Paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ni PNoy, isinalang sa Kongreso

March 18, 2012

Hindi maiwasang mapaiyak ang isang kaanak ng mga biktima, habang isinasalysay nito ang pinagdaanang hirap ng pamilya nila sa paghahanap sa pinaslang na kapatid na si Jerwin de Antonio. (Macky Macaspac)

“Noong nakaburol si kuya, pumunta ang mga pulis sa barangay at pinatawag kami para makipag-usap. Humingi sila ng pasensiya, hindi raw nila sinasadya ang nangyari sa aking kapatid. Pinipilit kaming tanggapin ang  inaalok na tulong para sa magandang libing.  Pero naramdaman namin ang panggigipit ng barangay, hindi kami pinahiram ng mga upuan (para sa lamay), hindi raw kami…”

Hindi na natapos ni Jovy de Antonio ang kanyang salaysay dahil napahagulgol sa sama ng loob at galit sa ginawang pagpatay ng pinaghihinalaang mga pulis sa kanyang kapatid na si Jerwin de Antonio.  Si Jerwin ay isang kabataan kasapi ng grupong Anakbayan na natagpuang patay matapos hulihin sa kasong bagansiya sa Navotas noong Abril 21, 2011.

Isa si Jovy sa mga kaanak at biktima ng paglabag sa karapatang pantao na humarap sa Kongreso noong Marso 13, sa pagsisimula ng House Committee on Civil, Political and Human Rights sa imbestigasyon sa mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Humarap ang mga indibidwal mula sa mga rehiyon ng Kordilyera, Ilocos, Cagayan Valley, Gitnang Luzon at National Capital Region upang tumestigo sa patuloy na lumalawak na mga insidente ng panghaharas at pandarahas ng gobyerno sa mga kritiko nito.

Salaysay ng mga biktima

Isinalaysay ng mga katutubo mula sa Kordilyera ang epekto sa kanila ng political vilification o pagbabansag ng militar sa progresibong mga grupo at institusyon bilang mga prente ng rebeldeng New People’s Army (NPA).

Pahayag ni Jude Baggo, tagapagsalita ng Cordillera Human Rights Alliance, nasa iba’t ibang briefing materials ng Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang mga “kaaway ng estado” ang ligal na mga organisasyon. Kabilang dito ang Montanosa Research and Development Center, Center for Development Programs in the Cordillera, Cordillera Disaster and Response, at Community Health Education Services and Trainings in the Cordillera Regions (Chestcore). “Natatakot kami para sa aming seguridad. Ang aming mga organisasyon at komunidad ay ginagawang lehitimong target para sa nyutralisasyon ng mga ahente ng estado,” aniya.

Nakakaranas na ng panghaharas ang mga manggagawang pangkalusugan ng Chestcore habang nagbibigay ng serbisyo sa malalayo at liblib na mga lugar.

Salaysay ng boluntir staff ng Chestcore na si Milagros Ao-wat, mula Disyembre 2010 hanggang Hulyo 2011, nakakatanggap umano siya ng mga death threat sa pamamagitan ng text messages na pinagbibintangan siyang kasapi ng NPA. “Nung natanggap ko ang unang text messages, akala ko na biro lang o missent, kaya hindi ko pinansin. Pero nang pumasok na ang iba pang mga mensahe, nalaman ko na totoo ang mga banta at nakadirekta sa akin,” aniya sa komite.

Kasabay ng pagdinig sa loob ng Kongreso, nagpiket naman ang Karapatan sa labas. Nananawagan ang grupo sa pagbasura sa programang kontra-insurhensiyang Oplan Bayanihan. (Macky Macaspac)

Humantong naman sa pagsasampa ng gawa-gawang kaso ang pangahaharas ng militar sa estudyante ng Ifugao State University na si Mildred Salang-ey. Sinampahan ng kasong frustrated murder si Salang-ey, aktibong kasapi ng Anakbayan na pinapakalat ng militar na sa loob ng kampus na “maka-komunista.” Bagaman napawalang-bisa din ang kaso dahil walang sapat na katibayan, “nagdulot ito ng pangamba at pagkaligalig hindi lang sa akin kundi pati na rin sa aking pamilya,” ani Salang-ey.

Ang dating lider-kababaihan naman na si Gloria Floresca, tinagurian na isa sa most wanted criminal sa Ilocos at inaresto ng kapulisan sa Naguillan, La Union noong Hulyo 21, 2010 sa kasong rebelsyon.  Ayon sa Ilocos Human Rights Alliance, napawalang-sala at nakalaya si Floresca noong December 10 ng taong iyon ngunit muli ito inaresto makatapos lamang ng halos dalawang oras. Hanggang sa kasalukuyan, nakakulong pa rin si Floresca. Isang dating organisador sa komunidad, itinatanggi niyang siya ay isang rebelde.

Samantalang isa namang lider ng Kagimungan, grupong magsasaka sa Cagayan, ang tumestigo sa mga paglabag sa karapatang pantao sa nasabing probinsiya. Isinalaysay ni Isabelo Adviento ang pananakot ng mga elemento ng 17th Infantry Batallion sa kanya at kanyang mga kasamahan na pinupuntahan sa kani-kanilang bahay, pinagbibintangang rebelde, at “pinapasuko.”

Inilahad din ni Adviento ang pagpapaputok ng militar sa kabahayan ng mga sibilyan sa San Mariano, Isabela matapos ang engkuwentro sa pagitan ng mga sundalong militar at NPA noong Dis. 15, 2011.  Nagresulta ito sa pagkakasugat ng isang batang pitong taong gulang at magsasakang si Dominador Martinez. Aniya, hindi ipinagamot ng mga sundalo ang mga nasugatan sa pangyayari.

Sinimulan ng House Committee on Civil, Political and Human Rights ang imbestigasyon sa mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng gobyernong Aquino. (Macky Macaspac)

Sa pagdinig sa Kongreso, humarap din ang mga naulila nina Pascual Guevarra at Antonio Homo, mga biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang. Binaril si Guevarra, 74, sa loob ng kanyang bahay sa San Isidro, Laur, Nueva Ecija. Isa siyang lider-magsasaka na pangunahing tumututol sa pang-aagaw ng lupang saklaw ng Fort Magsaysay Military Reservation. Samantalang ang lider-maralita naman na si Homo, pinaslang sa Navotas noong Marso 16, 2011. Pinangunahan ni Homo ang pagtutol sa demolisyon sa kabahayan ng mahigit 400 pamilya sa kanyang lugar.

Oplan Bayanihan

Ang pagtitipon ng mga biktima ay nagpapatunay na ipinagpatuloy lamang ni Pangulong Aquino ang madugong kontra-insurhensiyang programa ni dating pangulong Arroyo, ayon kay Marie Hilao-Enriquez, tagapangulo ng grupong Karapatan.

“Sa kabila ng paggamit ng administrasyong Aquino ng mga islogan tulad  ng ‘pagrespeto  sa karapatang pantao’ at sa tinatawag nilang ‘kapayapaan at pag-unlad’, ipinagpatuloy ng Oplan Bayanihan ang lagim ng Oplan Bantay Laya,” ani Enriquez.

Dagdag pa niya, may “bahid ng dugo” ang kamay ni Pangulong Aquino mula sa 67 na biktima ng esktrahudiysal na pamamaslang sa ilalim ng kanyang gobyerno, at libu-libong nang biktima ng iba’t ibang uri ng paglabag sa karapatang pantao.

Inilinaw ni Rep. Rene Relampagos, tagapangulo ng komite, na ang imbestigasyon ay inisyal pa lamang at maglulunsad sila ng mga pagdinig (on-site hearing) sa mga lugar kung saan naganap umano ang mga paglabag. Magrerekomenda ang komite na sampahan ng kaukulang kaso ang sinumang mapapatunayang lumabag sa batas. “This committee will also recommend the filing of appropriate charges against erring public officers, if evidence obtained from this inquiry would warrant the same,” kanyang ipinangako.

Ikinatuwa ito ng Karapatan, ngunit pinaalalahanan ang komite na hanggang ngayon, hindi pa rin napaparusahan ng gobyernong Aquino ang mga salarin ng mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng dating administrasyong Arroyo.