Magsasaka Main Story

Magsasaka ng Hacienda Luisita, wala nang lupa, dinadahas pa


Putok ang ulo, bali ang kamay, inaresto, kinulong at ngayon patuloy na tinatakot. Ganito ang nararanasan ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita ngayon. Sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema na ipamahagi na ang libu-libong ektarya ng lupaing agrikultural sa asyenda, nananatiling nasa kontrol ito ng pamilyang Cojuangco-Aquino. Sa katunayan, dalawang korporasyon na pag-aari rin […]

Ang kubol ng mga manggagawang bukid na kaanib ng Ambala sa Barangay Balete.  Nasa likod nito ang pader ng Tadeco, na nagsisilbing harang sa lupang inaangkin ng Tadeco.  Macky Macaspac
Ang kubol ng mga manggagawang bukid na kaanib ng Ambala sa Barangay Balete. Nasa likod nito ang pader ng Tadeco, na nagsisilbing harang sa lupang inaangkin ng Tadeco. Macky Macaspac

Putok ang ulo, bali ang kamay, inaresto, kinulong at ngayon patuloy na tinatakot.

Ganito ang nararanasan ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita ngayon. Sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema na ipamahagi na ang libu-libong ektarya ng lupaing agrikultural sa asyenda, nananatiling nasa kontrol ito ng pamilyang Cojuangco-Aquino.

Sa katunayan, dalawang korporasyon na pag-aari rin ng pamilyang Cojuangco-Aquino ang nagpapalayas sa mga magsasaka sa mga lupang dapat na saklaw ng desisyon – ang Tarlac Development Corporation (Tadeco) at ang Central Azucarera de Tarlac (CAT). Maliban pa ito sa Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC), na una nang nagpalayas at nagbakod sa mga ilang daang ektaryang lupa bago pa man ang mapinal ang desisyon hinggil sa pamamahagi ng lupa.

Mistulang malaking garison ang mga barangay ng Balete, Lourdes, Cutcut at Central Mapalacsiao, sa Luisita ngayon. Napapaligiran ito ng nagtataasang bakod na may mga outpost na mga guwardiya. Ang iba, barbed wire ang ginamit na pambakod. Ang mga pader at barbed wire ang nagsisilbing harang sa mga lupaing bahagi sana ng mga lupang ipapamahagi–pero hindi isinama.

Sa Brgy. Cutcut, umabot sa 104 ektarya na ang binakuran ng Tadeco, kasama na ang mga lupang tinaniman ng mga magsasaka na tinagurian nilang “bungkalan”.

Ayon sa Alyansa ng mga Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (Ambala), sa kabila raw ng pahayag ng Department of Agriculture na naipamahagi na ang lupa, hindi pa pisikal na naipamahagi ang mga ito. “Kinakamkam at kinokontrol nga ito ng mga namumuhunan ng produksiyon ng asukal, na sa tingin namin pakawala rin ng pamilyang Cojuangco-Aquino,” ani Florida Sibayan, tumatayong tagapangulo ng Ambala.

Ala-Martial Law

Ang mga sugatan na sina Fernan Corpuz (itaas) at Jerry Mesa (Ibaba).  Macky Macaspac
Ang mga sugatan na sina Fernan Corpuz (itaas) at Jerry Mesa (Ibaba). Macky Macaspac

Simula noong nakaraang taon, walang habas ang pandarahas ng mga guwardiya ng mga korporasyong nagnanais na paalisin ang mga manggagawang bukid na nagbubungkal sa lupang matagal ng dapat sa kanila.

Sa pagkakasulat ng artikulong ito, pinakahuling biktima ng pandarahas sina George Gatus, Gerry Catalan, Jaime Quiambao, Alvin Gratil at Leoncio Suarez–mga magsasaka ng Brgy. Mapalacsiao. Inaresto sila ng magkasanib na puwersa ng mga guwardiya ng Tadeco, pulis at mga sundalong nakatalaga sa lugar noong Abril 3, 2014.

Sa kuwento ng mga biktima, nais lamang nilang kausapin ang isang representante ng FF Cruz, isang survey firm na kinomisyon ng DAR para magsagawa ng sarbey sa mga lupang ipapamahagi, nang bigla silang arestuhin. Sila pa ang kinasuhan ng coercion at paglabag sa pagpapatupad ng Republic Act 6657 o Comprehensive Agrarian Reform Law.

“Patunay itong huling pangyayari na kasabwat ang DAR sa pananakot sa amin. Malinaw na tinutulungan ng DAR ang mga asendero para manatiling kontrolado nila ang asyenda,” sabi ni Sibayan.

Pinakamalalang pangyayari ang sinapit nina Jerry Mesa at Fernan Corpuz, Marcelino Lugay at Ofelia Hernandez. Sugatan sina Mesa at Corpuz, matapos pagtulungang bugbugin ng mga aabot sa 20 guwardiya ng Tadeco noong Marso 28.

Sa kuwento ni Fernan sa Pinoy Weekly, dakong alas-dos ng hapon nang mabalitaan nila na muling magbabakod ang mga utusan ng kompanyang Tadeco at mga guwardiya nito. Hindi pa raw nakakalapit  sa lugar na babakuran ang mga biktima nang salubungin sila at biglang paluin ang isa nilang kasamahan na taga-Balete. Sanhi nito, nagalit at kinumpronta ni Renato Mendoza, lider ng mga magsasaka sa Brgy. Cutcut, ang mga guwardiya na aabot sa 20 katao. Sa halip na tumigil, inatake na raw ng mga guwardiya ang mga magsasaka.

“Bigla na lang akong pinalo ng pala, tumama sa kamay ko. Nang mahandusay ako, pinagtulung-tulungan na nila akong bugbugin. May sumisipa sa likod ko, sinusuntok ako sa tagiliran,” kuwento ni Fernan. Pinagtangkaan din daw siyang saksakin ng mga guwardiya.

“Talagang papatayin nila kami,” sabi pa niya. Dagdag na kuwento ni Fernan, may rumesponde naman daw na mga pulis pero sa halip na awatin, sila pa ang hinuli ng mga ito. “Walang ginawa ang mga pulis, kahit noong nasa sasakyan na nila ako at binabantaan ng isang guwardiya na papatayin, wala silang ginawa at hindi man lang inawat.”

Dinala sila sa San Manuel Police Sub-station. Nalapatan lamang ng lunas ang mga sugat ni Fernan matapos dalhin siya sa ospital bandang alas-9 na ng gabi. Dahil na rin sa may sakit ito sa puso, nanantili siya sa ospital hanggang Abril 3. “Dati, hindi ako umiinom ng gamot na pangmantina sa sakit ko sa puso. Ngayon, kailangan ko nang uminom. Hindi rin kami tinulungan sa mga gastusin sa ospital,” aniya.

Matapos dahasin ang mga magsasaka, sinira ng mga guwardiya ang kubol na itinayo ng mga magsasaka na nagsisilbing opisina ng Ambala. Sa ngayon, hinarangan na ito at nagtayo ng checkpoint ilang dipa mula sa nasirang kubol at kabahayan ng mga magsasaka.

Tumanggi naman ang mga guwardiya ng GreatStar Security Agency, ahensiyang kinuha ng Tadeco, na magbigay ng pahayag hinggil sa paratang ng mga magsasaka.

Mga guwardiya ng Tadeco -- armado, at, ang ilan, may takip sa mukha. <strong>Macky Macaspac</strong>
Mga guwardiya ng Tadeco — armado, at, ang ilan, may takip sa mukha. Macky Macaspac

Sabi ng mga residente sa Cutcut, Mapalacsiao at Balete, nagpatuloy ang pandarahas at pananakot ng mga guwardiyang inupahan ng mga korporasyon sa asyenda Luisita. Sinabi ng ilang residente na sa tuwing gabi, umiikot ang mga guwardiya at sa hinala nila may mga kasamang militar,  sa mga kabahayan. Patunay daw ang mga bakas ng mga sapatos na kombat sa paligid ng mga kabahayan, gayundin na kapag umiikot ang mga armadong grupo, sumisigaw daw ang mga ito na, “lumabas ang mga NPA.”

Pinatotohanan naman ito ni Fernan. “Napansin ko, mula nang lumabas ako sa ospital, may umaaligid sa bahay ko.” Sinabi rin niya na may bantang papatayin ng mga guwardiya ang kanilang mga lider.

“Narinig ko, habang sakay ako sa sasakyan ng mga pulis, na papatayin daw nila si Puto, Rudy at Apong Leoning,” dagdag pa ni Fernan.

Bagong batas sa reporma sa lupa?

Dahil sa kapalpakan ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), at maging ang ekstensiyon ng programang ito, hinikayat ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na magbuo na lamang ng bagong batas para sa pamamahagi ng lupa. Sinabi ni Rafael Mariano, tagapangulo ng KMP, na nananatiling buo at hindi naipapamahagi ang malalawak na lupain.

“Una na diyan ang 6,000 ektaryang Hacienda Luisita na pag-aari ni Pangulong Aquino; Hacienda Looc; Roxas; Yulo sa Batangas; mga asyenda sa Bondoc Peninsula; ang asyenda ni Danding Cojuangco sa Sa Negros; at ang mga plantasyon ng (mga korporasyong transnasyunal na) Dole at Del Monte sa Mindanao,” sabi ng KMP.

Mistulang garison ang ilang barangay sa loob ng asyenda Luisita dahil sa patuloy na pagbabakod ng mga korporasyong pag-aari ng mga Coquangco. Macky Macaspac
Mistulang garison ang ilang barangay sa loob ng Hacienda Luisita dahil sa patuloy na pagbabakod ng mga korporasyong pag-aari ng mga Cojuangco. Macky Macaspac

Sa kaso ng pagpapatupad ng reporma sa lupa batay sa desisyon ng Korte Suprema, napag-alaman ng Ambala na kahit ang mga lupang ipinamahagi sa mga magsasaka sa paraang tambiolo ng DAR ay muling kinukuha ng pamilyang Aquino-Cojuangco. Aabot sa 66 ektarya na naipamahagi sa mga magsasakang pumayag sa tambiolo ang ngayon ay binakuran ng Tadeco.

Nakahain pa rin sa Kamara ang panukalang batas ng Anakpawis Pary-list, ang Genuine Agrarian Reform Bill (GARB). Samantala, habang walang bagong batas na magpapatupad sa tunay na reporma sa lupa, patuloy na makikibaka ang mga magsasaka at manggagawang bukid ng mga asyenda tulad sa Hacienda Luisita.

“Wala akong maasahan kay (Pangulong) Aquino. Kunwaring wala siyang alam sa nangyayari rito sa Hacienda Luisita, pero siya ang nag-uutos sa mga guwardiya, pulis at militar para agawin ulit ang lupang para sa amin naman talaga. Wala siyang ibinigay na lupa sa mga magsasaka, bagkus kinukuha pa nga niya,” sabi ni Fernan.

Kinuwento naman ni Sibayan na ipagpapatuloy pa rin nila ang kanilang bungkalan, habang nagsasampa sila ng kontra-demanda sa mga guwardiyang naghahasik ng kaguluhan sa mga magsasaka. “Tuloy pa rin ang laban; hindi kami papatinag sa kanila. Kay Pangulong Aquino naman, dapat na niyang ibigay ang lupa na hindi naman sa kanila, huwag na niyang hayaan na muling dumanak ang dugo dito sa asyenda.  Makonsensiya naman siya at kung hindi umalis na lang siya sa puwesto,” pagtatapos ni Sibayan.