Union-busting sa Honda kinondena ng mga obrero


Kinondena ng militanteng mga obrero ang hakbanging “special separation program” ng kompanyang Honda Cars Philippines Incorporated, na ayon sa kanila’y isang mapanlinlang na programa na wawasak sa kanilang unyon.

Pagawaan ng Honda sa Pilipinas: nagbabalak buwagin ang unyon ng mga manggagawa? (Larawan mula sa hondaphil.com)
Pagawaan ng Honda sa Pilipinas: nagbabalak buwagin ang unyon ng mga manggagawa? (Larawan mula sa hondaphil.com)

Kinondena ng militanteng mga obrero ang hakbanging “special separation program” ng kompanyang Honda Cars Philippines Incorporated, na ayon sa kanila’y isang mapanlinlang na programa na wawasak sa kanilang unyon.

Sinimulan ng manedsment ng Honda na ialok ang “special separation program” noong Agosto 15,   na mayroong panimulang isang buwan na palugit, at pinahaba pa ng 15 araw.

Layunin ng programa na bawasan ng 30 porsiyento ang kasalukuyang lakas-paggawa na aabot sa 140-170 manggagawa. Dito aalisin ang mga manggagawang nanilbihan sa kompanya sa loob ng sampung taon. Katwiran ng manedsment, may pangangailang magkaroon ng restructuring sa lakas paggawa upang makaagapay sa one-model production ng nasabing kompanya.

Ayon sa Lakas ng Manggagawang Nagkakaisa sa Honda, kaanib na unyon ng Olalia-Kilusang Mayo Uno (LMNH-OLALIA-KMU) , dahilan lamang ng manedsment na may sobrang lakas-paggawa ang kompanya. Nais umano ng manedsment na puwersahang tanggalin ang mga manggagawa sa  pamamagitan ng nasabing programa.

“Parang icing sa isang panis na cake (ang) malaking halaga na iniaalok sa mga manggagawa na separation pay,” pahayag ng unyon.

Sinabi naman ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU, na hindi totoo ang pahayag ng Honda na sobra ang lakas-paggawa nito.

Sa ulat umano ng LMNH, aabot sa 70 estudyanteng nasa on-the-job training ng Dualtech (isang pribadong vocational training center) ang direktang lumalahok sa produksiyon at gumagampan daw ng gawain ng mga regular na empleyado ng Honda. Taliwas sa pahayag ng manedsment na sobra ang lakas paggawa nito.

Matapos umano ang 18 buwang kontrata sa Honda, papalitan sila ng ibang OJT mula sa Dualtech.  “Kapalit ng kanilang buong panahong pagtatrabaho, nakakatanggap lamang ang mga OJT ng P2,000 alawans kada buwan,” pahayag ng LMNH.

“Nangangahulugan lamang na ang special separation program ay pagbawas sa mga regular na manggagawa at upang pahinain o wasakin ang tunay at progresibong unyon,” sabi naman ni Labog.

Sinabi pa ni Labog na nais ipatupad ng Honda ang iskemang kontraktuwalisasyon at iba pang cost-cutting measure upang pahinain ang unyon.

“Hindi maitatago ng Honda ang pagkaganid nito sa mas malaking tubo sa pamamagitan ng pag-alok ng malaking halaga sa mga manggagawa bilang separation pay. Ginagamit pa nito ang islogan na corporate social responsibility upang makakuha ng mas malaking tubo mula sa mga kabataang estudyante,” sabi pa ni Labog.