Pinoy Weekly

Military gang rape at pambibitag ng Oplan Bayanihan

Piket ng grupong Gabriela sa harap ng himpilan ng Armed Forces of the Philippines para kondenahin ang karahasan ng militar sa kababaihan at bata (Ilang-Ilang Quijano)

Malapit nang makalabas sa National Center for Mental Health (NCMH) ang 17-anyos na dalagang si Mutya*. Pinagpapasalamat ng ama ni Mutya na kahit papaano’y umayos na ang kalagayan ng kanyang anak, matapos ang limang buwan sa pagamutan. Nawala sa sarili si Mutya dulot ng umano’y panggagahasa sa kanya ng tatlong sundalo sa loob mismo ng kampo ng 16th Infantry Battalion sa Baras, Rizal.

“Pagbisita ko noong Lunes, nakilala na niya ako,” kuwento sa Pinoy Weekly ni Omeng*, ama ni Mutya. Pero nagsisimula pa lamang ang kanilang laban para sa hustisya.

Dumulog ang pamilya ni Mutya sa grupong Gabriela dahil sa hindi umano pag-usad ng kasong isinampa laban sa mga sundalo. Ang kaso ng panggagahasa ni Mutya ay ang pangalawang kaso ng gang rape sa loob ng kampong militar na idinulog sa Gabriela ngayong buwan, bagay na lubhang ikinabahala ng grupo ng kababaihan.

Panggagahasa kay Mutya

Noong Okt. 16, 2011, inimbitahan ni Pfc. Alexander Barsaga ang biktima sa isang Christmas party sa loob ng kampo ng 16th IB sa Sitio Galaxy, Brgy. Pinugay. Isang sundalo ang bayaw ng bata kaya’t pinayagan ng lola ni Mutya ang kanyang apo na sumama kay Barsaga sa loob ng kampo. Pinasama din niya kay Mutya ang kanyang lalaking pinsan at kapitbahay, kapwa mga menor-de-edad.

Pagdating sa kampo bandang alas-3 ng hapon, dinala ni Barsaga ang tatlong bata sa kubo ni Private Rocky Domingo. Doon, pinakain sila ng cake. Ayon kay Omeng, noong kumakain pa lamang sila ay hinihipuan na ni Barsaga si Mutya. Matapos kumain, pinainom ang mga bata ng tubig ng isa pang sundalo, si Pfc. Ronnie Castro. Pagkainom, nahilo silang lahat at nawalan ng malay. Pasado alas-6 na nang sila ay magkamalay. Ayon sa sinumpaang salaysay ng pinsan ng biktima, tila “tulala” na si Mutya.

Pagdating sa bahay, napansin ng kanyang lola na walang imik si Mutya. Kinabukasan na nang makita ang kanyang underwear na puno ng dugo. Ayon sa kopya ng eksameng mediko-legal na ipinakita sa Pinoy Weekly, may mga sugat si Mutya sa maseselang bahagi ng katawan na indikasyon ng panggagahasa.

Limang araw matapos ang insidente, dinala na si Mutya ng kanyang mga kaanak sa NCMH. “Nawala na siya sa katinuan. Nagwawala siya, paulit-ulit lang niyang sinasabi na ‘binaboy’ siya,” ayon kay Omeng. Kuwento ng ama, hindi siya makilala ng kanyang anak, na lagi lamang kinakausap ang sarili, noong unang mga buwan sa pagamutan.

Noong Nobyembre 4 pa sinampahan ang tatlong sundalo sa Morong Regional Trial Court ng kasong panggagahasa. Hinaing ni Omeng, hanggang ngayon ay wala pang ipinapatawag na pagdinig ang korte.

Hindi rin nakakulong ang mga akusado, bagkus ay naka-restrict lamang sa barracks sa Camp Capinpin, himpilan ng 2nd Infantry Division sa Tanay, Rizal. Mayroon pang mga bali-balita na paminsa’y nakikita pa ring naka-duty ang mga sundalo.

Idinagdag niya na inalok ng militar ang pamilya ng P300,000 para ibasura ang kaso.  Pero desidido ang pamilya na makamit ang hustiya. “Tiyak na gagawin ulit ang krimeng ito sa ibang kababaihan kapag hindi sila naparusahan,” sabi ng ama ni Mutya.

AFP, ‘nagkakanlong’ ng kriminal

Sa isang piket sa tapat ng himpilan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Camp Aguinaldo, binatikos ng Gabriela at mga grupong pangkarapatang pantao ang karahasan sa kababaihan at bata ng militar.

Erlinda Cadapan, ina ng nawawalang estudyanteng si Sherlyn na ginahasa ng militar (Ilang-Ilang Quijano)

Naroon si Erlinda Cadapan, ina ng nawawalang estudyante na si Sherlyn Cadapan na dinukot ni Maj. Gen. Jovito Palparan, na ngayo’y nagtatago dahil wanted para sa kasong kidnapping. Ginahasa si Sherlyn sa kamay ng mga tauhan ni Palparan.

“Dapat panagutin ang AFP, na siyang sentro ng machismo at karahasan laban sa kababaihan at bata, na siyang nagkakanlong sa mga kriminal gaya ni Palparan,” ayon kay Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Idinagdag pa ni Linaban na maaaring sisihin sa mga kaso ng gang rape sa loob ng kampong militar ang Oplan Bayanihan, programang kontra-insurhensiya ng gobyernong Aquino. Bahagi umano ng taktika ng Oplan Bayanihan para suyuin ang “puso at isipan” ng mga komunidad ang pagpapapasok ng mga sibilyan sa mga kampo, at pagkakampo mismo sa mga komunidad. “Nagiging bulnerable ang kababaihan at bata sa ganitong taktika ng pambibitag o panloloko,” aniya.

Noong Pebrero 2, inimbita sa loob ng kampong militar sa Aroroy, Masbate si Lilia*, isang 21-anyos na biktima ng panggagahasa. Pitong sundalo ng 9th Infantry Division, sa pangunguna ni Corporal Gilbert Quinito, ang umano’y gumahasa sa dalaga matapos malasing sa isang inuman.

Sinampahan na ng kasong panggagahasa ang mga sundalo sa Provincial Prosecution Office sa Masbate City. Naka-restrict sa barracks ang mga akusado. Pahayag ni Major Angelo Guzman, tagapagsalita ng 9th ID, nagsasagawa na rin ang Philippine Army ng sariling imbestigasyon sa kaso.

Pero duda ang Gabriela na may kahinatnan ang imbestigasyon ng militar, na kilala sa pagkakanlong ng mga kriminal sa kanilang hanay. Gayunpaman, pinuri ng grupo sina Mutya at Lilia para sa kanilang kahandaan na lumaban.

“Nananawagan kami sa publiko na suportahan ang mga biktimang ito hanggang sa maparusahan ang mga may-sala at mapanagot ang AFP bilang isang institusyon kung saan ang mga rapist at mamamatay-tao gaya ni Palparan ay pinoprotektahan,” sabi ni Libanan.

*Pinalitan ang pangalan para protektahan ang identidad ng mga biktima

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=18358

Posted by on Feb 23 2012. Filed under Kababaihan, Lathalain. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes