Magsasaka

‘Desisyon ng Korte Suprema sa pamamahagi sa Hacienda Luisita, ilabas na’

Hiniling ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na agarang ilabas ng Korte Suprema ang nabalitang desisyon nito kaugnay ng pamamahagi ng lupain ng Hacienda Luisita sa mga magsasaka o dating manggagawang agrikultural ng asyenda.

Magsasaka sa Hacienda Luisita: Mahigit limang dekada nang naghihintay na mapasakanila ang lupa ng asyenda. (KR Guda/PW File Photo)
Magsasaka sa Hacienda Luisita: Mahigit limang dekada nang naghihintay na mapasakanila ang lupa ng asyenda. (KR Guda/PW File Photo)

(UPDATE 24 Nob. 2011: Isinapubliko na ng Korte Suprema ang desisyong pamamahagi ng lupa ng Luisita sa mga manggagawang bukid. Basahin dito.)

Hiniling ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na agarang ilabas ng Korte Suprema ang desisyon nito kaugnay ng pamamahagi ng lupain ng Hacienda Luisita sa mga magsasaka o dating manggagawang agrikultural ng asyenda.

“Mahigit nang limang dekada na nais (ng mahigit 5,000 dating manggagawang agrikultural ng Hacienda Luisita) na mapasakanila ang lupaing kanilang sinasakahan,”  sabi ni Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng KMP, sa panayam ng Pinoy Weekly.

Sinabi ni Ramos na kailangang agarang ilabas na ng Korte Suprema ang desisyon, na unang naibalita sa Inquirer.net.

Ayon sa naturang ulat, may source sa loob ng kataas-taasang hukuman na nagsasabing bumoto na ang mga mahistrado pabor sa Motion for Reconsideration ng Presidential Agrarian Reform Council (PARC) at Alyansa ng mga Manggagawang Bukid sa Hacienda Luisita (Ambala) para ipatupad ang desisyon ng PARC na pamamahagi ng lupa.

“Lumabas na (ang ulat) sa publiko, kaya dapat ianunsiyo na ng Korte Suprema, puwede sa pamamagitan ng Midas Marquez (tagapagsalita ng Korte Suprema),” sabi pa ni Ramos.

Itinanggi sa midya ni Marquez na may desisyon na ang korte kaugnay ng TRO sa Hacienda Luisita.

Sa naturang ulat, bumoto raw ang “di-bababa sa walong mahistrado” ng Korte Suprema pabor sa pamamahagi, sa kanilang en banc session kanina (Nob. 22).

Maniobra ng angkan?

Samantala, sinabi ng kinatawan ng mga manggagawang bukid na makatwiran lamang na magdesisyon ang Korte Suprema pabor sa pamamahagi ng lupain ng asyenda.

“Nararapat lamang ang pamamahagi ng lupa dahil matagal na itong ipinaglalaban naming mga manggagawang-bukid. Pero dapat ding tandaan na gagawin ng mga Cojuangco Aquino ang lahat para mapigilan ang pamamahagi,” sabi ni Lito Bais, tumatayong pangulo ng United Luisita Workers’ Union o ULWU, sa panayam sa kanya ng Pinoy Weekly.

Sinabi pa ni Bais na kailangang masigurong hind maiimpluwensiyahan muli ng angkang Cojuangco-Aquino ang pagdedesisyon ng Korte Suprema.

“Hindi dapat bigyan ng puwang ang posibleng pagmamaniobra ng mga Cojuangco-Aquino (may-ari ng asyenda) na matagal na nilang ginagawa para ipagkait sa agricultural workers ang lupa,” paliwanag pa ni Ramos.

Sinabi naman ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano na hindi dapat makialam ang pamilya ng pangulo kung nagdesisyon nga ang Korte Suprema na ipamahagi ang lupain ng Hacienda Luisita.

Ayon pa kay Ramos, hindi rin dapat maging usapin sa pamamahagi sa asyenda ang alitan ng Korte Suprema at administrasyong Aquino kaugnay ng mga kaso laban kay dating Pang. Gloria Arroyo at pagpayag ng korte na mangibang-bansa ang huli.

“Dalawang magkaibang usapin (ang kaso ni Arroyo at ang pamamahagi sa lupa). Posisyon din ng KMP ang ‘no special treatment’ kay GMA,” ani Ramos. “Dapat panagutin (si Arroyo) sa mga kasalanan niya sa mga magbubukid at sa taumbayan.”

Dapat libre

Sinabi naman ni Joseph Canlas, tagapangulo ng Alyansa ng mga Magbubukid ng Gitnang Luzon (AMGL), na dapat igiit ang libreng pamamahagi sa lupain ng Hacienda Luisita, kung tunay na nais ng korte na mapasakamay ng mga magsasaka ang lupain.

“Maganda sana kung ipamamahagi nang libre. Ibang usapin pa kung isasailalim ang Hacienda Luisita sa Carper (Comprehensive Agrarian Reform Program with Reforms) na maaaring mamaniobra ng kasalukuyang gobyerno ni Noynoy, tulad ng ginawang pagmaniobra sa CARP para hindi tuluyang maipamahagi sa mga manggagawang-bukid ang lupa,” sabi pa ni Canlas.

Sinabi pa niya na malaki ang posibilidad na kung pabor nga sa mga manggagawang bukid ang desisyon ng Korte Suprema ay magsasampa ng motion for reconsideration ang mga Cojuangco-Aquino.

Kaya kailangang ipagpatuloy ang paggiit ng mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita ang kanilang karapatan, pagtatapos ni Canlas.

Ka Daning Ramos on reports of SC decision on Luisita by krguda

(NOTE: Na-update ang artikulo, 16:46 ng Nobyembre 22, 2011.)