Parangal na may dangal

October 23, 2011

rebyu ng Parangal kay Gregorio “Ka Roger” Rosal (21 Oktubre 2011)

Hindi ordinaryong buhay ang kay Gregorio Rosal, kahit pa ordinaryo ang kanyang pinanggalingang kwento.  Mahirap, galing sa pamilya ng magsasaka, malaking mag-anak, nagbenta ng kulambo, nagpilit makapagtapos sa kolehiyo.  Ang kaibahan sa kanyang kwento ay ang pagpiling mamulat, manindigan, at kumilos para sa kanyang paninindigan.

Kaya nang ianunsyo ng Oktubre 2011 ang kanyang pagyao, maningning na ang kanyang nakamit para sa kilusan:  apat na dekadang pagiging kasapi ng New People’s Army, tatlong dekada ng pagiging tagapagsalita ng National Democratic Front, at isang dekada ng pagiging bahagi ng propaganda commission ng Communist Party of the Philippines.

Ang kaningningan ng kanyang pakikilahok ang kabiyak na pisngi na itinampok sa parangal sa University Theater.  Ang katambal na kabiyak ay ang pagiging tao ni Ka Roger.  Sa kilusang andergrawnd na nagpapahalaga sa lihim at patagong pagkilos, ang pagkilala sa pagkatao at personahe ni Ka Roger ay hakbang tungo sa pagbibigay ng mukha ng kilusan, at kilusan ding nagbibigay-mukha sa kanyang kasapi.

Maraming sikreto ang muling naihayag, marami rin ang nahayag.  Naging tao ang rebolusyonaryo.  Naging makatao ang rebolusyonaryong kilusan.  Ang kamatayan ni Ka Roger ay naging rebolusyonaryong tapang—na ang rebolusyonaryong paninindigan at ang paninindigang maging rebolusyonaryo ay muling nareafirma sa parangal.

Kakatwa ang idea ng parangal, di ba?  Ipinagkakaloob lamang sa natatanging mga tao, at matapos ng kanilang kamatayan.  Ang natatangi ay nililikhang tao, at ang tao ay ginagawang natatangi, pero matapos nga ng kanilang pagpanaw.

Sa artikulong “Picturing the dead”, nagiging kakatwa ang fasinasyon para sa imahen ng mga sikat na taong pinatay.  Nang mamatay si Ernesto “Che” Guevara, ang kanyang nakadilat na mukha na nakapatong sa konkretong patungan sa isang labahan sa Bolivia ang ipinakalat ng diktadurya at ng Central Intelligence Agency para sabihing namatay na ang rebolusyonaryo.  Pinatay na, at nagtagumpay ang estado’t kapitalismo.

Nang patayin na parang hayop si Muammar Qadaffi, kumalat ang blow-by-blow video at imahen nito sa Internet at pahayagan.  Di pa nakuntento ang mamamayan, dinispley pa ang katawan sa isang tindahan ng karne.  Itong brutal na imahen ng kamatayan ng isang pambansang lider ang magmumulto sa susunod na hinaharap ng Libya.

Kailangang may buhay sa kamatayan, may nalalabing kwento.  Nang iburol si Ninoy Aquino, di tinakpan ang kanyang duguang katawan.  Ipinakita ito sa milyon-milyong dumalaw, at kumalat itong larawan sa mga pahayagan.  Nang mamatay si Ferdinand Marcos, ipinaembalsamo ito, nilagay sa aircon na kwarto, at idinispley.  Creepy ang imahen ng necrophilia na paghalik ni Imelda sa salamin ng eskaparate.

Nang mamatay si Cory Aquino, walang imahen ng kanyang paghina at kamatayan ang lumaganap.  Sinilyedo sa kanyang kabaong ang imahen at kwento.  Kaya ang namayani ay ang kanyang pagiging santa, ang Joan of Arc ng bansa na namuno sa pagpapatalsik sa diktaduryang Marcos.

Ang kamatayan ng isang rebolusyonaryo ay natatangi dahil nabubuhay ang kontribusyon at alaala sa pag-unlad ng mismong rebolusyonaryong kilusan.  Pinaparangalan ang rebolusyonaryo hindi dahil pinili nito ang landas na mas madalang tahakin kundi pinili nito ang landas tungo sa sangandaan ng panlipunan at historikal na pagbabago.  Sa kanyang pinagdaanan, nakabig ng buhay at kamatayan ng rebolusyonaryo ang puso ng mamamayan at kapwa rebolusyonaryo.

Ilang sandali raw bago paslangin si Che Guevara, tinanong ito ng isang sundalo kung iniisip na na niya ang kanyang imortalidad.  Ang sagot ni Che, “Hindi, ang iniisip ko ay ang imortalidad ng rebolusyon.”  Pinarangalan ang dangal ng buhay at kamatayan ni Ka Roger, na sa una’t huling usapin ay ang dangal ng buhay at kamatayan sa kilusang rebolusyonaryo.