Editoryal

Kay RJ at sa lupang sinta


Ang pagpaslang kay RJ Ledesma at sa 18 na iba pa sa Negros Occidental ay patunay na walang ganap na kalayaan sa ilalim ng huwad na demokrasya ng mga mapagsamantala.

Gaano kailap ang katotohanan? Para sa mga mamamahayag, pwedeng maging kabayaran kahit ang buhay sa paghahanap at paglalantad ng katotohanan. Sa lipunang pinapatakbo ng interes ng mga asendero, ng mga dinastiya at ng mga malaking negosyo, krimen, sukdulang tawagin pang terorismo, ang magsiwalat ng katotohanan ng mga hikahos at inaapi.

Noong Abril 19, malagim ang sinapit nang mga sibilyang nagpasyang makipamuhay sa mga magsasaka ng Negros Occidental sa kamay ng 79th Infantry Battalion ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Ayon sa pinagbuhol na buhangin ng AFP, mga kasapi ng New People’s Army ang 19 na napaslang sa Barangay Salamanca sa bayan ng Toboso. 

Ngunit, itinanggi ito ng New People’s Army-Negros Island. Anila, isang maliit na iskwad lang ng mga pulang mandirigma, sa pangunguna ni Komander Roger “Ka Jhong” Fabillar, ang nasa lugar.

Dagdag pa nila, ang mga pinaslang ay mga sibilyang estudyante, aktibista, tanggol-karapatan at mamamahayag na gustong malaman ang epekto ng pangangamkam ng lupa at kriminal na kapabayaan ng gobyerno sa mga liblib na pamayanan.

Mahaba na ang kasaysayan ng pagsisinungaling ng AFP sa taumbayan. Ang haba na rin ng listahan ng mga pinaslang at pinalabas na armado o kaya’y nanlaban, ng mga dinakip at ikinulong dahil umano’y terorista o komunista.

Ang isla ng Negros ay naging saksi na sa mga masaker na pinalabas na “engkuwentro” ng AFP. Walang kredibilidad ang isang institusyong instrumento ng dahas ng mga nag-aastang hari.

Isa sa mga pinaslang ng mga berdugo, si RJ Nichole Ledesma, kasamahan sa alternatibong midya. Inilaan ni Ledesma ang kanyang husay sa pagkukuwento tungkol sa mga marhinadong sektor.

Iginigiit ng AFP na armado at nanlaban si Ledesma, pati ang mga kabataang sina Alyssa Alano, Errol Wendell at Maureen Santuyo. Bawat araw, nadadagdagan pa ang mga pangalang kasama sa mga nasawi sa masaker sa Toboso.  

Taliwas sa naratibo ng militar, ang tanging armas na dala ni Ledesma ay ang kanyang panulat, ang kanyang kamera at ang mga natipong kuwento ng mga magsasakang pagod nang magdusa.

Bilang isang mamamahayag at makata, isinabuhay ni Ledesma ang responsibildad ng tapat na pagbabalita—katapatan sa kalagayan ng mga sakada sa malalaking asyenda ng tubuhan, ng mga maralita, ng mga manggagawang sinasamantala—katapatan sa taumbayan. 

Ang katotohanan, takot ang gobyerno sa mga mamamahayag, mga aktibista’t tanggol-karapatan, dahil takot silang masiwalat ang kanilang pagiging gahaman sa kayamanan. Takot silang malantad na ang kanilang yaman at kapangyarihan ay nakatuntong sa puntod ng mga pinaslang na maralita dahil sa kanilang kasakiman. 

Ang mga panulat, kamera at letra’t salitang naililimbag at naipapakalat tungkol sa kalagayan ng mga inaapi ay ningas ng pagmulat, na kapag kumalat at nagliyab, tutupok sa kaharian ng mga naghahari-harian.

Kaya gamit ang iba’t ibang legalidad at maskara ng awtoridad, madaling isara sa mata ng publiko ang pinakamahihirap na pamayanan. Madali silang tawaging kuta ng komunista o kaya’y “war zone,” at ang mga bumibisita dito bilang mga tagasuporta ng komunismo, mga armado, mga lehitimong target ng operasyong militar. 

Sa ganitong naratibo, nabura na sa talakayan kung bakit may mga mamamahayag kagaya ni Ledesma o mga estudyante, aktibista’t tanggol-karapatan, ang piniling pumunta doon.

Binura na sa usapan ang mga daan-daang magsasaka’y araw-araw gutom dahil sa mala-aliping kalagayan ng paggawa sa mga asyenda ng iilan, o kaya ang pagpasok ng mga malalaking proyektong pang-enerhiya na nagpapalayas sa mga mamamayan sa kanilang lupang tinubuan.

Hindi nakapagtataka para sa isang mamamahayag ang suungin ang pinakaliblib na lugar, ang magsiyasat sa kanilang kalagayan at magsiwalat ng katotohanan. Walang kaduda-duda kung bakit naroon si Ledesma at ang iba pang tanggol-karapatan. Ang pag-alam sa masahol na kalagayan ang nagdala sa kanila doon.

Hindi rin nakapagtataka kung bakit sa pinakaliblib na lugar umuusbong ang armadong paglaban ng mamamayan. Bunga ng atrasadong pagsasaka, malaaliping pagsasamantala, kawalan ng mga serbisyong panlipunan at matinding kahirapan, nag-aasam ang mamamayan ng kaginhawaan. Ngunit sa mahabang panahon, dahas at pagdanak ng dugo ang tugon ng mga hari.

Sa ilalim ni Ferdinand Marcos Jr., ipinagpatuloy nito ang matinding pasismo lalo na sa kanayunan. Patuloy ang pagbuhos ng pondo sa militar at lahat ng galamay nito para sa pagsupil ng karapatan at kalayaan ng mamamayan.

Kahit gaano magpanggap si Marcos Jr. bilang tagapamandila ng malayang pamamahayag, sumisingaw ang kabulukan ng kanyang mga retorika tuwing itinuturing nito ang pagiging kritikal bilang terorismo at ang pagpapahayag ng malagim na katotohanan ng pagsasamantala bilang komunismo.

Ang pagpaslang kay Ledesma at sa 18 na iba pa sa Negros Occidental ay patunay na walang ganap na kalayaan sa ilalim ng huwad na demokrasya ng mga mapagsamantala.