pagtitipong kultural, kung saan umusbong ang kanyang pagiging progresibong makata. Pana-panahong nakasama rin namin sa mga pagtitipon sa aming opisina — tuwing Pasko, at iba pa. Higit sa lahat, nakasama namin siya sa pagtataguyod ng isang pamamahayag na progresibo at makamasa. Malaking kawalan ang kanyang pagpanaw. Paalam, Alex.

Narito ang ilan sa mga parangal ng mga kaibigan at mga tagatangkilik niya sa kanyang sulatin at pagkilos. Ilan lamang ito sa mga parangal na kumalat samanunulat ng bayan na si Alexander Martin Remollino.

(Ilan pang parangal sa kanya sa Pinoy Weekly Online: Mula sa NUJP at PinoyMedia Center)

Para kay Kasamang Alex: Hindi Kinang Kundi Liwanag

Judy M. Taguiwalo

Marami nang parangal ang naisulat para kay Alex Martin Remollino kabilang na ang mga tula ng pagdadalamhati sa kanyang maagang pagkamatay  na mga tula rin  ng selebrasyon ng kanyang buhay at pakikibaka.

Naantig ako sa parangal ng isang kasamahan namin sa All UP Workers’ Union sa post niya sa Facebook: “pagpupugay kay kasamang alex.tunay na na kasama sa simulain, matamis ngumiti at silahis ng araw ang bawat ngiti na ipunopukol nya sa amin”.

Sapol nito ang naramdaman ko sa pagpanaw ni Alex sa batang edad na 33. Dahil katulad ng marami sa mga nagmamahal kay Alex  na di siya nakasama sa araw-araw na gawain, nakikita ko lang si Alex sa mga pagkilos at sa mga porum at maalaala rin ang kanyang paging palangiti.

Nagkumustahan lang kami  sa pagkilos sa Supreme Court noong Agosto 18 kaugnay ng protesta laban sa compromise agreement ng Hda. Luisita. Naroon siya sa Recto Hall noong Agosto 23 sa book launching ni Joi Barrios. Nagngitian lamang. Dahil katulad nang maraming iba pang mga kasama, kumportable kong kapalagayang loob si Alex kahit hindi ganoon kalalim ang pagkakakilala sa isa’t isa. Kumportable na kapalagayang loob dahil iisa ang simulain, iisa ang mithiin, iisa ang pinaglilingkuran.

At matapat ang ginawang paglilingkod ni Alex sa pamamagitan ng kanyang panulat: mga artikulo man ito sa bulatlat, mga tula ng pakikibaka at pag-asa, mga press releases para sa Bayan. Matalas ang kanyang paggamit ng mga salita para singilin ang mga nagpapahirap sa bayan. Mapagmahal ang kanyang mga salita para bigyang pugay ang mga nakikibakang anak-pawis.

Nang mabalitaan ko ang kanyang pagkamatay, naisip ko muli ang pag-iiba sa liwanag at kinang na sa pagkaalam ko ay unang ipinag-iba ni Emilio Jacinto. Si Emilio Jacinto na pinagmulan rin ng isa sa tatlong paboritong quotations ni Alex na nakalagay sa kanyang Facebook account: “Life that is not consecrated to a lofty purpose is like a tree without a shadow, if not a poisonous weed.

Ang kinang at liwanag ang metaporang ginamit ni Alex sa tulang inialay niya kay Monico Atienza: “His Life Was Not Glitter But Light” :

In a nation grown enamored of the glitter of foil,

his life was not glitter but light:

a bright star, steadfast amidst the dark sky and long night

in this “country of our sorrows.”
Alex, mahal na kasama, manunulat at makata ng bayan, sa iyo na iniaaalay ang iyong mga saknong

Sa bayang sinasamba ang kinang ng palara

Ang iyong buhay ay hindi kinang, kundi liwanag

bituing matatag  sa gitna ng kadiliman at mahabang gabi,

dito sa “bayan ng ating pighati”

At maidagdag ko, “dito sa bayang ating lubos na sinisinta. “

Sa puso namin, sa puso ng sambayanan nakatayo ang iyong  bantayog: Alexander Martin Remollino: matapat na naglingkod sa mamamayan.

* * *