May banta pero lumalakas
Sa gitna ng mga panganib at pagbabanta, patuloy na lumalakas ang laban at lumalawak ang suporta ng mga mamamayan sa ating mga kababayang Lumad.
Una kong nalaman na may mga paaralang Lumad na itinayo ng mga komunidad kasama ang iba’t ibang non-government organizations at taong simbahan noong nasa Davao City ako sa maagang bahagi ng 2014 upang mag-organisa ng isang pambansang kumbensiyon ng mga mamamahayag pangkampus.
Isinama ako sa isang pulong ng Save Our Schools Network upang talakayin ang kampanya laban sa patuloy na pagkakampo ng mga sundalo at paramilitar sa mga paaralang Lumad. Ang pagkakampo at anumang gawaing militar sa mga paaralan, ospital at iba pang intitusyong sibilyan ay ipinagbabawal sa ilalim ng Geneva Convention upang protektahan ang mga sibilyang naiipit sa digmaan.
Mas lalo kong nagagap ang kalagayan ng mga Lumad nang magbakwit sa Haran Center sa Davao City ang mga Manobo mula sa Talaingod, Davao del Norte may isang buwan matapos ang pulong na iyon.
Kahit may kahirapan sa pakikipag-usap sa mga nakasama kong Manobo dahil na rin sa pagkakaiba ng wika lalo na ang nakatatanda, bakas sa kanilang mukha ang takot na dulot ng militarisasyon at pambobomba ng militar sa kanilang komunidad at paaralan sa mismong araw ng pagtatapos ng mga estudyante ng Salugpongan Ta‘Tanu Igkanugon Community Learning Center.
Ngunit sa kabila ng takot, higit na kahanga-hanga ang tibay ng loob ng mga kapatid nating Lumad sa kanilang pagpupursigi sa laban para kanilang lupang ninuno. Handa silang gawin ang lahat upang ipagatanggol ang mga kabundukang naging kanilang tahanan sa mahabang panahon mula sa mapanirang panghihimasok ng mga lokal at dayuhang negosyo ng pagtotroso at mina at pananakot ng militar at paramilitar.
Hindi iyon ang unang pagkakataon na nanuluyan ang mga Talaingod Manobo sa Haran Center dahil sa panghihimasok sa Pantaron Range, ang kanilang lupang ninuno. Sa kanilang mga kuwento, pinilit na palayasin ng kompanya ng pagtotroso na C. Alcantara and Sons ang mga Talaingod Manobo sa kanilang mga tirahan sa maagang bahagi ng dekada ’90. Nagdeklara sila ng “pangayaw” o digmaan laban sa kompanya para mapaalis ang kanilang mga armadong tauhan sa kanilang lugar.
Laging sinasabi ng mga batang Lumad na nakakausap ko tuwing may pagakakataon na ayaw nilang masira ang kabundukan. Dito nila kinukuha ang kanilang mga pangangailangan para mabuhay. Karugtong na ng kanilang buhay ang kabundukan.
Ilang buwan makalipas nang una kong makasama ang mga Lumad sa Haran Center, naglunsad ng Lakbayan patungong Maynila ang libu-libong mamamayan ng Mindanao kasama ang mga Lumad at Moro upang ipanawagan sa noo’y administrasyong Aquino na itigil na ang militarisasyon sa kanilang mga lugar at wakasan ang Oplan Bayanihan, ang kontra-insurhensiyang programa ng rehimeng Aquino.
Nasundan pa ito ng mga Lakbayan sa sumusunod na mga taon hanggang sa panunungkulan ng kasalukuyang rehimeng Duterte na pinagpapatuloy ang mga banta sa mga komunidad at paaralang Lumad sa pamamagitan ng pagpataw ng batas militar sa buong Mindanao, pagpapatuloy ng kontra-insurhensiyang kampanya sa bagong tawag na Oplan Kapayapaan at tahasang pagsasabi na bobombahin ang mga paaralang Lumad.
Sa gitna ng mga panganib at pagbabanta, patuloy na lumalakas ang laban at lumalawak ang suporta ng mga mamamayan sa ating mga kababayang Lumad na dinarahas at pinagkakaitan ng karapatan sa sariling pagpapasya at batayang serbisyong panlipunan.