Kuwentong Kuwadrado

Ang tunay na laban sa boksing


Palaging naihahalintulad ang propesyunal na laro ng boksing sa labanan ng mga gladiator noong panahon ng imperyo ng Roma. Sa labanan ng mga gladiator, gustong ipamalas ng imperyo kung paano dapat lumaban – at mamatay, nang may “dangal.” Nagsisilbing ehemplo ang mga gladiator para sa mga sundalo at mamamayan ng Roma kung papaano maglingkod sa imperyo at lumaban.

    "Thrilla in Manila" na labanang Muhammad Ali at Joe Frazier sa Araneta Coliseum noong Oktubre 1, 1975. Bilang promosyon sa batas militar nito, agresibong inalok ni Pang. Ferdinand Marcos ang Manila bilang benyu ng laban.
"Thrilla in Manila" na labanang Muhammad Ali at Joe Frazier sa Araneta Coliseum noong Oktubre 1, 1975. Para sa promosyon ng batas militar ng kanyang rehimen, agresibong inalok ni Pang. Ferdinand Marcos ang Manila bilang benyu ng laban.

Palaging naihahalintulad ang propesyunal na laro ng boksing sa labanan ng mga gladiator noong panahon ng imperyo ng Roma. Sa labanan ng mga gladiator, gustong ipamalas ng imperyo kung paano dapat lumaban, at mamatay, nang may “dangal.” Nagsisilbing ehemplo ang mga gladiator para sa mga sundalo at mamamayan ng Roma kung papaano maglingkod sa imperyo at lumaban.

Siyempre, entertainment din ang gladiator fights, tulad ng boksing ngayon. Buhay ang isinusugal sa boksing at gladiator fights, bagamat hindi tumatabo ng yaman ang gladiator, tulad ng nababalitang pagtabo ng US$23-Milyon ng Pilipinong boksingerong si Manny Pacquiao nitong nakaraan niyang laban.

Alipin ang mga gladiator: Naglalaban-laban para sa kanilang buhay. Ang boksing, sinasabing laro ng mahirap: Wala marahil na miyembro ng naghaharing-uri sa lipunan ang gugustuhing magpabugbog para kumita lang. Hindi nila kailangan.

* * *

HINDI nakapagtataka, kung gayon, na sikat ang boksing sa Pilipinas at magaling ang mga Pinoy dito. Bawat magaling na boksingero, nagmana ng angking pisikal na lakas, instinct sa pakikipaglaban, at kapasidad na indahin ang sakit, mula sa kung ilang henerasyon ng mga ninunong nahasa sa manwal na paggawa (manual labor).

Hindi rin nakapagtataka ang pisikal na lakas ng mga Aprikano-Amerikano. Sa propesyunal na mga boksingero, itinuturing na dalawa sa pinakamahusay sa kasaysayan sina Muhammad Ali at Joe Frazier.

Hindi ikoniko ang larawan sa itaas ng labanang Ali at Frazier noong Oktubre 1, 1975 sa Araneta Coliseum, Quezon City. Gayunman, inilalarawan nito ang katangian ng rivalry ng dalawang boksingerong heavyweight: Patas, walang nakayuko, parehong iniinda ang sakit na dulot ng isa’t isa. Ipinapakita nito ang tunay na katangian ng boksing: Parehong panalo, pero parehong talo ang dalawang naglalabang boksingero. Panalo sila dahil milyun ang kinikita nila, tanyag sila sa mundo. Pero talo sila dahil bukod sa sakit na idinudulot sa isa’t isa, hindi nila dapat kinakailangang magpalitan ng suntok. Dahil dapat magkaanib sila.

Kadalasan, sa mga pahayagan, ang ginagamit na larawan para ibalita ang tagumpay ng boksingero ay iyung larawan ng boksingerong nagwagi na nagpapakawala ng suntok sa natalong kalaban. Mapapansin ito sa paglabas ng mga diyaryo sa pagwagi, sa majority decision, ni Pacquiao kay Juan Manuel Marquez. Kahit sa online news sites, madalas na ginagamit iyung mga larawan na nakapagpakawala si Pacquiao ng suntok sa mukha ni Marquez. Kahit pa pansin ng marami na tila mas malalakas ang napakawalang suntok ni Marquez. Ayon sa mga hurado, si Pacquiao ang panalo, kaya siya ang ipapakitang wagi sa mga larawan ng mga pahayagan.

Pero sabi nga ng nakipanayam kay Pacquiao matapos ang laban, tila si Marquez na ang pinakamahirap na nakalaban ni Pacquiao. O, kung iuugnay sa larawan sa itaas, si Marquez na ang Frazier ni Pacquiao na siyang Ali. Sa nakaraang tatlong laban, halos patas at palaging kontrobersiyal, ang laban ng dalawa. Walang malinaw na panalo. Sa labanan nina Frazier at Ali, ganoon din: Umabot hanggang 14-15 rounds ang laban. Halos ikamatay ng dalawa ang laban, laluna noong 1971 sa Madison Square Garden (tinaguriang “Fight of the Century” noong nakaraang siglo) at sa Araneta Coliseum (tinaguriang “Thrilla in Manila”.) Ang mga labanang iyun ang tila nag-angat sa boksing sa istatus ng inaabang-abangang entertainment, isang kaganapan na inabangan ng mundo, at pinagkakitaan nang husto ng mga promoter, prodyuser, may-ari ng telebisyon, radyo, at iba pang midya.

* * *

TAMANG sabihing sina Ali at Frazier, at Pacquiao at Marquez, ang prized gladiators ng kapitalistang mundo ngayon. Hindi natin inaalis sa kanila ang kadakilaan at galing nila tuwing sinasabi nating kasangkapan lamang sila para aliwin at linlangin tayong madla. Pumili tayo ng papanigan: kay Ali ba o Frazier, at Pacquiao o Marquez? Itaya natin ang kakarampot na suweldo natin sa isa sa kanila. At manuod sa laban, pasibong panoorin ang bangayan ng dalawang mahusay na boksingerong nagsanay sa pananakit sa kanilang kalaban.

Minsan, dahil sa kanilang katanyagan bilang gladiator, sumasagi sa isip ng mga alipin ng imperyong Romano na gamitin nila ang katanyagang ito para sa ibang larangan. Pumasok kaya sila sa pulitika? O magbigay ng opinyon hinggil sa mga mga reyalidad ng mundo? Tiyak na hindi ito gusto ng mga emperador. Pipilitin nilang manatili ang gladiator sa loob ng colosseum. Ipagdiriwang siya bilang gladiator at wala nang iba.

Noong 1966, kakaunti ang pumalakpak kay Ali nang magsalita siya kontra sa Vietnam War at tumangging pumasok sa US Armed Forces para sa giyera. “I ain’t got no quarrel with them Viet Cong” at “No Vietnamese ever called me Nigger” ang pamosong binitawang mga salita ni Ali. Pinarusahan siya dahil dito. Hinubaran ng heavyweight boxing champion belt at pinigilang magboksing sa loob ng pitong taon. Iyan ang parusa sa aliping gladiator na nag-aastang may alam siya.

Samantala, hindi sineseryoso ng panggitna at naghaharing uri sa Pilipinas ang pakikialam ni Pacquiao sa pulitika ng bansa. Lalupa’t boses paslit si Pacquiao. Tampulan ng biro at aliw ang bawat binibitawang salita niya sa labas ng boksing. Sa ngayon, hanggang biro na lang muna ang banat sa pakikialam na ito ni Pacquiao sa pulitika. Bahagyang kinabahan ang mga malalaking negosyante’t elite sa Pilipinas nang magsalita ang boksingero para sa “P125 makabuluhang dagdag-sahod” ng mga manggagawa. Pero minsan lang ito at hindi na naulit, sa ngayon.

Larawan mula rito.