Pinoy Weekly

Dagdag-bayad sa PhilHealth, kinondena ng sektor pangkalusugan

Piket ng mga manggagawang pangkalusugan sa tanggapan ng Philhealth. (Pher Pasion)

Piket ng mga manggagawang pangkalusugan sa tanggapan ng Philhealth. (Pher Pasion)

Kinalampag ng mga kawaning pangkalusugan, kasama ang kanilang mga pasyente at kaanak, ang tanggapan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa Pasig City sa nakaambang pagtaas ng premium na aabot sa 100 hanggang 160%.

“Kung ang PhilHealth ay talagang para sa kapakanan ng mga mamamayan, dapat magpokus ito higit sa pagpapabuti at pagpapalawak ng sebisyo nito kesa magpatupad ng dagdag na pasanin sa mga mahihirap,” pahayag ni Dr. Geneve Rivera-Reyes, pangkalahatang kalihim ng Health Alliance for Democracy (HEAD).

Ayon kay Reyes, mula sa P1,200 kada taon na bayad sa PhilHealth ay magiging P2,400 na ang babayaran ng karaniwang mga miyembro. Sa mga Overseas Filipino Workers (OFW), mula P900 magiging P2,400 na ito, at 3% naman sa basic pay ang kakaltasin sa mga empleyado na di bababa sa P2,520 at maaaring aabot hanggang P18,000 kada taon.

Inaasahang maapektuhan nito ang lahat ng mga miyembro ng PhilHealth, kabilang na ang mga (1) sponsored program (Department of Social Welfare and Development); (2) partial subsidy scheme (local government units); (3) individually paying and overseas workers program; at (4) employed sector.

Sabi pa ni Reyes, obligasyon ng gobyerno na tugunan ang batayang serbisyo para sa mga mamamayan tulad ng kalusugan. Sa halip na pigain ang mga mamamayan na magbayad ng dagdag na premium, mas nararapat umano na dagdagan ang badyet ng pampublikong mga ospital para makatugon sa pangangailangan ng mga mamamayan lalo na ang mga mahihirap.

Sa datos ng HEAD, tinatayang 30% lamang ang sinasagot ng PhilHealth sa bayarin sa ospital. Kulang ang badyet ng mga ospital ng gobyerno, madalas wala o kulang ang gamot at kagamitan sa laboratory ang ospital, kaya kailangan pa ring maglabas ng pera ang pasyente.

“Dahil kakarampot ang ibinibigay ng gobyerno sa sektor ng kalusugan, pinapasan ito ng taong bayan. Halos doble-doble kung hindi triple-triple ang binabayaran ng mga mamamayan sa porma ng mga buwis at kulang o kung hindi man walang serbisyong pangkalusugan ang natatamasa ng mamamayan na kanilang batayang karapatan,” ayon kay Dr. Julie Caguiat ng Community Medicine Development Foundation o Commed, sa panayam ng Pinoy Weekly.

Ayon sa HEAD, sa 17 taon ng PhilHealth, hindi nito napatunayan na ang kapakanan ng mga mamamayang Pilipino ang nasa pinaka-interes kundi nasa kita nito. Hinamon ng HEAD ang administrasyong Aquino na tugunan ang obligasyong tiyakin ang kalusugan ng mga mamamayan.

“Kung ang agenda ng administrasyong Aquino sa kalusugan ay hayaan ang PhilHealth na pasanin ng mga mamamayan—hindi ito unibersal na pangangalaga sa kalusugan kundi pagpapabaya ng estado. Tulad ng pribatisasyon, ang PhilHealth ay hindi solusyon sa problema natin sa kalusugan,” ani Reyes.

Paliwanag pa niya, kaakibat ng programang Public-Private Partnership (PPP) ng administrasyong Aquino ang dagdag na singil sa PhilHealth. Dito umano pinapapasok ang pribadong kapitalista sa pagnenegosyo sa serbisyong pangkalusugan, habang patuloy na kinakaltasan ang badyet pangkalusugan.

Nananawagan ang sektor pangkalusugan ng pagkilos ng mga mamamayan sa Pebrero 14 upang labanan ang kaltas-benepisyo, tutulan ang dagdag premium sa PhilHealth, at igiit ang pagdadag sa badyet pangkalusugan.

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=18203

avatar Posted by on Feb 12 2012. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

1 Comment for “Dagdag-bayad sa PhilHealth, kinondena ng sektor pangkalusugan”

  1. panibagong source of corruption lang ang kalalbasan ng bagong pabagat balikat na yan!! ok lang sana kung totoong bayan ang mamayan at mahihirap na walang pambayad sa pagpapagamot ay tunay na makikinabang at hinde limos lamang. pero imposible na sa paningin ko NA WALANG CORRUPTION.

Leave a Reply

Multimedia

Pinoy Print Issues

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Log in | Designed by Gabfire themes