Magsasaka Main Story

Pamilyang Cojuangco-Aquino, pinapapanagot sa masaker sa Hacienda Luisitia


Muling iginiit ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita ang pananagutan ng pamilyang Cojuangco-Aquino sa masaker sa asyenda halos sampung taon na ang nakararaan. Nagsabit sila ng dilaw na lasong kunwari’y may mga talsik ng may dugo sa Times Street, Quezon City kung saan naninirahan si Pangulong Aquino, bilang paggunita sa nalalapit na ika-10 anibersaryo ng […]

Nagsabit ng dilaw na laso na may dugo ang mga taga-Hacienda Luisita at iba pang mga grupo sa Times Street para sa nalalapit na paggunita sa ikasampung taon ng Hacienda Luista massacre.<strong>Pher Pasion</strong>
Nagsabit ng dilaw na laso na kunwa’y may talsik ng dugo ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita at iba pang grupo sa Times Street–malapit sa tahanan ng mga Aquino–para sa nalalapit na paggunita sa ikasampung taon ng Hacienda Luista massacre. Pher Pasion

Muling iginiit ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita ang pananagutan ng pamilyang Cojuangco-Aquino sa masaker sa asyenda halos sampung taon na ang nakararaan.

Nagsabit sila ng dilaw na lasong kunwari’y may mga talsik ng may dugo sa Times Street, Quezon City kung saan naninirahan si Pangulong Aquino, bilang paggunita sa nalalapit na ika-10 anibersaryo ng masaker sa pitong nagwewelgang manggagawang bukid ng asyenda noong Nobyembre 16, 2004.

Noong araw na iyon, marahas na binuwag ng pulis, militar at pribadong security ng pamilya ang piketline ng mga manggagawa at manggagawang bukid.

“Hindi matatanggal ni Aquino kanyang responsabilidad sa madugong pagmasaker sa Luisita sampung taon na ang nakararaan,” ani Rudy Corpuz, pangalawang tagapangulo ng Alyansa ng mga Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (Ambala).

Ayon kay Marie Hilao-Enriquez, tagapangulo ng Karapatan, kongresista pa lang noon si Aquino. “Ngayong presidente na siya, hindi lang niya ipinagpapatuloy gamitin ang makinarya ng estado para mapanatili ang kontrol sa asyenda, kundi maging ang paggamit sa Armed Forces of the Philippines at paramilitar na mga grupo sa buong bansa upang maging bahagi ng kanyang yellow army.’”

Pagsabit ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita ng dilaw na laso na may dugo sa kahabaan ng Quezon Avenue sa Quezon City para sa nalalapit na ikasampung anibersaryo ng Hacienda Luisita massacre. <strong>Pher Pasion</strong>
Pagsabit ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita ng dilaw na laso na may dugo sa kahabaan ng Quezon Avenue sa Quezon City para sa nalalapit na ikasampung anibersaryo ng Hacienda Luisita massacre. Pher Pasion

Ayon sa Karapatan, patuloy ang panghaharas sa mga magsasaka at manggagawang bukid sa asyenda. Naririyan pa rin ang mga pag-aresto, pagninira ng pananim, panununog, at patuloy na paniniktik sa mga lider ng unyo sa asyenda.

“Pinagpapalo nila ako at binubog. Dumating ‘yung mga pulis pero ako ang inaresto. Hindi man lang inawat ‘yung mga bumugbog sa akin. Isang linggo ako sa ospital. Binigyan nila ako ng papel tapos nilitratuhan. Kakasuhan na pala ako. Wala akong alam sa batas dahil hindi ako nakikipag-away,” ayon kay Fernan Corpuz, 51, taga-Barangay Catalina sa loob ng Hacienda Luisita.

Isa si Fernan sa mga nasaktan at inaresto matapos ipagtanggol ang lupang inaagaw sa kanila noong Marso 27 at 28 nitong taon. Binabakuran kasi ang mga lupa sa asyenda na hindi daw sakop ng desisyon ng Korte Suprema para ipamahagi sa mga magsasaka.

“Ang paggamit ni Aquino ng berdugo para makuha ang nais niya at kanyang pamilya ay nagpapakita lamang ng tunay niyang karakter na isang hayok sa dugo. Walang sinuman na gaya ni Aquino ang nasa gobyerno,” ani Enriquez.

Naganap noong Nobyembre 16, 2004 ang madugong masaker sa Hacienda Luisita na ikinasawi ng pitong magsasaka at ikinasugat ng marami. Habang daan-daan naman ang inaresto na walang malinaw na kaso. Nagpatuloy naman ang pamamaslang sa mga lider at tagasuporta ng mga manggagawang bukid at magsasaka gaya nina Ricardo Ramos, tagapangulo ng Central Azucarrera de Tarlac Labor Union, dating City Councilor Abel Ladera, at Fr. William Tadena.

Nauna nang intinanggi ng Philippine National Police na sa kanila nanggaling ang putok at itinuturo nila ang mga nasa piketline bilang may sala sa masaker.

Wala pa ring napaparusahan hanggang ngayon sa nasabing masaker.