FEATURED

Pondo kontra-insurhensiya, bakit nasa mga siyudad?


Sinasabi ng pamahalaan na nasa UP at iba pang unibersidad ang mga NPA. Bakit nasa Davao ang pinakamalaking alokasyon ng pondo kontra-insurhensiya?

Pinondohan ng Kongreso ng mahigit P15 Bilyon ang para sa taong 2021 para raw paigtingin ang giyera kontra-insurhensiya ng rehimeng Duterte.

Pero matindi ang pagbatikos ng iba’t ibang kritiko at maging netizens sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) dahil sa red-tagging at mga atake nito sa mga sibilyang grupo at indibidwal na pawang mga kritiko ng gobyerno.

Kamakailan, lalong binatikos ito sa social media dahil sa rebelasyong hinggil sa alokasyon ng pondo ng NTF-Elcac para sa lokal na mga pamahalaan. Kapuna-puna kasing pinakamalalaking pinaglaanan ng pondo ng nasabing ahensiya ng gobyerno ang mga nasa siyudad.

P1.64 B para sa Davao City

Hindi nakaligtas sa puna ang P1.64 Bilyong inilaan para sa Davao City, na siyang may pinakamalaking matatanggap mula sa programang Support to the Barangay Development Program ng NTF-Elcac.

“Marami palang NPA sa Davao City. Jusko,” komento ng Facebook user na si JJ Ivler Joe sa isang post ng Daily Guardian sa kanilang pahina kaugnay ng usapin. Saad naman ni Ofelia Palces sa post ng Rappler, “Bakit ang laki ng pondo sa davao. Akala ko tahimik na lugar dyan at walang mga npa?…Eh bakit sa UP nilagay ang mga militar?”

Pinagdudahan naman ng ibang netizen na ang paglalaan ng pinakamalaking pondo sa naturang siyudad ay para sa korupsiyon at bilang paghahanda sa nalalapit na pambansang eleksiyon sa 2022.

Kasama ang nakalaan sa naturang siyudad sa kabuuang P4.3-B alokasyon para sa Davao Region – rehiyon ni Pangulong Duterte at ng kanyang pinakapinagtitiwalaang mga opisyal. Aabot kasi ng 215 barangay sa rehiyon ang makakatanggap ng P20 Milyon bawat isa.

Kaya naman may mga nagpapahayag ng kanilang pagdududa sa paglalaan ng pondo ng gobyerno sa nasabing lugar. “Notice that Davao always get the Lion’s share like even PhilHealth? (“Napansin niyo ba na Davao ang laging nakakakuha ng malaking bahagi tulad ng sa Philhealth?”)” ani Ana Maria Butcher.

Nadawit sa usapin ng nawawalang P15-B pondo ng PhilHealth ang dalawang ospital sa Davao Region na nakatanggap na may pinagsamang halaga na P535-M pinakamalaking cash advance mula sa Interim Reimbursement Mechanism ng ahensiya.

Support to the Barangay Development Program

Bahagi ang mga naturang pondong nakalaan sa mga lokal na pamahalaan sa P16.4-B Support to the Barangay Development Program ng NTF-Elcac. Layunin ng programa na maglaan ng P20-M kada barangay bilang parte ng kampanyang kontra-insurhensiya ng gobyerno. Ilalaan umano ang pondo para sa proyektong pangkabuhayan sa mga lugar na “infiltrated” (may presensiya) o “threatened” (may banta) ng insurhensiya.

Nagmula ang pondo ng naturang programa sa mga dati nang mga budget item sa ilalim ng Local Government Support Fund – pagtatayo ng mga farm-to-market road, school building, tulong-pinansiyal (medikal, pagpapalibing, transportasyon, at educational assistance) at iba pang kahalintulad. Ngunit ang mga ito’y matagal nang ipinatigil ng Korte Suprema dahil sa sistemang pork barrel.

Kaya nauna nang pinuna ng mga grupong tulad ng Bayan Muna nasabing programa at tinawag pa itong “pork” ng retiradong mga heneral. Bukod sa pangangasiwa, ang NTF-Elcac din ang may kapangyarihang mag-certify at magbigay ng pondo sa mga barangay.

Defund NTF-Elcac

Higit pa sa P16.4-B pondo ng programang Support to the Barangay Development Program, nauna nang ipinanawagan ng iba’t ibang progresibong grupo ang pagharang sa badyet ng NTF-Elcac. Lumobo ang pondo ng naturang ahensiya nang halos 3,000 porsiyento – mula P622.3-M noong 2020 tungo sa P19.1-B ngayong taon.

Kaakibat nito, tumining ang panawagang “Defund NTF-Elcac!” bunsod ng pagiging notoryus ng nasabing ahensiya sa red-tagging ng mga indibidwal at mga grupo at pagpapakalat ng disimpormasyon at “fake news”.

Maaalalang idinawit ng ahensiya maging ang kilalang mga artista tulad nina Angel Locsin, Catriona Gray at Liza Soberano na may koneksiyon sa Communist Party of the Philippines at New People’s Army dahil lamang sa pagsasalita nito hinggil sa isyu ng kababaihan at kapalpan ng pamahalaan sa pagtugon sa pandemyang coronavirus disease 2019 (Covid-19).