Pinoy Weekly

Obrero ng RC Cola umalma sa tanggalan, tangkang pagbuwag sa unyon

Nagpiket  ang mga manggagawa ng RC Cola sa harapan ng tanggapan Dole-Rizal sa Cainta upang iprotesta ang pagbinbin ng Dole sa kanilang Certification Election. Kanila ring kinondena ang manedsment ng RC Cola sa diumano'y ilegal na pagtanggal sa mga manggagawang opisyal ng unyon.  (Macky Macaspac)

Nagpiket ang mga manggagawa ng RC Cola sa harapan ng tanggapan Dole-Rizal sa Cainta upang iprotesta ang pagbinbin ng Dole sa kanilang Certification Election. Kanila ring kinondena ang manedsment ng RC Cola sa diumano'y ilegal na pagtanggal sa mga manggagawang opisyal ng unyon. (Macky Macaspac)

Umalma ang mga manggagawa ng RC Cola Philippines na may planta sa Antipolo, Rizal dahil sa diumano’y ilegal na pagtanggal sa limang manggagawa na kasapi ng unyon.

Ayon sa Kilusang Mayo Uno,  noong Agosto 2011 pa nagsampa ng  pagkilala (recognition) sa Department of Labor and Employment (DOLE)-Region IV-A ang unyong Samahan ng mga Manggagawa sa RC Cola (Smarc). Ngunit hanggang sa kasalukuya’y hindi pa rin kinikilala ng DOLE ang unyon.

Sa loob umano ng tatlong buwan matapos magsampa ng pagkilala ang unyon, sinimulan naman ng manedsment na tanggalin ang limang opisyal nito.

“Nakabinbin dito sa DOLE ang CE (certification election) namin noon pang Agosto 2011. Kinukuwestiyon nila yung charter namin at affiliation,”  ani Bernard Hipolio, pangulo ng Smarc.

Ayon kay Hipolio, kinukuwestiyon umano ng DOLE ang pagkakaanib ng unyon sa Association of Nationalist ang Genuine Labor Organization (Anglo), isang pederasyon sa ilalim ng KMU.

“Namatay na daw kasi si Ka Ben Perez (dating pangulo ng Anglo na namatay noong Hunyo 2011), at kahit yung pumalit na si  Henry Huesca (ay) kinukuwestiyon nila.  Kaya tumatagal ang CE namin,” sabi pa ni Hipolio.

Sa kanilang protesta at pakikipagdiyalogo sa DOLE-Rizal, nangako umano ang  mga taga-Dole na bibigyang pansin at ipapasa sa DOLE -Calamba ang usapin hinggil sa CE ng unyon.

Ipinaglalaban ng mga mangagawa ang bagong tayong unyon sa RC Cola Philippines sa pamamagitan ng pagsampa ng Certification Election sa Department of Labor and Employment. Ngunit mula noong Agosto 2011, di pa rin inaaksiyunan ng naturang ahensiya ng gobyerno ang kanilang panawagang kilalanin ang unyon. (Macky Macaspac)

Ipinaglalaban ng mga mangagawa ang bagong tayong unyon sa RC Cola Philippines sa pamamagitan ng pagsampa ng Certification Election sa Department of Labor and Employment. Ngunit mula noong Agosto 2011, di pa rin inaaksiyunan ng naturang ahensiya ng gobyerno ang kanilang panawagang kilalanin ang unyon. (Macky Macaspac)

Ngunit habang  inaayos ang kanilang CE,  tinanggal naman  ang limang opisyal ng unyon simula noong Setyembre.

Isa si Joselito Natan,  sales assistant 1 (delivery) na kahit pitong taon nang naglilingkod sa RC ay tinanggal pa rin ng manedsment dahil sa pagtanggi niya sa second shift na magdeliber  kahit lampas na sa kanyang  takdang oras.

“Nasiraan kasi ang trak ko, alas-siyete na ng gabi ako nakabalik, pinipilit nila akong mag-second shift,”  kuwento ni Natan sa Pinoy Weekly.  Dagdag ni Natan, kinabukasan kinasuhan na siya at tinanggal ng manedsment.

Ganito rin ang kuwento ni Laurenio Custodio, na isa din tagadeliber.  Sa kanyang kuwento,  matapos umano ang kanyang unang pagdeliber,  kinausap niya ang namamahala ng mga delivery at sinabing hindi na siya magpapangalawang deliber dahil maghahanap siya ng perang pambayad sa upa ng kanilang tirahan.

Nang malaman ng mga supervisor, kinausap umano siya at nang tumanggi, kinasuhan siya ng insubordination at tinanggal.

Kasalukuyang nasa National Labor and Reconciliation Board o NLRC ang kasong illegal dismissal na isinampa ng dalawa kasama ang tatlo pa nilang kasamahan.

Sinabi pa ni Hipolio na karamihan umano sa mahigit 200 manggagawa ng RC Cola ay tumatanggap lamang ng P315 na sahod (tulad ni Natan), bagamat ang itinakdang minimum na sahod para sa rehiyong IV-A ay P337.

“Ipinagkakait sa amin ang minimum na sahod. Samantalang ang minimun na sahod sa Rizal ay mas mababa ng P100 kaysa sa sahod sa Metro Manila, sa kabila ng ilang kilometro lamang ang layo (rito) ng National Capital Region,” ani Hipolio.

Kalakhan ng sapi (major share) ng RC Cola ay pag-aari ng negosyanteng si Alfredo Yao na may-ari din ng Zest-O Corporation at pinakamalaking stockholder  ng Zest Airways.  Noong 2009, nakapagtala ang RC Cola ng P160-Milyong kita.

Nanawagan ang mga manggagawa na kagyat na kilalanin ang kanilang unyon at maibalik ang mga tinanggal na manggagawa.

“Hindi kami susuko sa harassment at pananakot ng kompanya. Nananawagan din kami sa kapwa namin mga manggagawa at mamamayan na suportahan ang aming laban na kilalanin (ng DOLE) ang aming unyon at labanan ang illigal dismissal sa aming hanay,” ani Hipolio.

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=18237

Macky Macaspac Posted by on Feb 16 2012. Filed under Balita, Manggagawa. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

1 Comment for “Obrero ng RC Cola umalma sa tanggalan, tangkang pagbuwag sa unyon”

  1. [...] Obrero ng RC Cola umalma sa tanggalan, tangkang pagbuwag sa unyon | Pinoy Weekly. Share this:TwitterFacebookLike this:LikeBe the first to like this post. By toyotaworkersstruggle • Posted in Post 0 [...]

Leave a Reply

Follow and Subscribe

Features

Multimedia

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Loading Twine Social
Log in | Designed by Gabfire themes