FEATURED

Katotohanan sa ‘generals’ pork’

Taliwas sa sinasabi ng mga heneral, may presensiya pa rin ang rebolusyonaryong kilusan sa mga barangay na pinaglalanan ng pondo ng NTF-Elcac. Brutal man at pinondohan nang malaki, lumalabas na di epektibo ang programang kontra-insurhensiya.

Kung paniniwalaan ang administrasyong Duterte, malaking tagumpay ang giyera kontra insurhensiya nito. “Cleared” na o “nalinis” na raw ang 822 barangay sa Pilipinas. Pero kung sisilipin ang mga barangay na pinaglaanan na ng tig-P20 Milyon, makikitang hindi totoong “cleared” na o wala nang presensiya ng New People’s Army (NPA) ang mga ito.

Ito ang isiniwalat ng public information office ng rebolusyonaryong Communist Party of the Philippines (CPP), na namumuno sa NPA. Pag-aaral ito sa badyet ng NTF-Elcac at batay sa kumpirmadong mga ulat ng mga insidente ng armadong kumprontasyon ng NPA at mga tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP). 

Nakatala ito ng 106 insidente ng armadong mga engkuwentro sa pagitan ng NPA at AFP sa di-bababa sa 50 barangay magmula Enero 1, 2020 hanggang Hunyo 15 ngayong taon. Ayon sa CPP, di pa raw kumpleto ang datos na ito, kaya baka mas mataas pa ang aktuwal na bilang.

Data mula sa CPP at DBM

‘Malinis na sa insurhensiya’?

Isang halimbawa: Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), isa ang Brgy. Guinabsan sa Buenavista, Agusan del Norte sa mga “insurgency-cleared” na mga barangay na pinaglaanan na ng P20-M noong nakaraang taon.

Pero nitong Mayo 20 lang, nagkaroon ng sagupaan ang NPA at mga tropa ng 23rd Infantry Battalion ng Army. Kasama ito sa naitala ng CPP. Kinumpirma din ito mismo ng AFP, sa ulat ng Philippine News Agency (PNA) noong Mayo 24.

Bago nito, nakatala din ang CPP ng dalawa pang armadong engkuwentro noong taong 2020: Abril 15, 2020 at Abril 21, 2020.

Isa pang “insurgency-cleared barangay” ang Brgy. San Miguel sa Las Navas, Northern Samar. Katunayan, binisita pa umano ito ni Presidential Communications Sec. at NTF-Elcac spokesperson Lorainne Badoy noong unang linggo ng Mayo 2021. Pero iniulat ng CPP na nagkaroon ng “opensibang” armadong engkuwentro rito noong Mayo 24, 2021, o ilang linggo lang matapos mabisita ni Badoy.

Nandoon mismo si Badoy sa Brgy. San Miguel para magpasinaya sa pagtatayo daw ng patubig at farm-to-market road na nagkakahalagang P20-M sa ilalim ng BDP ng NTF-Elcac.

Nitong Enero 30 at 31 naman, iniulat ng CPP ang “opensibong” atake umano nito laban sa mga tropa ng AFP sa Brgy. Canangaan, Cabanglasan, Bukidnon. Nasa lista rin ng DBM ang Brgy. Canangaan sa mga nabiyayaan ng P20-M. 

Katunayan, inamin naman ni Maj. Rodulfo Cordero Jr., tagapagsalita ng 4th Infantry Division, na nagkaroon ng ang engkuwentro sa naturang barangay sa pagitan ng 88th Infantry Battalion at NPA. Pero itinanggi niya ang ulat ni Ka Malem Mabini, tagapagsalita ng NPA North-Central Mindanao Command, na 12 sundalo ng AFP ang napatay at walo ang sugatan sa serye ng mga engkuwentro na ito sa dalawang nabanggit na araw.

Bukidnon ang may pinakamaraming barangay na nasa ilalim ng BDP na may naiulat pa ring armadong engkuwentro sa pagitan ng mga rebelde at tropa ng gobyerno. May 13 insidente ito mula Enero 1, 2020 hanggang Hunyo 15, 2021. Pero noong Agosto 2020 lang, sinabi ni Lt. Col. Franklin Fabic, hepe ng 88th IB sa lugar, na “nalalagas” (“disintegrating”) na raw ang NPA sa Bukidnon. 

‘Pekeng’ pagsuko

Isa sa mga dahilan ng AFP para ideklarang “NPA-free” ang barangay ay ang pagkakaroon ng malaking bilang ng “NPA surrenderees” dito. Halimbawa na nito ang “12 surrenderees sa ilalim ng Guerrilla Front-Malayag ng NPA” daw sa Cabanglasan. 

Ilang beses nang nahuli ang AFP na nag-uulat ng “pekeng pagsuko” ng mga sibilyan na pinalalabas na NPA. Noong Disyembre 2019, nahuli itong naglabas ng “dinoktor” na litrato ng 306 “surrenderees” daw ng NPA sa Masbate na inilabas ng 9th ID. Matapos mapuna ng netizens ang halatang pagdodoktor ng larawan, nagdeklara si Defense Sec. Delfin Lorenzana at AFP Chief of Staff Lt. Gen. Gilbert Gapay na iimbestigahan ang insidente. Pero wala nang ulat ng resulta ng imbestigasyon.

Iniimbestigahan din umano ng Commission on Human Rights (CHR) ang ulat ng malawakang puwersahang “pagpapasuko” sa 244 sibilyang maralita sa San Jose Del Monte, Bulacan at pagprisinta sa kanila bilang NPA. Ilan umano sa mga “pinasuko”, mga miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay.

Nitong Enero 2021, inireklamo naman ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang “pagpapasuko” ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ng diumano’y 30 manggagawa na mga drayber ng isang kompanya ng trucking. 

May di-bababa sa dalawang kaso pa ng mga unyonistang “pinasuko” at inihanay sa midya bilang “NPA surrenderees”. Noong Pebrero 2018, ginawa na ito sa mga unyonista ng Musahamat Farm sa Compostela Valley, at sa mga manggagawa ng Coca-Cola Sta. Rosa Laguna noong Mayo 1, 2020.

“Dinukot ang presidente (ng unyon), pati ang bise, tapos ang sekretarya ng unyon, tapos isang araw pinrisinta sila bilang NPA surrenderees,” sabi ni JP Dizon, pangkalahatang kalihim ng KMU-Southern Mindanao.

Samantala, ngayong 2021 lang, ayon sa CPP, may naitala itong 19 insidente sa mga barangay na pinondohan ng BDP. Sa 50 barangay na nakaranas ng 106 insidente (Enero 1, 2020-Hunyo 15, 2021), may kabuuang P1-B badyet na nakalaan ang NTF-Elcac.

10 probinsiyang may pinakamaraming barangay na nabiyayaan ng tig-P20 Milyon mula sa Barangay Development Program ng NTF-Elcac.

Nadagdagan pa

Maliban sa 822 “insurgency-cleared” na mga barangay, iniulat din ni Esperon nitong Hunyo na may 2,220 karagdagan pang barangay na “cleared” na kailangang paglaanan daw ng badyet sa susunod na taon. 

Noong Mayo, nanawagan ang ilang mambabatas at grupo ng pagbawi sa pondo ng NTF-Elcac matapos ang serye ng red-tagging nito sa mga kritiko ng gobyerno at iba pang grupo katulad ng mga nagsasagawa ng community pantry. Pero sinabi ng naturang task force na 75 porsiyento na ng P16-B pondo nito ang naitalaga na sa mga barangay.

(UPDATE: Matapos mailathala ang artikulong ito, inanunsiyo ng DILG na umabot na sa 99 porsiyento ng P16.4-B badyet ng NTF-Elcac sa taong 2021 ang nailabas at naipamahagi sa ilalim ng BDP. -Ed.)

Sa 822 barangay na “insurgency-cleared”, 782 ang naendorso na bigyan ng pondo ng rehiyunal na pormasyon ng NTF-Elcac. 

“Pinapakita nito na episiyenteng hinahawakan ang pondong ito diretso ng mga LGU (local government units),” sabi ni Interior and Local Government Undersec. at isa sa mga tagapagsalita ng NTF-Elcac na si Jonathan Malaya, sa wikang Ingles, noong Mayo. “Noong nakaraang linggo, iniulat namin ang 65 porsiyentong pag-apruba sa badyet…sa pagpasok ng updates sa Regions 4A at 11, nasa 75 porsiyento na tayo.”

At, sa pagdagdag pa ng bilang ng dineklarang “insurgency-free barangays”, umaasa si Esperon na patuloy na paglalaan ng malaking pondo ng Kongreso at NTF-Elcac. 

“Kung hindi natin idedebelop ang mga lugar na ito (“insurgency-free barangays”), mauulit lang (ang insurhensiya). Kung mag-oopereyt tayo nang 3, 4, o 5 buwan, tapos aalis nang di idedebelop, magiging bulnerable ito sa pagrekober ng NPA,” sabi ni Esperon.

‘Generals’ pork?’

National Security Adviser, NTF-Elcac vice-chair, at dating heneral Hermogenes Esperon Jr. PCOO

Pero ipinagtataka rin ng maraming kritiko kung bakit nakalaan pa sa mga balwarte ni Pangulong Duterte ang pinakamalalaking bahagi ng badyet ng NTF-Elcac. Nangunguna, siyempre, ang Davao City, na may nakalaang P1.64 Bilyon ang naturang lungsod, paghahatian ng 82 barangay nito.

Katunayan, sa 10 probinsiyang may pinakamalaking badyet sa ilalim ng BDP ng NTF-Elcac, isa lang ang wala sa Mindanao. Ito ang Iloilo (ikawalo, may P840 Milyon). Matapos ang Davao City, sumunod ang Bukidnon (P1.42-B); Compostela Valley/Davao de Oro (P1.3-B); Agusan del Norte (P1.02-B); Surigao del Norte (P980-M) Surigao del Sur (P920-M); Agusan del Sur (P900-M); Iloilo; at Misamis Oriental (P740-M).

May badyet na di-bababa sa P20-M ang bawat barangay sa ilalim ng BDP, ayon sa NTF-Elcac. 

Ikinaalarma ng maraming mambabatas at grupo ang tagibang na pagbabadyet na ito ng NTF-Elcac pabor sa Mindanao. Para kay Sen. Franklin Drilon, halimbawa, posibleng magamit sa eleksiyon ang pondo.

“Generals’ pork barrel” naman ang tawag dito ng blokeng Makabayan. Nagtangka ang maraming mambabatas na bawiin ang badyet ng NTF-Elcac, pero huli na ang lahat, dahil iniulat ng NTF-Elcac noong Mayo na 75 porsiyento na nga o P12.3-B ang nailabas na sa badyet. Sabi ni Malaya, naibigay na raw ito sa mga barangay.

May nakikita si Neri Colmenares, co-chair ng Makabayan, na dalawang silbi ang 16-B badyet para sa administrasyong Duterte. 

“Una ay para gamitin ito laban sa mga lumalaban (sa rehimen). Hindi nga natin alam kung itong mga barangay na pinopondohan nila, malakas (ang Makabayan) o hindi,” ani Colmenares, sa wikang Ingles.

Iniulat ni Jay Apiag, pangkalahatang kalihim ng Karapatan-Southern Mindanao,  na noong Hunyo 2020, kasagsagan ng martial law sa Mindanao, nang maganap ang serye ng aerial bombings sa mga komunidad ng mga Lumad at magsasaka sa iba’t ibang bahagi ng isla.

“Pumunta ako sa President Roxas, North Cotabato, noon,” kuwento ni Apiag. “Sabi ng (LGU) local government unit, kung magpupumilit kaming pumunta sa komunidad na may diumano’y human rights violations (HRVs), hindi nila maseseguro ang kaligtasan namin.”

Sa sumunod na linggo, sa bayan ng Manay sa Davao Oriental naman. “Nag-courtesy call pa kami sa mayor. Pagdating namin sa bahay mismo, nandun ang mga bodyguard niya, kinasahan kami ng mga baril,” ani Jay.

Hirap silang makadokumento ng mga paglabag, at umasa sa lokal na mga kontak para sa mga ulat ng human rights violations. Samantala, sina Apiag din, sa mismong Davao, tuluy-tuloy na siniraan: Nagkalat ang mga poster, may mga pangalan at larawan niya at iba pang lider-aktibista, binabansagan silang terorista.

Pagtitipon sa Brgy. Guinabsan, Buenavista, Agusan del Norte na pinatawag ng NTF-Elcac para pag-usapan daw ang BDP sa naturang barangay. 23rd IB FB page

Bakit dadaan sa mga heneral?

“Pangalawa (sa pagtutulak ng NTF-Elcac na magkaroon ng malaking pondo) ay pork barrel. Pero magtatayo sila ng mga klinika, eskuwelahan – hindi ba katulad din ito ng pork ng mga kongresista at senador?” tanong ni Colmenares.

Ang batayang isyu ng Makabayan sa tinguarian nilang “generals’ pork” ay ito: Bakit kailangang idaan ito sa kanila? 

“Sino ba ang mas nakakaalam kung saan dapat magtayo ng mga eskuwelahan – mga heneral o ang Department of Education? Sino ang mas nakakaalam kung saan dapat matayo ng mga klinika – mga heneral o Department of Health?” tanong pa ni Colmenares.

Paliwanag ng NTF-Elcac at mga tagasuporta nito tulad ni Sen. Panfilo Lacson na hindi raw mahahawakan ng naturang ahensiya ang pondo, kundi barangay.

Pero may paraan pa rin para mahawakan ng AFP ang pondo. Paliwanag kasi ni Gabriela Rep. Arlene Brosas, hindi lahat ng barangay ay may kakayahang magpatupad ng proyektong may P20-M pondo. Kaya kanino maiimbudo ang implementasyon? 

“Kung hindi kaya ng barangay, LGU. Kung di kaya ng LGU, national government. Kaya natin tinawag iyan bilang ‘generals’ pork’, kasi Engineering Brigade ng AFP magpapatupad niyan,” sabi pa niya.

Dagdag pa ni Brosas, sinasabi ng mga tagasuporta ng BDP na kung pipigilan ang pagbigay ng pondo sa NTF-Elcac, maaantala ang insurgency program ng gobyerno. “Hindi ko maintindihan ang logic nun. Kasi (ang NPA), kung hindi puwede sa isang lugar, lilipat lang iyan sa iba. Kung bibigyan mo ng pumping station (ang isang barangay), tapos na ang insurgency?” aniya pa.

At nakita na nga sa mga insidente ng armadong sagupaan sa mismong mga barangay na may pondo sa NTF-Elcac: Hindi natutugunan nito ang ugat ng armadong pag-aalsa ng CPP-NPA. Ang masama, nagiging pagkakataon ang BDP para sa gipitin ang lehitimong kritisismo, at para sa korupsiyon.