Halamang gamot para sa mga karaniwang sakit


Narito ang ilang halamang gamot na maaaring magsilbing paunang lunas sa karaniwang karamdaman.

Patuloy na tumataas ang mga gastusin ng bawat tahanan. Mula sa mahal na presyo ng pagkain, pagtaas ng matrikula, taas-singil ng kuryente at tubig, pati na serbisyong pangkalusugan at mga gamot. Sa gitna ng ganitong kalagayan, lalong sumisikip ang espasyo para sa mga pamilyang kapos na sa kita.

Ang soberanya sa pagkain ay hindi maihihiwalay sa soberanya sa kalusugan. Habang ang sistemang pangkalusugan ng estado ay patuloy  na nasasangkot sa mga isyu ng korupsiyon, ang eskandalo sa flood control at palyadong edukasyon, patuloy ding tumataas ang presyo ng mga komersiyal na gamot. Nanatili ring limitado ang akses ng  mamamayan sa serbisyong medikal. Dahil dito, napipilitang gumawa ng mahirap na pasya ang maraming pamilya.

Napipilitan silang tiisin muna ang karamdaman hanggang kaya. May mga pagkakataong pinipili na lang nilang huwag ng magpagamot dahil sa kawalan ng akses sa serbisyong pangkalusugan at ayudang medikal. Ang mamamayan ang laging namamaluktot sa maiksing kumot sa kapalpakan ng pamahalaan na magbigay ng mga pangunahing serbisyo.

Dagdag pa rito ang pabago-bagong panahon na may malinaw na epekto sa kalusugan. Sa biglaang init at ulan, madaling dapuan ng sipon, lagnat, ubo at iba pang sakit. Sa kabila nito, may mga halamang gamot na maaaring magsilbing paunang lunas sa karaniwang karamdaman.

Narito ang ilang halamang pamilyar na ang lahat at maaari ring itamin sa tahanan.

Kilala at nakasanayan na ang oregano ng ginagamit sa tuwing magkakaubo at sipon. Naalala ko noong bata ako na laging ito ang aming gamit. Mahalaga na pitasin ito sa umaga, habang may hamog pa ito. Maaari itong gawing mainit na tsaa o kunin ang katas at inumin na parang gamot na syrup.

Maaaring dikdikin ang mga dahon hanggang may makuhang katas, ilagay sa isang kutsara lagyan ng honey at pigaan ng kalamansi. Ito’y may anti-inflammatory at antimicrobial na katangian na maaaring makatulong sa ubo at sipon. 

Hindi lang kilala ang luya sa pagpapaganda ng boses, kilala rin itong tradisyonal na halamang gamot na pampaluwag ng daanan ng hangin sa baga at pantulong sa ubo at sipon. May anti-inflammatory, antiviral at expectorant properties ang halamang ugat na ito na madalas ding gamitin sa pagluluto.

Sa paraan ng paggamit, magdagdag ng isang kutsarang hiniwang sariwang luya sa isang tasa ng kumukulong tubig. Hayaan ito sa loob ng ilang minuto at lagyan ng kaunting honey at pigaan ng kalamansi. Inumin ito bilang salabat ilang ulit sa maghapon.

Ang kalamansi ay isang mabisang sangkap para sa pagtunaw ng makapit na plema na may kasamang ubo at sipon. May antibacterial properties at mataas sa Vitamin C na nagpapalakas ng kakayahan ng katawan na labanan ang impeksiyon.

Ang nakasanayan namin sa pag-inom nito ay inilalagay nang buo sa apoy ng stove hanggang maluto. Pigain ang kata kapag naluto na. Maaaring lagyan ng honey at inumin tuwing umaga. Maaari rin maghiwa ng kalamansi, lagyan ng kaunting asin at sipsipin ang katas nito. Makatutulong ito para mailabas ang plema.


Ang pagkakaroon nito sa bakuran ay maaaring makatulong sa mga pangkaraniwang karamdaman. Hindi nito mapapalitan ang responsibilidad ng estado, ngunit nagsisilbi itong paaala na sa harap ng kabulukan ng estado, patuloy na kumikilos ang mamamayan upang pangalagaan ang sariling kalusugan at kabuhayan.