Magsasaka

Magsasaka ng Hacienda Luisita, hinaras, pinaputukan


Kinondena ng mga grupong magsasaka ang pagpapaputok ng mga guwardiya ng Hacienda Luisita, pulisya, at militar sa mga magsasaka sa asyendang pag-aari ng pamilya ni Pang. Benigno Aquino III. Kahapon, binakuran ng 100 guwardiya, 15 miyembro ng Tarlac Provincial Police, at 10 miyembro ng Philippine Army ang binubungkal na lupain ng mga magsasaka sa Brgy. […]

Tuluy-tuloy ang bungkalan sa Hacienda Luisita. (KR Guda)
Pagtigil ng militarisasyon ng Hacienda Luisita, panawagan noong ginunita ang ika-7 na anibersaryo ng masaker (Myan Lordiane/Mayday Multimedia)

Kinondena ng mga grupong magsasaka ang pagpapaputok ng mga guwardiya ng Hacienda Luisita, pulisya, at militar sa mga magsasaka sa asyendang pag-aari ng pamilya ni Pang. Benigno Aquino III.

Kahapon, binakuran ng 100 guwardiya, 15 miyembro ng Tarlac Provincial Police, at 10 miyembro ng Philippine Army ang binubungkal na lupain ng mga magsasaka sa Brgy. Balete, ayon sa ulat ng Alyansa ng Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (Ambala). Ang lupaing ito ang 500 ektarya na ibinenta ng pamilya Cojuangco-Aquino sa Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC).

Mahigit 300 na miyembro ng Ambala na pumigil sa pagbabakod ang pinaputukan ng walong beses ng mga guwardiya at awtoridad para takutin.

“Akala nila matatakot kami. Pero nakakalimutan nila na napawi ang aming takot matapos ang masaker noong Nob. 16, 2004. Nanatili kami para depensahan ang aming lupa,” sabi ni Felix Nacpil Jr., tagapangulo ng Ambala.

Kinondena naman ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL) ang paggamit ng gobyernong Aquino sa mga puwersa ng gobyerno para sa interes ng kanyang pamilya sa 4,915-ektaryang lupain.

“Ginagamit ng pangulo ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines bilang kanyang private army,” sabi ni Joseph Canlas, tagapangulo ng AMGL.

Dagdag pa niya, bahagi ito ng plano ng pangulo na ituon ang atensiyon ng publiko sa impeachment kay Chief Justice Renato Corona, habang pinipigilan ang implementasyon ng desisyon ng Korte Suprema na ipamahagi ang Hacienda Luisita sa mga magsasaka.

Kinondena rin ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang insidente. “Ipinamamalas ni Aquino ang parehong marahas na panunupil na nakita natin sa ilalim ni dating pangulong Arroyo,” ayon kay Randall Echanis, pangalawang pangkalahatang kalihim ng KMP.

Hinamon ni Echanis ang pangulo na kagyat na paalisin ang militar sa Hacienda Luisita na umano’y “naghahasik ng takot sa hanay ng mga magsasaka.” Kasalukuyang naka-deploy ang mga detatsment ng AFP sa 10 barangay sa asyenda.

Gayundin, nanawagan ang grupo sa Korte Suprema na ilabas na ang pinal na desisyon sa Hacienda Luisita at kagyat na ipamahagi ito sa mga magsasaka, kabilang na ang lupaing ibinenta sa RCBC.

Samantala, nanawagan ang Bagong Alyansang Makabayan kay Aquino na magtawag ng patas at mabilisang imbestigasyon sa insidente.

“Wala kaming narinig na may inaresto o na may imbestigasyong isasagawa,” ayon kay Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan.

Sinabi rin ng Bayan na dapat desisyunan na ng Department of Agrarian Reform, sa ilalim ng Office of the President, ang pestisyon ng mga manggagawang-bukid ng asyenda na bawiin ang land conversion order na ipinagkaloob ng ahensiya sa pamilya Cojuangco-Aquino. Ang nasabing utos ang nagbigay-daan sa pagbebenta sa RCBC ng bahagi ng asyenda.