Magpalakas tayo ng resistensiya!


Para mahusay na tugunan ang ating mga tungkulin, kinakailangan rin bigyang-pansin ang pagpapalakas ng ating katawan.

Bagong taon na at nagbabalik-trabaho at eskwela na rin ang kalakhan. 

Liban sa posibleng paparating na stress dulot ng trabaho at pag-aaral, maaaring makaapekto sa ating kalusugan ang lamig ng panahon na kasalukuyang nararanasan.

Para mahusay na tugunan ang ating mga tungkulin, kinakailangan rin bigyang-pansin ang pagpapalakas ng ating katawan.

Narito ang ilan sa mga epektibong paraan para palakasin ang iyong resistensiya: 

  1. Bigyang atensiyon ang pagkain nang balanse. Tiyakin na kumain ng prutas, gulay, lean proteins, whole grains at healthy fats. Manatili ring umiinom ng tubig sa buong araw. Bantayan rin ang pagkain ng sobrang processed food at asukal. Bigyang-pansin rin ang pagkain na may prebiotics katulad ng bawang at sibuyas. 
  2. Tiyakin ang kalidad ng iyong tulog. Sikapin na matulog ng pito hanggang siyam na oras kada gabi. Magkaroon ng regular na iskedyul sa pagtulog at mag-relax bago matulog. Maaari ring iwasang gumamit ng mga gadget 30 minuto bago matulog.
  3. Mag-ehersiyo nang regular. Minimum na 30 minuto na paggalaw ang maaaring gawin. Maaaring maglakad, magbike at/o yoga sa bahay para maigalaw ang iyong katawan. Kung matagal ang pagkakaupo, maaaring tumayo at mag-unat-unat nang ilang minuto bago bumalik sa trabaho.
  4. Panatilihin ang tamang timbang. Ang sobrang timbang ay maaaring makaapekto sa immune function, kaya’t panatilihin ang wastong timbang sa pamamagitan ng balanseng diyeta at ehersisyo. 
  5. Alamin ang mga bagay na nakaka-stress sa’yo. Mahalaga ito para alam mo rin paano kokontrolin o maiiwasan. Maaaring magpraktis rin ng mga pamamaraan para ma-relax ang iyong sarili katulad ng paghinga nang malalim o meditation. Alamin rin ang mga aktibidad kung saan ka sumisigla.
  6. Iwasan ang mga aktibidad na nakakasira sa iyong katawan. Limitahan o iwasan ang pag-iinom ng alak at paninigarilyo dahil may mga sangkap ang mga ito na nakakapagpahina ng ating immune system.
  7. Magpabakuna. Ang mga bakuna ay tumutulong sa immune system na labanan ang partikular na mga sakit. Siguraduhing updated ka sa mga inirerekomendang bakuna. Maaaring kumonsulta sa doktor o sa pinakamalapit na health center.
  8.  Uminom ng mga vitamin supplement. Ang mga supplement tulad ng Vitamin C at Vitamin D ay maaaring makatulong, ngunit kumonsulta muna sa doktor bago magsimula ng bagong supplement. Maganda rin na kumain ng mga pagkaing mayaman sa bitamina tulad madahong gulay at prutas.

Ang pagpapatibay ng immune system ay nangangailangan ng oras, kaya’t maging masipag at tuloy-tuloy sa pagsunod sa mga habit na ito.