Malayo pa ang kapayapaan
Para sa mga komunidad sa kanayunan, ang kapayapaan ay hindi ang katahimikan kundi ang katarungang panlipunan, isang bagay na hanggang ngayon ay patuloy na ipinagkakait sa mamamayan.
Sa nakaraang State of the Nation Address (SONA), buong kompiyansang idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na “wala nang mga grupong gerilya” sa bansa. Sinegundahan pa ito ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) Vice Chairperson Eduardo Año na nagsabing ngayon na raw pinakamalapit ang Pilipinas sa pagiging “insurgency-free”. Para sa gobyerno, ito ang abot-kamay na kapayapaan.
Ngunit sa kanayunan, ibang larawan ang lumilitaw. Ilang araw matapos ang SONA, muling umalingawngaw ang putukan at pagsabog mula Albay hanggang Aurora. Sa halip na katahimikan, takot at pangamba ang nangingibabaw.
Ayon kay Marco Valbuena, chief information officer ng Communist Party of the Philippines (CPP), insulto sa mamamayan ang pahayag ni Marcos Jr. Giit niya, hindi lang nananatili kundi patuloy na lumalakas ang armadong pakikibaka ng New People’s Army (NPA) sapagkat nananatiling hindi natutugunan ang ugat ng tunggalian gaya ng kahirapan, kawalan ng lupa at kawalan ng serbisyong panlipunan.
Sa mga rehiyon tulad ng Kabikolan at Timog Katagalugan, malinaw pa rin ang malawak na presensiya ng mga gerilya taliwas sa imaheng iguguhit ng Malacañang.
Isang malinaw na halimbawa ang nangyari sa Tagkawayan, Quezon. Noong Ago. 2, sa mismong buwan ng pagdiriwang ng International Humanitarian Law (IHL), dalawang helicopter ng 16th Infantry Battalion ng Philippine Army ang naghulog ng bomba sa Barangay Maguibuay.
Ayon sa bantay-karapatang pantao na Tanggol Quezon, matinding takot at pagkabahala at pagkataranta ang idinulot nito sa mga residenteng karamiha’y magsasaka. Makalipas ang isang araw, iniulat ng militar ang engkuwentro at ang pagkamatay ng isang kasapi ng NPA.
Habang inililibing ng pamahalaang lokal ang nasawing gerilya, ang mga sibilyan nama’y patuloy na nananahan sa takot. Lalo pang tumindi ang pangamba nang isalaysay ng humanitarian mission team ng Tanggol Quezon na sila’y sinundan at minanmanan ng hindi bababa sa 10 ahente ng militar.
Mariing kinondena ng International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP) ang pambobomba. Anila, malinaw na paglabag ito sa IHL at pruweba ng patuloy na pag-atake ng estado sa mamamayan. Para sa kanila, hindi kapayapaan ang dulot ng militarisasyon kundi higit pang krisis at paglabag sa mga karapatan.
Sa isla naman ng Mindoro, inilunsad ng Armed Forces of the Philippines ang tinawag nilang “final push” laban sa NPA. Ngunit hindi lang mga armadong gerilya ang apektado, pati ang mga sibilyan na napipilitang lumikas, nawalan ng kabuhayan at nanirahan sa ilalim ng banta ng karahasan.
Inilalantad ng ganitong mga insidente ang agwat ng retorika at reyalidad, ayon sa mga rebolusyonaryo. Kung tunay na wala na ang mga gerilya, bakit nagpapatuloy ang aerial bombing, focused military operation at mga ulat ng sagupaan? Kung tunay na kapayapaan ang umiiral, bakit kailangan pang supilin at takutin ang mga tanggol-karapatan at organisasyong nagtatanggol sa mga karapatan ng mga sibilyan?
Para sa CPP at sa mga komunidad na nasa gitna ng labanan, malinaw ang sagot. Hindi natutugunan ng kasalukuyang rehimen ang ugat ng armadong tunggalian. Nananatiling malaganap ang kahirapan, kawalan ng lupa at kabuhayan at kawalan ng serbisyong panlipunan. Sa halip na tugunan ito, mga sundalo at bomba ang ipinapadala sa kanayunan.
Dagdag pa rito ang malalim na papel ng United States (US) sa estratehiya ng kontra-insurhensiya ng bansa. Sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), lalong lumalawak ang presensiya ng mga sundalong Amerikano sa bansa. Ayon sa Bagong Alyansag Makabayan, pinapalakas nito ang agresibong kampanya laban sa mamamayan habang isinusuko ang soberanya ng Pilipinas.
Hindi maikakaila na nananatiling kritikal na taon ang 2025, ngunit hindi dahil papalapit na sa katapusan ang CPP-NPA. Kritikal ito dahil mas tumitindi ang banggaan ng mga naratibo.
Sa isang panig, iginigiit ng estado na tapos na ang rebelyon at abot-kamay na ang kapayapaan. Sa kabilang panig naman, ipinapakita ng mga gerilya, ng mga sibilyan at ng mga bantay-karapatang pantao na malayo pa ang tatahakin tungo sa tunay na hustisya at kalayaan.
Kung may itinutumbok ang mga pambobomba at patuloy na labanan, ito’y ang malinaw na katotohanang hindi kayang tabunan ng retorika. Walang kapayapaan hangga’t hindi natutugunan ang ugat ng sigalot sa lipunan.
Para sa mga komunidad sa kanayunan, ang kapayapaan ay hindi ang katahimikan kundi ang katarungang panlipunan, isang bagay na hanggang ngayon ay patuloy na ipinagkakait sa mamamayan.