FEATURED

Imbestigasyon tungo hustisya


Bubuksan na ng International Criminal Court ang imbestigasyon sa gera kontra-droga ni Duterte. Ito, at iba pang proyekto, ang bumubuo sa gera kontra-mamamayan ng gobyerno, ayon sa Investigate PH.

Itutuloy na ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa mga pagpatay sa Pilipinas bunga ng giyera kontra-droga sa pagitan ng Hulyo 1, 2016 at Marso 16, 2019, at mga pagpatay sa Davao City sa pagitan ng Nobyembre 1, 2011 at Hunyo 30, 2016 noong meyor si Pangulong Duterte.

“Mayroong basehan para tumuloy sa imbestigasyon,” sabi ng ICC Pre- Trial Chamber I, kung pagbabasehan ang legal na elemento ng krimen laban sa pagpatay ng sangkatauhan (crime against humanity).

May kapangyarihan ang ICC, sa tulong ng mga member states, na iutos ang pagpapakulong sa sinumang mapapatunayang nagkasala. Posible ring makatanggap ng danyos ang mga biktima, depende sa resulta ng pagsisiyasat.

Ayon sa ICC, bahagi ng pinagmulan ng desisyon ang ebidensiya na iprinisenta ng hindi bababa sa 204 na biktima ng giyera kontra droga. Inimbestigahan rin

nila ang hindi bababa sa 385 na kaso ng extra-judicial killings sa Davao, na pinangunahan diumano ng pulis ng lungsod.

Sa ngayon, may paunang basehan ang ICC para sabihing “mukhang hindi lehitimo na law enforcement operation ang war on drugs campaign at hindi lehitimo o pawang kalabisan lang sa lehitimong operasyon ang mga pagpatay.”

Bilang depensa sa kampanya kontra droga, binawi ng Pilipinas ang pagiging miyembro ng ICC noong 2018. Sa kabila nito, may hurisdiksyon pa rin ang internasyonal na korte hanggang Marso 2019, isang taon makalipas ang pag-atras ni Duterte.

“Lalabagin nila ang karapatan natin kapag tinuloy ang imbestigasyon, kasi ibigsabihin nito makikigulo sila sa sitwasyong lokal sa ating bansa,” sabi ni Presidential Legal Counsel Salvador Panelo. Dagdag pa nito, hindi hahayaan ng gobyerno makapasok sa bansa ang ICC investigators.

Pinabulaanan naman ito ng Independent International Commission of Investigation into Human Rights Violations in the Philippines o Investigate PH.

Sa ginawa nilang pagsisiyasat, malinaw na walang katotohanan ang sinasabi ng administrasyon ni Duterte na gumagana naman ang mekanismo para sa hustisya at ang mga korte sa bansa.

Itong kawalan ng rekurso para sa hustisya kasabay ng tahasan at agresibong pag-atake sa karapatang pantao, ayon sa Investigate PH, ang dahilan bakit kagyat na pangangailangan ang imbestigasyon kay Duterte at sa kanyang gobyerno.

“Naapektuhan nito ang lahat ng mga Pilipino,” sabi ni Investigate PH High- Level Commissioner Chris Ferguson sa Ingles. Lahat ng mga mamamayan, nagiging biktima ng pandadahas.

Sa kanilang ikatlo at pinal na report, idinetalye ng Investigate PH ang mga paglabag ng administrasyong Duterte sa karapatang pantao gamit ang iba’t ibang programa at ahensya. Ito ang ilan:

Matrix ni Duterte ng mga sangkot umano sa ilegal na droga. 2016. PCOO

2016: War on drugs

Nagsagawa umano ng 4,583 internal na imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) mula Hulyo 2016 hanggang May 2019.

Ngunit isang kaso lang mula sa lahat ng kaso na may kinalaman sa drug war ang nauwi sa pagkakahatol sa mga police officer—ang kaso sa pagpatay kay Kian delos Santos, 17, noong Agosto 16, 2017.

May sapat na basehan para sabihing ang giyera kontra-droga ng administrasyong Duterte ay giyera kontra-maralita, ayon sa Investigate PH.

Sa Marawi. 2017.

2017: Batas militar sa Mindanao

Malayo sa kapayapaan ang dala ng pagdeklara at pagpapatupad ng batas militar sa Mindanao noong 2017.

“Kasunod ng deklarasyong ito ang tuminding presensya ng militar sa mga komunidad ng Lumad, na nagdala ng takot sa mga mag-aaral na Lumad at naging dahilan pa ng hindi pagtuloy ng klase,” sabi ng Investigate PH.

Muling ginamit ni Duterte na dahilan ang pagiging subersibo at paniniwala sa komunismo para pagbantaan ang mga komunidad ng Lumad at mga estudyante: bobombahin sila kapag binuksan ang mga paaralan.

Sinas at Parlade: Dalawang ulo ni Duterte sa panunupil.

2018: EO 70 o pagbuo ng NTF-Elcac

Bilang bahagi ng “whole-of-nation” approach ng gobyerno at sa pamamagitan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF- Elcac) noong 2018, dinala ang giyera kontra-kritisismo at kontra-aktibismo sa iba’t ibang ahensiya. Kasama na dito ang edukasyon, labor at employment, at social welfare.

Isa sa mga testigo ng Investigate PH si Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at ayon sa kanya, hindi naman talaga nakatuon sa armadong rebelyon ang NTF-Elcac, kundi sa pagpigil sa lehitimong pagtutol sa polisiya ng gobyerno.

Nakamamatay ang gawaing “red- tagging” ng NTF-Elcac, aniya, para sa mga manggagawa, at para na rin sa ibang sektor tulad ng mga magsasaka.

Sa pagtatala ng KMU, umabot na sa 56 na mga manggagawa ang pinatay sa administrasyon ni Duterte. Ayon naman sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) may 340 na kaso ng extra-judicial killings sa mga mabubukid.

Rice Liberalization Law: Dahilan ng pagkawala ng trabaho ng libu-libong magsasaka.

2019: Rice Tariffication Law

Kaugnay ng karanasan ng mga magsasaka, lalo pang ipinako ni Duterte sa pagdurusa ang mga magsasaka nang pirmahan niya ang Republic Act 11203 o Rice Tariffication Law noong 2019, ayon sa Investigate PH.

Sabi ng grupo, pati ang pang- ekonomiyang karapatan ng mga Pilipino, labis na nilabag ng gobyerno.

Bunga ng liberalisasyon ng rice market, nabawasan ng 300,000 agricultural jobs ang bansa noong 2019 lang. Sa pagtataya ng Federation of Free Farmers, nalugi rin ng P80 Bilyon ang mga lokal na sakahan.

Protesta sa UP kontra sa Anti-Terrorism Act of 2020. PW File Photo

2020: Anti-Terror Act

Bahagi ang Anti-Terrorism Act (ATA) sa ginagamit na mekanismo para “palakasin ang kapangyarihan ng security forces, gawing nasyonal na programa ang kontra-insurhensiya, palawakin ang paniniktik sa mga sektor, at gawing institusyonal ang pagbansag na ‘terorista’ sa sinumang tutuligsa,” sabi ng Investigate

PH.Dagdag nila, ginamit pa na dahilan ng gobyerno ang pandemya para pigilan ang mga protesta laban sa ATA.

Sa bisa ng malabo nitong mga probisyon ukol sa kung ano ang gawaing terorista, marami ang mag-aalangan na magpaabot ng lehitimong kritisismo.

Sunod na hakbang

Ilan lang ito sa mga polisiya ng gobyerno na tumatak sa karapatan ng mga Pilipinong magpasya para sa sarili, mula sa lebel ng politikal, hanggang sa pangangailangang pang-ekonomiya.

“Wala siyang masagot sa lahat ng ito,” sabi ni Investigate PH Commissioner Lee Rhiannon sa Ingles. “Kaya magiging mapang-abuso siya at itatanggi niya lahat ng ito.”

“Katakot-takot na ebidensya,” ayon kay Rhiannon, ang sumusuporta sa kanilang report, na inaasahan nilang makakatulong sa gampanin ng ICC.