Maralitang Lungsod Uncategorized

‘Krus na pasanin ng maralitang Pilipino, lalong bumibigat’

Pasan ang krus na simbolo ng kahirapan sa balikat ni Juan Dela Cruz. Mga kidlat na animo’y latigo. Paghambalos na sumisimbolo sa mga kartel ng langis, kasabwat sa pagpapahirap ang mga tauhan ni Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III bilang Pontio Pilato at si Uncle Sam (gobyernong US), gamit ang programa nitong Public-Private-Partnership Program sa kanilang bersyon ng senakulo sa paggunita ng Mahal na Araw.

Pagsasadula ng mga maralitang grupo sa pagpapahirap umano sa kanila, kaalinsabay ng Mahal na Araw ngayong linggo. (Pher Pasion)

Ganito ang larawan ng “Kalbaryo ng Maralita” ngayong taon sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan-National Capital Region, Sining Bugkos at Kalipunan ng Damayang Mahihirap upang ipakita ang anito’y pagpapahirap ng administrasyong Aquino sa mga maralita.

“Ang araw-araw na kuwento ng bawat Pilipino sa pagtuloy na pagharap natin sa mataas na presyo ng langis at kuryente, gayundin ang kawalan ng disenteng tirahan (at) demolisyon ay pawang maitutulad sa paghihirap kay Kristo hanggang sa kanyang kamatayan sa Kalbaryo,” pahayag ni Paolo Quiza, tagapagsalita ng Bayan-NCR.

Dumaan ang pagsasadula ng kalbaryo ng maralita sa isang tanggapan ng National Power Corporation, na nakaambang magtaas ng singil sa kuryente sa susunod na mga buwan. (Pher Pasion)
Dumaan ang pagsasadula ng kalbaryo ng maralita sa isang tanggapan ng National Power Corporation, na nakaambang magtaas ng singil sa kuryente sa susunod na mga buwan. (Pher Pasion)

Isinisisi ng grupo ang administrasyong Aquino sa pagbibigay ng matinding “kalbaryo” at pagpapahirap sa miserable nang kalagayan ng mga Pilipinong mahihirap.

Ipinahayag din ng grupo sa kanilang protesta ang tatlong krus na matagal nang pasan-pasan ng mga mahihirap na pamilyang Pilipino, kabilang malawakang demolisyon, na taas-presyo ng langis at nakaambang taas-singil sa kuryente.

“Maliban sa mga serye ng demolisyon at pagtaas ng presyo ng langis mula Enero, ang administrasyong Aquino ay nakaambang ipasan ang isa pang krus sa balikat ni Juan Dela Cruz. (Kasama sa ipapasan pa ang pag-apruba) ng Energy Regulatory Commission (sa) mga petisyon sa pagtaas ng singil sa kuryente ng National Power Corporation (Napocor) at Manila Electric Co. simula ngayong taon,” diin ni Quiza.

Sinuyod ng grupo ang Brgy. North Triangle sa Quezon City na nahaharap sa demolisyon sa pagtatapos ng Mahal na Araw. Gayundin, dinaanan ng grupo ang Napocor bilang pagkondena sa panibagong banta ng dagdag-singil sa kuryente.

“Ang kawalang aksiyon at pag-amin ng Palasyo na wala silang magagawa para resolbahin ang taas-presyo ng batayang mga serbisyo at bilihin tulad ng langis at kuryente ay mahahalintulad sa pagtataksil ni Pilato kay Kristo. Walang ginagawa si Noynoy Aquino kundi maghugas ng kamay upang iligtas ang sarili sa pagpapahirap sa ating mga mamamayan,” dagdag ni Quiza.

Ayon sa grupo, hindi nila nakikitang tatanggalin ng administrasyong Aquino ang mga krus sa balikat ng mga mamamayang Pilipino. Bagkus ay patuloy nitong papahabain ang paghihirap ng mga mamamayan.

Dagdag nila, ang mga ganitong hakbang ni Aquino upang dagdagan ang miserableng kondisyon ng mga mamamayan ay nangangahulugang ng mas maigting na protesta ng mga mamamayan upang ibsan ang mga pagpapahirap sa kanila.