Pinoy Weekly

Alarma sa Syria, pangamba sa migranteng manggagawa

Mapa ng bansang Syria sa Gitnang Silangan.

Mapa ng bansang Syria sa Gitnang Silangan.

Nakaamba ang pangamba ng air strikes anumang araw nitong linggo sa Syria, kung saan may sigalot sa pagpapatalsik sa pangulo ng bansa na si Bashar al-Assad. Kasalukuyang nasa Alert Level 4 ang bansa dahil sa kaguluhan.

Sa gitna ng kaguluhang ito, nasa alanganing sitwasyon ang maraming Pilipino na hanggang ngayon ay nahihirapan makauwi dahil sa kabiguan ng Department of Foreign Affairs at ng embahada ng Pilipinas sa Syria na pangalagaan ang kanilang kapakanan.

Sitwasyon ng Syria

Una sa lahat, binatikos ng mga Overseas Filipino Worker (OFW), sa pangunguna ng Migrante International, ang papel ng gobyerno ng Estados Unidos sa mabilis na paglala ng sitwasyon sa Syria patungo sa isang giyera-sibil. Direkta nang nakikialam ang US at mga alyado nitong gobyerno sa internal na usapin ng bansa.

“Tulad ng nangyari sa Libya, nagbuo ng koalisyon kamakailan ang Estados Unidos upang patalsikin si (Syrian President Bashar) al-Assad. Nakaamba na ang mga puwersang US-NATO (North Atlantic Treaty Organization) sa ilalim ng umano’y humanitarian mission. Pero binasbasan na ng United Nations at ng Arab League ang pagsagawa ng military at air strikes sa naturang bansa,” paliwanag ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International.

Nangangamba ang Migrante na posibleng maganap sa Syria ang nangyaring madugong interbensiyon ng US sa Libya.

“Lehitimo ang panawagan ng mga mamamayan ng Syria para sa pagbabago, na sa tingin nila ay kapaki-pakinabang sa kanilang bansa. Ngunit hindi dapat manghimasok ang anumang puwersa, at dapat hayaan ang mamamayan ng Syria na resolbahin ang kanilang mga usapin,” dagdag ni Martinez.

Nanganalampag sa gobyerno ang Migrante International para tulungan ang mga OFW na naiipit sa digmaan sa Syria. (Kontribusyon)

Nanganalampag sa gobyerno ang Migrante International para tulungan ang mga OFW na naiipit sa digmaan sa Syria. (Kontribusyon)

Hinagpis ng mga OFW

Sa isang press conference kahapon, inilahad naman ng ilang kababaihang OFW na nakauwi na sa bansa ang kanilang sinapit sa gitna ng kaguluhan sa Syria. Laman ng kanilang mga kuwento ang hirap sa pagtakas mula sa mga amo, kakulangan ng pagkain, at kawalan ng komunikasyon sa mga mahal sa buhay kahit nasa loob na ng embahada ng Pilipinas.

Ayon sa mga OFW mula Syria, hindi hinahayaan ng mga amo nila na lumabas ng bahay ang mga Pilipinong namamasukan. Salaysay ni Shelly Mae Cruz, mula Enero pa noong nakaraang taon ang kalbaryo ng mga OFW na pilit humihingi ng saklolo mula sa embahada. Ngunit nang makarating na sa embahada, doo’y tila nakakulong pa rin sila.

“Parang hinayaan na lamang kami roon na halos walang makain.’ Yung iba halos isang taon na doon at hindi pa rin makauwi,” aniya.

Kuwento ng mga OFW, kaunti ang rasyon sa pagkain na ibinibigay ng embahada, paminsa’y naghahati-hati pa sila sa isang maliit na piraso ng manok. Noong isang beses, nakakain pa sila ng panis na luncheon meat. “Mahirap po talaga. Makakain mo na talaga ang mga hindi mo naman talaga kinakain,” kuwento ni  Elizabeth Golong.

Sa pagtindi ng giyera sa Syria, lalong nanganganib ang mga Pilipino na nagtatrabaho roon, ayon sa Migrante.

Sa pagtindi ng giyera sa Syria, lalong nanganganib ang mga Pilipino na nagtatrabaho roon, ayon sa Migrante.

Pahirapan rin sa komunikasyon dahil kinumpiska ng mga amo ang cellphones ng mga OFW. Ikinuwento ni Arnulfa Duenas na hindi niya halos nakakausap ang kanyang anak na si Analyn, na hanggang ngayo’y nasa Syria.

Tanong ni Martinez, “Bakit hindi ipinahiram ng ating embahada ang kanilang kagamitan upang magamit sa komunikasyon ng ating mga kababayan?”

Pinakamasaklap ang kuwento ni Jocelyn Orpiada, na nakasama sa deportation center ang isang kababayan na biktima ng gahasa. “Noong nakuha niyang makalabas upang makapunta sa embahada, at sumakay ng taxi, ginahasa pa siya ng drayber at itinapon na lang sa isang mataong lugar sa Damascus. Mabuti at may nagmalasakit na tulungan siya at dinala siya sa ospital,” aniya.

Umano’y walang imbestigasyon na nangyari at hindi na nahuli pa ang nanggahasa sa nasabing Pilipina.

Katuwiran ng DFA

Binatikos ni Martinez ang DFA sa di-maayos na pagtrato sa mga OFW sa Syria, bukod pa sa kakulangan sa pagsasaayos ng mga papeles at mabilis na pagpapauwi sa Pilipinas ng ito.

May deployment ban sa Syria simula pa noong 2009. Ngunit sa tantiya ng Migrante, may mahigit 18,000 na mga Pilipino ang nakapasok pa rin dito nang ilegal.

Sa pag-uusap ng mga kinatawan ng Migrante at ilang kaanak ng mga OFW kay Ricardo Endaya,  Executive Director ng Office of the Undersecretary on Migrant Workers Affairs-DFA, lumalabas na may pondo ang departamento para mabili ang remaining contract ng mga OFW na inabutan ng deployment ban.

Ngunit lumalabas na nagpatuloy ang kanilang pagtatrabaho sa bansa. Lumalabas din na nabigyan ng “working permit” ng embahada ang mga manggagawang Pilipino na ilegal.

Inilahad rin ni Endaya sa pulong na may  1096 na OFW ang pinoproseso na makauwi. Siniguro ni Endaya na may kaukulang badyet para sa airfare ng pauuwiing mga manggagawa. Umaabot ng $2,000 hanggang $4,000 sa bawat OFW ang kabuuang deployment cost.

Ngunit napupuna ng Migrante  panaka-nakang pagpapauwi ng mga OFW na umano’y dahil sa mabagal na pagpoproseso at kakulangan sa badyet. Dalawang batch pa lamang, na may kabuuang 798, ang nakakauwi na ng bansa.

Umano’y itinatanggi rin ni Endaya na kumalat na ang giyerang sibil sa buong Syria at kailangan ng puspusang pagpapauwi sa mga Pilipino. Sa ngayon, mayroon lamang repatriation efforts para sa mga Pilipino na nasa mga siyudad ng Homs, Hama, Idlib at Daraa.

Sinalubong naman ito ni Martinez. “Sinasabi nila na ‘payapa’ at ‘hindi naman magulo’ sa ibang mga lugar, kahit na may mga kababayan tayong nakapagparehistro na para umuwi. Hihintayin pa ba nating kumalat sa ibang lugar ang karahasan? Ano pa pala ang basehan ng Alert Level 4 sa buong bansa ng Syria?”

Panawagan ng tulong

Hinamon ni Martinez si Pang. Benigno Aquino III na kagyat na maglabas ng posisyon hinggil sa sitwasyon sa Syria, para na rin sa kapakanan ng libu-libong Pilipinong naiiwan doon. “Kung saka-sakaling sumuporta si Pangulong Aquino sa hakbang ng Estados Unidos, at hindi siya maglabas ng posisyon na kontra rito, parang siya na rin ang naggawad ng kamatayan sa ating mga kababayan na maaaring matamaan ng mga bomba mula sa mga dayuhang puwersa,” aniya.

Simple lamang ang panawagan ng mga nanggaling sa Syria at sariwa pa sa alaala ang pinagmulang kaguluhan. Pagmamakaawa ni Elizabeth, “Nananawagan kami sa gobyerno na tulungan ang mga naiwan pa sa Syria laluna yung mga hindi pa nakakalabas ng bahay at hindi pa nakakagawa ng paraan para pumunta sa embahada.”

Puna rin ng Migrante, ni wala man lang ibinigay ang DFA na financial assistance para sa mga OFW na walang naiuwi kundi ang kanilang mga sarili.  Bukod pa rito ang kawalan ng tunay na reintegration program na magbibigay sa kanila ng trabaho.

“Hindi kami magsasawang kalampagin ang gobyernong Aquino na walang suporta sa mga Pilipinong naiipit sa kaguluhan sa ibang bansa, at walang pakialam sa kawalan ng kabuhayan sa sariling bansa,” sabi ni Martinez.

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=18114

Darius Galang Posted by on Feb 9 2012. Filed under Features, OFW. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Loading Twine Social
Log in | Designed by Gabfire themes