FEATURED

Orkestradong kilig sa romantikong komedi


Rebyu ng Unofficially Yours (Cathy Molina Garcia, direktor, 2012)

Rebyu ng Unofficially Yours (Cathy Molina Garcia, direktor, 2012)

Si Cathy Molina Garcia na ang pangunahing arkitekto ng kasalukuyang pamamayagpag ng romantikong komedi.  Ito ang genre na namamayagpag sa takilya, at pinaghalong romans at komedi:  romans na “pagkahaba-haba man ng prusisyon, happy ending pa rin ang tuloy,” at komedi dahil ang balakid ay ang isang kakatwang sitwasyong pinanggagalingan ng lalake’t babaeng makaiba ang mundo o pananaw hinggil dito.

Ang Unofficially Yours ang isa sa pinakamatagumpay na pelikula ni Molina.  Nauna na ang You Are the One (2006), One More Chance (2007), A Very Special Love (2008), You Changed My Life (2009, ang pinakamalaking boxoffice hit ng kanyang panahon), Missed You Like Crazy (2010), at Forever and a Day (2011).  Murang i-prodyus ang romantikong komedi dahil sa mga familiar na lokasyon ang tagpuan, tulad ng bahay at opisina; pinagbibidahan ng studio artists (sa kaso ni Molina, paborito sina John Llyod Cruz at Sam Milby); may datihan nang kaalaman dahil lumang kanta na pwedeng gawin theme song at titulo ng pelikula ang gamit; at nakatuon sa pagdagsa ng pinakamalawak na kababaihang manonood sa sinehan.

Moving on dahil sa pag-ibig ang tema ng Unofficially Yours.  Ang karakter ni Cruz ay nagmu-move on mula sa pagiging dentista, isang kurso na kinuha niya dahil ito ang kurso ng kanyang girlfriend, tungo sa kanyang true love, ang journalism.  Ang karakter ni Angel Locsin ay moving on din–mula sa pagka-dump sa kanya ng fiancé, sumumpa na hindi na muling iibig pa.  Kaya sex buddies lang ang dalawang bida, at walang dangal na sex buddies dahil ang babae ay mentor ng lalake sa dyaryo.

Itong sex-in-the-work place ang locus ng pamali-mali’t pagkabuking, at paninindigan sa relasyong ganito lang ang katangian.  Hanggang sa ma-TL (true love) ang lalake at ang problema ay ayaw ni babae dahil bahagi ng kanyang pangarap ay magtrabaho sa Singapore.  At gaya nang inaasahan, pinahalagahan ng babae ang pag-ibig, kinain ang mga sinabi, nagmanikluhod para muling ipagkaloob ng lalake ang pag-ibig.

Karamihan ng romantikong komedi ay buhay at pag-ibig ng batang profesyonal ang tinatalakay.  Ito ang matutuklasan kapag sabayan nang naglabasan sa sine, medyo may edad na rin ang nanonood pero hindi naman katandaan.  Kung grupo man na manonood, mas marami ang babae kaysa lalake.  Tila “date film” pa nga ang turing sa romantikong komedi, na nagpapaubaya ang boyfriend sa desisyon ng girlfriend para sa karagdagang “pogi points” sa panonood ng romantikong komedi.

Manipulado ang manonood na ma-in love, matuwa, kumampi sa pag-ibig ng mga bida, umasang magkatuluyan ang dalawang nilalang na nababagay sa isa’t isa, at kasama ng mga bida, magtagumpay sa pagwawakas ng pelikula.  Sa kasalukuyan, matagumpay itong formularyo ng romantikong komedi dahil regular itong nakakapanghatak ng manonood sa manakanakang pelikulang Filipino na umaabot sa sinehan.

Ang problema, gaya nang inaasahan, ay hindi nasasalin ang tagumpay sa boxoffice bilang tagumpay sa inobasyon sa pelikula at kamalayan.  Maliliit ang inobasyong pampelikula sa genre:  ayon kay Molina, ito na nga ang hindi regular na “rom-com” (romantic comedy) na relasyon, at ang pamumutiktik ng sex scenes dito na patunay na mature ang kahandaan ng manonood sa mas “mature” na tema.

Dagdag pa niya sa parehong panayam, “I think they’ve been ready, especially  after the success of  No Other Woman. Parang naisip ko, kaya na nila.  Saka wala naman kaming sinasabing bawal o mali sa pelikula.  Nagkuwento lang naman kami ng isang love story between someone who believes in a traditional kind of relationship and na-in love sa isang babae na ayaw sa ganung klaseng setup. ”

Sa huli ng pelikula, ang non-tradisyonal na babae ay magiging tradisyonal, magmamanikluhod para muling tanggapin ang pag-ibig ng lalake.  Ang kilig factor ang pinakaimportanteng dating ng romantikong komedi:  harana, debosyon, pag-aantay, at pagpapakadakila, na pawang ipinasa sa lalakeng bida dahil nga non-tradisyonal ang babae.  At ang mga tradisyonal na sangkap ng kilig ang siyang magpapalambot ng puso ng babae.

Kaya mula sa politikal na tema ng migranteng manggagawa at ang kanilang pag-ibig (ang OCW film) na naunang namamayagpag na tumatabong melodrama sa takilya—sakto rin sa kababaihang manonood–ang naging tunguhin ng komersyal na pelikula ay ang mas fiksyonal at nanlalagkit na pag-iibigan sa romantikong komedi:  magaan, hindi lubos na seryoso dahil ang dapat na seryoso ay ang usaping pag-ibig lamang, at nakakakilig.

Sa diegesis ng pelikula, ang tanging problema ng mga magagandang tao ay ang ikaliligaya ng kanilang puso, na hindi naman problema dahil nasa paligid lang—ang pinakamagandang opposite sex sa tabi nila’t kunwari ay hindi lubos na siniseryoso—ang solusyon.