Pambansang Isyu

Pinal na desisyong ipamahagi ang Hacienda Luisita, hiniling ng iba’t ibang sektor


Dumulog ang mga grupo ng iba’t ibang sektor, sa pangunguna ng Gabriela, sa Korte Suprema para hilingin paglabas ang pinal na desisyong kagyat na ipamahagi sa mga manggagawang bukid nito ang lupain ng Hacienda Luisita. Nanawagan silang ibasura ng Kataas-taasang Hukuman ang motion for reconsideration ng Hacienda Luisita, Inc. hinggil sa naturang desisyon.

Kasama ng iba't ibang sektor ang mga manggagawang bukid ng Luisita sa pangunguna ng United Luisita Workers' Union o ULWU. (KR Guda)
Hawak ng mga lider-militante ang kanilang liham sa Korte Suprema. HIniling nila sa korte na agarang ilabas na ang pinal na desisyon sa pamamahagi ng lupain ng Hacieda Luisita sa mga manggagawang bukid. (KR Guda)
Hawak ng mga lider-militante ang kanilang liham sa Korte Suprema. Hiniling nila sa korte na agarang ilabas na ang pinal na desisyon sa pamamahagi ng lupain ng Hacieda Luisita sa mga manggagawang bukid. (KR Guda)

Dumulog ang mga grupo ng iba’t ibang sektor, sa pangunguna ng Gabriela, sa Korte Suprema para hilinging ilabas na nito ang pinal na desisyong ipamahagi  sa mga manggagawang bukid ang Hacienda Luisita.

Nanawagan silang ibasura ng Kataas-taasang Hukuman ang motion for reconsideration ng Hacienda Luisita, Inc. hinggil sa naturang desisyon.

Sinabi ni Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, na habang tumatagal ang paglabas ng pinal na desisyon ay nagkakaroon ng puwang ang pamilyang Cojuangco-Aquino para “masabotahe” ang pamamahagi ng Luisita.

“Malinaw na sinasakyan ni Aquino ang impeachment trial kay (Chief Justice Renato) Corona sa motibong maghiganti dahil sa desisyon ng Korte Suprema ukol sa Hacienda Luisita. Kaya’t  marapat lang na mas igiit sa korte ang pagpinal ng kanilang desisyon at biguin ang mga banta at maniobra ng pamilya Cojuangco-Aquino at ng administrasyong Aquino,” sabi pa ni Linaban.

Sa binigay na liham sa Korte Suprema, nanawagan ang militanteng mga grupo na kagyat na ibasura ang naturang mosyon ng pamilyang Cojuangco-Aquino, na naghahabol ng “makatwirang kompensasyon (“just compensation”) kapalit ang asyenda sa halagang P10-Bilyon.

Kasama ng Gabriela na nagprotesta sa harap ng korte ang iba’t ibang grupo tulad ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Kilusang Mayo Uno (KMU), Anakbayan, Health Alliance for Democracy (HEAD), Migrante International, Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage), at iba pa.

Kasama rin nila ang mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita, na nakaranas ng panghaharas mula sa mga security guard ng RCBC, pulis at militar sa asyenda noong Pebrero 20. (Panoorin ang bidyo ng GMA-7)

Kasama ng iba't ibang sektor ang mga manggagawang bukid ng Luisita sa pangunguna ng United Luisita Workers' Union o ULWU. (KR Guda)
Kasama ng iba't ibang sektor ang mga manggagawang bukid ng Luisita sa pangunguna ng United Luisita Workers' Union o ULWU. (KR Guda)

“Dapat tingnan ng Korte Suprema ang motion for reconsideration na sinampa ng mga Cojuangco-Aquino bilang oportunidad para itaguyod ang interes ng mga manggagawang bukid ng Luisita,” sabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Karagdagang hiling ng KMU ang libreng pamamahagi ng Luisita sa mga manggagawang bukid. Nanawagan din si Labog na isama sa saklaw ng pamamahagi ang 500-ektaryang lupaing “ilegal” umanong binili ng RCBC mula sa Hacienda Luisita, Inc.

Dagdag pa niya, kailangan ding magbayad ang mga Cojuangco-Aquino sa mga manggagawang bukid dahil sa pagkamal nila ng kita mula sa pagbenta ng mga lupain sa mga korporasyong tulad ng RCBC.

Ipinanawagan din ng KMU sa Korte Suprema na ideklarang unconstitutional (labag sa Saligang Batas) ang Stock Distribution Option sa lahat ng asyenda sa buong bansa.

“Sobra-sobra nang kompensasyong maituturing ang kinamal na tubo ng mga Cojuangco-Aquino mula sa pagpapagod ng maraming henerasyon ng mga magsasaka. Idagdag pa rito ang puntong dapat dekada ’60 pa ibinigay (ang Luisita) sa mga magsasaka, batay sa kontrata ng gobyerno (at pamilyang Cojuangco-Aquino)…(K)aya walang katwiran ang sinasabing ‘makatwirang kompensasyon’,” ani Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan.