FEATURED

Posthumanismo ng manananggal at lipunan


Rebyu ng Si Amapola sa 65 na Kabanata (Ricky Lee, 2011)

"Si Amapola sa 65 na kabanata" ni Ricky Lee

Rebyu ng Si Amapola sa 65 na Kabanata (Ricky Lee, 2011)

 

May fasinasyon ang mundo—at kung gayon, ang bansa—sa modernong adaptasyon ng mga nilalang sa dilim:  sa pelikula, ang matagumpay na Twilight Saga series; sa telebisyon, ang Vampire Diaries at ang mas madilim na True Blood; at sa Filipinas, ang Corazon: Ang Unang Aswang (2012), Yanggaw (2008), at bilang stock na karakter at kwento sa Shake, Rattle and Roll series.

Ang kaibahan sa mundo, hindi emo ang bigat na bumabagabag sa mga tauhan at kwento ng adaptasyon sa bansa, kundi ang mismong horror at panlipunang melodrama na bumabalot sa mga buhay.  At ganito rin ang posthumanismo o ang edad na pawala na ang tao at sangkatauhan—at ang kanilang pagkatao’t humanismo—na nagluluwal ng makabagong nilalang:  isinasantabi pero may radikal na potensyal na tumuligsa sa otoratibo’t kapangyarihan.

Si Amapola, baklang impersonator at manananggal na may at least dalawang personalidad (ang machong Isaac at ang effeminate na si Zaldy), ay ang bagong tagapagligtas ng bansa.  In love kay Homer, single parent, si Amapola ay tinutupdan ang hindi nagawang paglalahad ng pagmamahal ng kanyang lola sa tuhod, si Sela na may lihim na pag-ibig kay Andres Bonifacio.

Mayroong support group ng kapwa manananggal, nagkaroon ng reality television, kalaban ng hate-monger na politikong si Trono, kapanalig ng sikretong operatibong nagtataguyod ng karapatan ng mga nilalang sa dilim, si Amapola’t ang kanyang saga ay taas-baba baba-taas (tulad ng monitor para sa puso) sa ipinangakong bilang ng kabanata sa titulo ng nobela ni Ricky Lee.

Ang kaibahan sa pelikulang counterpart ng adaptasyon, hindi horror ang tuon kundi parody o matalas na pagpapatawang may kirot dahil may historikal at panlipunang referensiya’t komentaryo.  Campy ang nobela, may referensyalidad sa kanyang exaheradong konstruksyon na nakakapagbuyanyang ng kalabisan at kakulangan sa relasyon nito sa lipunan at kasaysayan.

"Si Amapola sa 65 na kabanata" ni Ricky Lee
"Si Amapola sa 65 na kabanata" ni Ricky Lee

Katawan na nahahati, pagkataong may pagkakahati-hati sa tinanggap na personalidad, mga hati-hating relasyong pinili’t implikado, si Amapola ay hindi kumbensyonal.  Bagamat maliit na mundo na iniinugan—Morato, Scout area, Timog—ay  malawak ang ugnayang sinasaad.  Kontemporaryo ang nobela sa pag-uugnay ng tila hindi magkakaugnay na mga bagay, entidad at kaganapan.

Umiinog ang kaganapan at tunggalian sa nobela sa backdrop ng mga sityo ng leisure—ABS-CBN, coffee shops, spa, clubs, sing-a-long bars.  Ito ang bagong preokupasyon (ang service sector) ng buhay ng mga tauhan:   ang malinis-linis o gentrified na Morato, kumpara sa Ermita ng 1970s na buhay sa hedonistikong ipinagbabawal.

Kung magiging mapagbigay sa politikal na komentaryo ng nobela, ito ay ang kakayahang magluwal at magpaunlad ng kontraryong pagkatao’t pagkamamamayan.  Maliban sa isang politiko at pagbabanggit sa presidente, walang politikal na kaayusan sa nobela sa labas ng inilatag ng negosyo—ang service sector–sa pangunahin.  Si Amapola, Emil, Homer, Sela at ang iba pang tauhan ay nabubuhay na parang absent ang gobyerno.

Kanya-kanyang paghahanap ng kahulugan at kasaganahan sa buhay, kanya-kanyang paghahanap ng ugnay sa nakaraan, at paghahanap ng lugar sa kasalukuyan.  Nagtagumpay nang ipribatisado ang pagnanasa’t pagkilos para sa kabuluhan ng buhay sa kamay ng individual.  Wala nang ibang rekurso maliban sa inaalok ng negosyo’t ipinagpaubaya ng gobyerno sa negosyo:  impormasyon at opinyon, publikong serbisyo, buhay at kamatayan ng mga mamamayan.

Kaya integral ang posthumanismo ni Amapola at ang kanyang kauri’t kakatawan—dahil ipinapaunawa sa ating tao ang sukdulan ng pagkatao:  homophobia, misogyny, heteronormativity, klasista, racismo, at iba pa.  Mas “may laya” si Amapola sa kanyang katawan at pagkatao dahil bukas siya sa posibilidad, at sa ibang antas, ang kanyang papel sa pagbabago ng lipunan at bansa.

Ito ang “katawang walang organo” (Deleuze at Guattari) na kayang mamukadkad kahit sinusupil, na abanteng destakamento ng posibilidad, na kahit sinusupil, bumabangon at nanlalaban.  Ito ang katawang may pakikipagkapwa, na may misyon lampas sa sariling pagkaunlad, na ang pagkaunlad ay nakabatay sa binabahaging pag-unlad ng kanyang kapwa.

At ito ang napagtagumpayan ng nobela—na kontraryong humanismo, nanlalaban at mahina pa—ang inilalahad na alternatibo sa lipunang nahikayat nang ipagbili ang kanilang pagkatao’t politika sa negosyo.  Sa stilo, postmoderno ang nobela:  walang nilinaw na direksyon, mala-mala ang tinutumbok, mahilig sa surfaces at imahen, magaang basahin kahit walang katiyakan sa kung ano ang nakuha.

Tulad ng fantastikong alamat ng bakla na isinaad ni Amapola, kanya-kanyang pag-aakda na may konsiderasyon sa kolektibong paglaya ang nais tunguhin nitong nobela ni Lee.