PED XING

Mga Tulang Parangal Para Kay Gregorio “Ka Roger” Rosal


Naririto ang mga tula mula sa mga makata ng KM 64 na nagpapahalaga sa ambag ni Ka Roger sa larangan ng pakikibaka sa Pilipinas.

Kamakailan lang napabalita sa dyaryo, radyo at telebisyon ang paglisan ni Gregorio “Ka Roger” Rosal, tagapagsalita ng CPP-NPA.

Naging isang malungkot na balita ito sa mga tagapasunod at tagapagpataguyod ng kanyang pakikibaka. Ngunit, tulad ng pagkawala ng isang dakilang imahe, ang kanyang pagkamatay ay hindi dahilan ng pagwakas at pagwasak ng kanyang paniniwala at paninindigan.

Simula pa lamang ito ng lahat.

Naririto ang mga tula mula sa mga makata ng KM 64 na nagpapahalaga sa ambag ni Ka Roger sa larangan ng pakikibaka sa Pilipinas.

HABILIN

Stum Casia

Matayog

na bundok na
pursigido

at ubos-
kaya nating

sinisikap patagin
ang iyong inihabilin

sa amin

nang iyong tanggapin,
finally,

ang bakasyong
buong panahon mong ipinagpaliban.

At karangalan naming durugin

ang unang batong
masasalubong namin

sa daraanan.

Kasapi ng UCCP si Stum Casia, isa sa mga tagapagtatag ng Kilometer 64 Poetry Collective. May alagang pusa at isda. Tulad ng kanyang pusa, madalas siyang manood ng tv habang nakahiga sa sahig.


IKAW

Joan Zaragosa

Ikaw at ang naniningkit mong mga mata
Sa tuwing sisilay iyong mga ngiti
Ikaw at ang biloy sa iyong pisngi

Oo
Ikaw

Tinig na banayad
Ngunit klaro’t pumapagkit

Animo’y tubig
Na dumadaloy

Sa mga ilog
Humahalik

Sa mga pampang
Na mapagpalaya
Dalisay na naglalakbay

Nagdurugtong

Sa digmaan
Sa kanayunan
Sa tunggalian
Sa kalunsuran

Ulo ng balita

Batingaw kang hudyat
Ng mga pwersang

Nakikibaka

Mukha ng Rebolusyon
Sa bayang
Pagsisinungaling sa katotohanan
Ay isang relihiyon

Ikaw
At ang iyong luntiang
Balanggot
Na may nag-iisang
pulang bituin,

Namaalam,
Nang di lumilisan

Namatay,
Nang nabubuhay
Mag-uli
Paulit-ulit

Ikaw
Nanahimik na’t payapa
Ay walang katapusang
Nagsasaysay pa rin
Umalohokan
Ng mga aral
Ng kasaysayan

Ikaw,
Ikaw nga

Walang paalam, sa mga gaya mong
May tapang at tindig na di tinatablan
Ng anumang paglamlam,

Oo,
Ikaw nga

Salamat sa iyo,
Kasama.

Amazona sa bulubundukin ng Zambales. Pana-panahong manunulat. Segu-segundong mangingibig. Si Joan Zaragosa ay ipinanganak sa Kapatagan, Lanao del Norte. Apo ng Burukrata Kapitalista, anak ng Panginoong May-lupa ngunit yumakap sa uring Proletaryo. Paborito niya ang tugtugang Ska at Reggae. Kung sinunod ang mga magulang, top executive sana sya ng mga Imperyalista, empleyado ng IMF World Bank, o pasimunong imbentor ng mga Financial Bubble. Hindi niya paborito ang Math, bisyo nya ito.

HINDI SASAPAT ANG GANITO

Kislap Alitaptap

“Ito’y huling paglalaban, magkaisa ng makamtam, ng
International, ang sangkatauhan.”
-International

Hindi ka namin pararangalan,
Dahil lamang sa lawak, tayog at sukal
Ng kabundukan, kapataga’t kagubatang
Iyong itinala’t isinalarawan sa’yong talaarawan,
Hindi lamang sa ganitong kahandaan.

Hindi ka namin pagpupugayan,
Dahil lamang sa haba ng tag-ulang
Iyong hinintay at nilakbay
Upang makasalamuha ang
Sariwang liwayway ng muling paghakbang,
Hindi lamang sa ganitong kasigasigan.

Hindi ka namin tutulaan,
Dahil lamang sa mga kahinaang
Iyong iwinasto’t inigpawan,
O sa mga panayam
Na iyong tinugo’t pinaghandaan,
O sa mga pulong na ‘yong dinaluhan,
Tumawid man sa tulay na magalaw
At marurupok ang apaka’t hawakan,
Hindi lamang sa ganitong tugmaan.

Hindi lamang dahil sa kabataan
Mong hindi nalulusaw,
Hindi lamang dahil sa katuwirang
Iyong pinanghawaka’t isinabuhay,
Hindi lamang dahil sa mga pahayag
Mong kidlat na pumupunit sa kaaway,
At maamong talukbong naman ng kaulapan
Sa nakatambang na sambayanan.

Hindi lamang sa ganitong
Kaparaanan ng pag-alaala.
Hindi lamang sa  ganitong
Kalipunan ng pagkilala.
Pagka’t kailanman,
Hindi sasapat ang ganito…

Oo. Hindi sasapat ang ganito.
Kung walang mga pangalang magtatagpo
Upang sa mga laranga’y maging sulo,
Na sa pasakit at karamdama’y hindi pagugupo.

Kasama, hindi sasapat ang ganito.

Si Kislap Alitaptap ay unang naging kasapi ng Alpha Sigma Fraternity, dun rin unang namulat, hanggang sa maging kasapi ng ANAKBAYAN. Taong 2009 ay sumali siya sa Gawad Palanca, hindi nanalo. Maliban sa hilig sa pagsusulat ng tula at kuwento, mahilig din siyang magbasa, at mahilig ding makinig.


KATUTURAN

-M.J. Rafal

oo, kahit ang pinakamatatatag
na punongkahoy ay inaagawan
ng sanga, ng mga dahon.
batas ng kalikasan ang kumitil
at hindi ito mapipigil ng anuman
kahit ng dakilang larangan
ng agham at katalinuhan.

namamatay ang mga bayani
sa maraming dahilan.
maaring nadulas habang naglalakad
sa lansangan, nabagok.
maaaring habang umaawit,
isang punglo ang naligaw
sa kaniyang kaliwang mata, sabog
ang bungo. maaari ring habang lulan
ng dyip, isang kaskaserong drayber
ang nagtrip na lumanding sa pader,
at isa ang bayani sa tiyak na mapuputol
ang dakilang hininga.
hinding-hindi natin mapipigil ang kamatayan.
maaaring kitlin ng malaria ang bayani,
maaring sa cholera o sa isang epidemya.
maaring habang natutulog. maaaring
magtaksil ang puso. maaaring huminto
ang pulso.

tinatablan ng batas ng kalikasan
ang mga bayani
ngunit kaiba sa bayaning lantad ang panloob
wala silang kakaibang kapangyarihan.
payak ang lahat ng bagay ukol sa kanila.
kabisado ang mga huni ng ibon. alam
ang kaibhan ng langit sa mga umaga
at langit sa mga gabi. marunong magsaing
sa kawayan. matatag ang paa sa lakaran.
mahigpit ang hawak sa takyaran. marunong
gumapas ng talahib. sanay ang paa sa putikan.
gamay ang parang at kagubatan. payak
ang kanilang lakas. tao at tao lamang din sila.

sila ang sanga ng matatag na punongkahoy
na lumilikha ng hangin laan sa lahat ng humihingang
nilalang. tinatablan sila ng kamatayan at, oo,
nauubos din ang kanilang hininga
ngunit alam nila ang pinagsisilbihan
ng kanilang katuturan
sa sanlibutan.

Si M.J. Rafal ay mahilig tumula. Paborito niya ang linyang “Poetry, like bread, is for everyone.” ni Roque Dalton. Ilan sa mga idolo niya sa pagtula ay sina Stum Casia, Kislap Alitaptap, Pia Montalban at si Alexander Martin Remollino. Mahilig din siyang magbasa at maglakad.