Isagani Yambot: Mapagkumbabang taguyod ng kalayaan sa pamamahayag


Hindi tumatanggi sa pagpapaunlak ng mga mamamahayag pangkampus. Mapagmahal sa mga kabataang manunulat. Dedicated sa kalayaan sa pamamahayag. Mapagkumbaba at napakadaling lapitan. Sa ganitong paraan nakilala ng kabataang mga mamamahayag si Isagani Yambot.

Sa burol ni Isagani Yambot, noong Marso 6, 2012. (Pher Pasion)
Sa burol ni Isagani Yambot, noong Marso 6, 2012. (Pher Pasion)

Hindi tumatanggi sa pagpapaunlak ng mga mamamahayag pangkampus. Mapagmahal sa mga kabataang manunulat. Dedicated sa kalayaan sa pamamahayag. Mapagkumbaba at napakadaling lapitan.

Sa ganitong paraan nakilala ng kabataang mga mamamahayag ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) si Isagani Yambot, beteranong peryodista, dating guilder at publisher ng Philippine Daily Inquirer na pumanaw noong ika-2 ng Marso.

Pumanaw si Yambot, 77, dahil sa atake sa puso noong ika-2 ng Marso sa St. Therese Hospital sa Pasig City kung saan siya isinugod ng kanyang mga kaanak ilang oras matapos ilabas sa The Medical City.

“Hindi lang siya simpleng prestihiyosong tagapagsalita tuwing dumadalo siya ng mga aktibidad at fora ng CEGP; tunay na mahal niya ang batang mga manunulat at nagsilbing role model para sa kabataan na nais iambag ang kanilang skills at taleto sa paglilingkod sa bayan,” pahayag ng CEGP.

Anila, hindi nag-aatubili si Yambot na paunlakan ang kanilang mga kumperensiya, kongreso at porum para magsalita hinggil sa pamamahayag. Sa kabila ng madalas na kakulangan sa pondo at limitadong rekurso ng CEGP,  maluwag na sumama ang beteranong peryodista sa mga mamamahayag pangkampus.

Siyempre, hindi lang mga kabataang mamamahayag ang nagluksa sa pagkawala ni Yambot, kundi ang buong industriya ng pamamahayag.

Sa pahayag ng National Union of Journalists of the Philippines, sinabi nilang kung mayroon mang hindi natapos si Yambot, ay yun ang hindi natapos na pakikibakang makita ang panahon kung saan ang tunay na kalayaan sa pamamahayag ay manaig sa ating bansa.

Ipangako ng NUJP na kanilang itutuloy ang laban kung saan nakasama nila si Yambot at hindi sila mabibigo.

Nagluksa rin ang mga mamamahayag ng Philippine Daily Inquirer.

“Mangugulila kami sa kanya subalit siya ay mananatili sa aming mga trabaho upang tiyakin na masusunod nang mabuti ang mga polisiya sa editoryal. Lubos kaming nagpapasalamat sa kanyang mga kontribusyon at pinagpupugay ang kanyang sigasig at kanyang komitment sa kanyang trabaho,” ayon sa pahayag ng Philippine Daily Inquirer sa wikang ingles, kung saan naging publisher si Yambot mula 1994.

Sinabi naman ng Center for Community Journalism and Development na nagpakita si Yambot ng tunay na adbokasiya at tagapagtanggol ng kalayaan sa pamamahayag, sumusuporta sa mga pagkilos, at maging pasama sa mga kilos protesta at nagmamartsa sa kung kinakailangan.

Ibinukas umano ni Yambot ang mga pahina ng Philippine Daily Inquirer para sa kampanya sa mga kalayaan sa mamamahayag.

Ipinanganak si Yambot sa Bohol noong Nobyembre 16, 1934. Nagtapos siya ng Liberal Arts sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Quezon City.

Naglingkod si Yambot bilang mamamahayag sa Manila Times na nagkober ng Malakanyang at Senado. Naging bahagi rin siya ng Uniter Press International (1973), Times Journal (1983), Malaya (1988), at Philippine Daily Inquirer (1989).

Tumaggap din si Yambot ng iba’t ibang parangal mula sa iba’t ibang grupo ng mass media tulad ng Catholic Mass Media Award (1994), Lakan Award for Outstanding Achievement in Journalism ng Tondo Rotary Club (1995), Outstanding Manilan in the Field of Journalism ng Maynila (2000) at ng CEGP bilang Outstanding News Editor (1975).

Naging bahagi din si Yambot ng iba’t ibang organisasyon ng mga mamamahayag tulad ng Philippine Press Institute, National Press Club at NUJP.